|
このページは主としてフィリピンの方に提供しているため、
現在のところタガログ語(フィリピノ語)で掲載させていただきます。(毎週更新を目標)
It lets us insert it in Tagalog because
this page is provided for the Filipino.
(Renewal, every week.)
|
|
News
(Police news)
|
|
|
| Dec 07,
2006 |
|
***
'Nicole' lumantad na!r ***
Ni Doris Franche
Isang araw matapos na ibaba ng Makati Regional Trial Court ang hatol
sa apat na US Marines, lumantad na sa publiko ang biktima sa Subic
rape case na si "Nicole" sa isang press conference sa Quezon City
kahapon.
Ayon kay Nicole, maluwag na sa kanyang dibdib ang naging desisyon
ni Judge Benjamin Pozon kahit si L/Cpl. Daniel Smith lamang ang nahatulan
na makulong ng habambuhay at naabsuwelto ang tatlong iba pang sundalo
na sina Lance Cpls. Keith Silkwood at Dominic Duplantis, at Staff
Sergeant Chad Carpentier.
Ayon kay Nicole itutuloy niya ang takbo ng kanyang buhay at ituturing
niyang isang aral at hamon ang kanyang naranasan sa kamay ng apat
na Amerikanong sundalo.
Iginiit ni Nicole na hindi niya ikinahihiya ang anumang nangyari
sa kanyang buhay dahil nakamit naman niya ang hustisya matapos ang
isang taong pakikipaglaban.
Sa katunayan, naghahanap na siya ng trabaho kung saan isang kompanya
ang nag-alok sa kanya upang maging simula ng kanyang bagong hakbang
sa buhay.
Kasabay nito, hiniling din ni Nicole sa mga mambabatas na muling
pag-aralan ang ilang provision sa Visiting Forces Agreement (VFA)
kung saan sa isang bilateral pact ay nakasaad na nararapat na sa US
Embassy ikulong ang sinumang American military officer sakaling lumabag
ito sa batas ng Pilipinas.
Sinabi ni Nicole na ang VFA ay hindi pantay sa pagbibigay ng hustisya
tulad na rin ng ginawang kahalayan ng mga sundalo sa kanya noong Nobyembre
2005 sa Neptune Club sa Subic, Zambales.
Tutol si Nicole na mailipat sa US Embassy si Smith para doon makulong
kaya haharangin ng kanyang kampo ang gagawing apela ni Smith.
Aniya, ang kasalukuyang probisyon ng VFA ay pabor lamang sa mga Amerikano
at talunan ang mga Filipino.
Samantala, inamin ni Nicole na nakaramdam din siya ng awa kay Smith
at mapapatawad niya ito sakaling humingi naman ito ng kapatawaran
sa kanya.
Labis ding nagpasalamat si Nicole sa media, non-governmental organizations,
mga madre at kay Judge Pozon sa nakamit niyang hustisya.
Courtesy of Ang Pilipino Star Ngayon
|
| Nov 04,
2006 |
|
***
Malacanang, Kongreso, Hudikatura planong ilipat sa isang lugar ***
Ulat Ni Malou Escudero
Hindi pabor ang ilang kongresista sa panukala ni Senator Ralph Recto
na ilipat sa iisang lugar ang Malacanang, Kongreso at Hudikatura bilang
solusyon sa bangayan sa Charter change.
Ayon kay CIBAC party-list Rep. Joel Villanueva, mas dapat unahin
ang pagbabalik ng tiwala at magandang samahan sa tatlong sangay ng
gobyerno bago isipin ang paglilipat ng mga ito sa iisang lugar.
"Mababa na ang ibinagsak ng respeto sa isa't isa ng bawat sangay
ng gobyerno, ang muling iangat ito ang una munang dapat gawin," ani
Villanueva.
Napaulat na isa umano sa naiisip na paraan ni Recto upang wakasan
ang "gridlock" sa tatlong sangay ng pamahalaan ay ang pagsasantabi
sa Cha-cha at unahin ang paglilipat ng mga ito sa isang "convenient
complex" malapit sa Mall of Asia.
Problema umano sa ngayon ang magkakalayong distansiya ng Malacanang,
Kongreso at hudikatura kaya nagkakaroon din ng gusot sa "interpersonal
relationships" at "camaraderie" lalo na ng mga senador at kongresista.
Ayon pa kay Recto, maraming senador ang hindi kilala ang lahat ng
kongresista dahil na rin sa layo na lugar ng Senado na nasa Pasay
City habang nasa Batasan Complex naman sa Quezon City ang House of
Representatives.
Sinusuportahan naman ni House Majority Leader Prospero Nograles ang
panukala ni Recto dahil maganda umanong ideya ang paglilipat sa iisang
lugar ng tatlong sangay ng gobyerno, pero naniniwala rin ito na hindi
dapat isantabi ang pag-amiyenda sa Konstitusyon.
Courtesy of Ang Pilipino Star Ngayon
|
| Sept
01, 2006 |
|
***
Solar 1 natagpuan na! ***
Natagpuan na ang lumubog na MT Solar I may 650 metrong lalim sa karagatan
ng Guimaras sa pamamagitan ng mala-robot na equipment ng Japanese
salvaging vessel na inarkila ng Petron Corp. upang pag-aralan na maiahon
ito at maiwasan ang posibleng paglala pa ng sitwasyon ng oil spill
sa bansa.
Sinabi ni Philippine Coast Guard Commandant, Vice-Admiral Arthur
Gosingan na natagpuan ang barko ng "remote" operated vehicle (ROC)
ng barkong Shinsei Maru dakong alas-11 kahapon ng umaga may 7 nautical
miles sa timog-kanluran ng Unisan Island sa Guimaras.
Nabuhayan ng loob ang PCG nang madiskubre na nakatayo ang naturang
barko sa pagkakalubog nito ngunit bahagyang nakahapay pakanan. Sinabi
ni Gosingan na malaki ang posibilidad na hindi na lulubha ang oil
spill dahil sa buo pa ang tubo ng naturang barko dahil sa naturang
posisyon.
Napansin rin sa video na may tagas sa kanang bahagi ng tanker at
may bakas ng langis ngunit hindi naman nakitaan na may tumatagas pang
langis buhat dito.
Hindi rin naman nakita ang dalawa pang crew ng barko na patuloy na
nawawala dahil sa hindi kumpleto ang pagse-survey sa oil tanker at
tatagal pa ng ilang araw bago makabuo ng plano. Pag-aaralan dito kung
direktang iaahon ang barko o sisipsipin muna ang langis na laman ng
mga natitirang tangke bago ito iahon.
Sinabi naman ni Petron Corp. spokesperson Virginia Ruivivar na hindi
ang Shinsei Maru ang mag-aahon sa Solar 1 kundi isa pang barko na
nakatakdang dumating din. Ang Shinsei Maru lamang ang nagdala ng ROV
habang isa pang mas malaking barko ang mag-aahon sa tanker buhat sa
pagkakalubog.
Courtesy of Ang Pilipino Star
Ngayon
|
| June
01, 2006 |
|
***
'Martial Law' sa Metro! Ulat ni Lordeth Bonilla ***
Napikon na si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman
Bayani Fernando sa mga tsuper, commuters at pedestrians na walang
disiplina at patuloy na lumalabag sa batas trapiko.
Ayon kay Fernando, habang nag-iisip sila ng mga batas para mapaayos
ang trapiko sa Metro Manila, tila binabalewala naman ito ng walang
disiplinang mga tsuper at pasahero.
Dahil dito kaya gagamit na ng kamay na bakal o "Batas Militar" ang
MMDA at walang pakundangang aarestuhin ang lahat ng violator.
Binanggit ni Fernando ang "wet flag" at "pink cloth" scheme nito.
Sa pink cloth ay binibigyan ng ilang segundo ang mga bus para manatili
sa loading at unloading area at kapag ayaw pang umalis ay haharangan
ng isang MMDA enforcer ng pink cloth ang pintuan ng bus upang wala
ng makasakay pa at mapilitang umalis.
Sa wet flag naman ay puntirya ang makukulit na pasahero na ayaw maghintay
sa waiting shed. Dadaanan sila ng sasakyan ng MMDA na may basang telang
kulay puti para itaboy. Pero bigo ang mga enforcer na mapasunod ang
mga tsuper at pasahero sa wet flag at pink cloth.
Ayon kay Fernando, kaya nila pinatutupad ang traffic scheme sa ilang
pangunahing lansangan sa Metro Manila ay upang mapatino ang mga ito
at matutong sumunod sa batas sa lansangan.
Subalit dahil walang epekto ang kanilang mga programa at patuloy
pa ring walang disiplina ang mga tsuper at pasahero ay aalisin na
nila ang "wet flag" at "pink cloth" at aarestuhin na lamang ang mga
ito.
Nalulungkot si Fernando dahil talaga yatang likas sa Pilipino ang
katigasan ng ulo at kawalan ng disiplina.
Inihalimbawa rin ng kalihim ang mga karatulang "walang tawiran nakamamatay"
sa ilang pangunahing kalye sa Maynila na nagbibigay babala sa mga
pedestrians. Sa halip na gumamit ng mga overpass at underpass sa pagtawid
ay pipiliin pa rin ng marami na tumawid sa mismong kalye at makipag-patintero
sa mga dumadaang mga sasakyan. Ang ganitong pag-uugali ay nagresulta
na ng maraming aksidente.
Dahil dito kaya mistulang makikipag-"giyera" na si Fernando sa mga
driver, pasahero at pedestrians at gagamitan na lamang ang mga ito
ng kamay na bakal.
Sa mga makukulit na pasahero ay kulong at multa ang kanilang parusa,
samantalang kukumpiskahin naman ang lisensiya ng mga driver at pagmumultahin.
Courtesy of Ang Pilipino Star Ngayon
|
| May 18,
2006 |
|
***
Tuktok ng Mt. Everest naakyat na ng Pinoy! Ni Danilo Garcia ***
Tuluyan nang naabot ng Pilipinas ang tuktok ng pinakamataas na bundok
sa mundo, ang Mt. Everest sa Nepal, matapos na maakyat ng isang miyembro
ng First Philippine Mt. Everest Expedition Team na isang enlisted
personnel ng Phil. Coast Guard (PCG) ang summit nito.
Sa ulat ni Mark Parlabe, ng Stratworks Marketing Communications,
team manager ng grupo, narating ng mountaineer na si Leo Oracion,
31, ang summit dakong alas-5:30 ng hapon kahapon. Matagumpay na naitusok
nito ang bandila ng Pilipinas sa pinakamataas na bahagi ng mundo upang
makasama sa iilan pa lamang na bansa.
Sa monitoring ng PCG kay Team Everest leader, Art Valdez, dakong
alas-11 ng gabi (Nepali time) nang umalis si Oracion sa Camp 4, may
26,000 feet na taas at inumpisahan ang "summit assault."
Huling narinig ni Valdez sa radyo si Oracion dakong alas-5:54 ng
umaga kahapon at sinabing nasa maayos na siyang kalagayan sa summit
ridge. Kasama ni Oracion sa ituktok ng Mt. Everest ang kanyang 24-ayos
na Sherpa na si Temba, isang lokal na residente ng Nepal.
Si Oracion at mga miyembro ng FPMEE ay pawang mga professional climbers
at adventure racers buhat sa PCG. Umabot umano sa higit dalawang taon
ang isinagawang pagsasanay ng grupo para sa Mt. Everest Expedition
at may tatlong buwan nang nasa Nepal para sa kanilang "acclimatization."
Samantala, dalawa pang Pinoy ang nagtatangka na makarating rin sa
tuktok ng Mt. Everest kabilang sina Pastour Emate, 32, miyembro ng
Mt. Everest Team at Romeo Garduce.
Sa rekord, 179 katao na ang nagbuwis ng buhay sa pag-akyat sa pinakamataas
na bundok sa mundo. Mahigit 29,000 feet ang Mt. Everest, ang "Mother
Goddess of the Universe" na nasa pagitan ng Nepal at Tibet. Taong
1953 unang naakyat ang bundok ng isang New Zealander at marami na
ang sumunod sa kanyang yapak.
Courtesy of Ang Pilipino Star Ngayon
|
| May 05,
2006 |
|
***
Guinness record sa breasfeeding kuha ng Pinas! ulat ni Gemma Amargo-Garcia
***
Maaari nang mapasama ang Pilipinas sa Guinness Book of World Record
na may pinakamaraming bilang ng nagpapasusong ina matapos na mahigitan
ang record ng Berkley, California na 1,130 mga nagpapasusong ina noong
Agosto 3, 2002.
Kahapon dakong alas-9 ng umaga ng pasimulan ni Health Secretary Francisco
Duque III at Manila Mayor Lito Atienza ang simultaneous breastfeeding
na idinaos sa San Andres Sports Complex, Malate, Maynila kung saan
umabot sa 3,754 mga ina ang nakilahok kasama ang kanilang mga anak.
Pero umabot sa 3,738 lamang ang maaring italang record sa Guinness
dahil ang ibang sanggol ay hindi sumuso kaya't hindi ito maaaring
i-consider.
Iginiit naman ni Dayrit ang magagandang benepisyong makukuha ng isang
sanggol kapag pinapasuso ito ng kanilang mga ina kabilang dito ang
pagiging smarte ng isang bata at pagtaas ng 5-7 puntos ng kanilang
intelligence quotients (IQ), low lifetime risk ng diabetes, obesity
at cancers.
Gayundin ang magandang benepisyo ng mga nanay kabilang dito ang mahinang
pagdurugo matapos ang panganganak, delay na fertility upang magkaroon
ng agwat ang pag-aanak, at pag-iwas sa sakit na cancer na may kinalaman
sa female organs tulad ng breast, ovaries at uterus.
Courtesy of Ang Pilipino Star Ngayon
|
| April
10, 2006 |
|
***
P1-B sa War veterans ipinalabas ni GMA ***
Magandang balita sa mga beterano ng World War II!
Matatanggap na nila ang kanilang pinaka-aasam na mga benepisyo matapos
na iutos kahapon ni Pangulong Arroyo ang pagpapalabas ng P 1bilyong
pondo para sila ay mabayaran.
Sa kanyang talumpati sa Mt. Samat, Bataan sa paggunita ng Araw ng
Kagitingan kahapon, sinabi ng Pangulo na ang P1 bilyon ay panimulang
halaga na ipalalabas ng pamahalaan para sa pagbabayad ng arrears ng
mga beterano gaya ng old-age pension, death pension, disability pension
at educational benefits.
"Thanks to our reforms, we are now in position to release one billion
pesos to start paying our debts," pahayag ng Pangulo sa harap ng mga
beterano, Japanese ambassador, Diplomatic Corps, mga opisyal ng pamahalaan,
miyembro ng Gabinete at mga opisyal ng AFP.
Gusto ring ipabatid ng Pangulo sa mga beterano na ginagawa ng gobyerno
ang lahat ng makakaya nito para tugunan ang kanilang pangangailangan.
Courtesy of Ang Pilipino Star Ngayon
|
| March
23, 2006 |
|
***
Tax exemptions sa mga piloto tututukan ***
Isinusulong ngayon ng isang mambabatas mula sa Mindanao ang tax exemptions
para sa mga commercial pilot at aircraft mechanics upang mapigilan
ang mga ito sa pag-alis at matugunan ang pagkaubos ng mga ito na maaring
pumaralisa sa aviation industry.
Ayon kay Zamboanga del Norte 2nd district Rep. Roseller Barinaga,
House committee on labor and employment, posibleng maghain ang Kongreso
ng panukalang batas para sa tax exemptions at reporma na puwedeng
maisabatas tulad sa ibang mga bansa. Ang 32 percent na kabawasan sa
buwis ay one-third na ng take home pay ng mga ito na kung magpapatuloy
ay maaaring magbabago sa kanilang isip at manatili na lamang sa bansa.
Nabatid na sa kasalukuyan, ang mga manggagawa sa aviation industry,
aircraft mecha-nics, painters, planners, ground at cabin crews partikular
ang mga commercial pilots para sa domestic aviation industry ay binabawasan
ng 32% buwis sa kanilang suweldo.
Nauna rito, sinabi ni Labor Undersec. Danilo Cruz na hindi kasagutan
ang pagdaragdag sa suweldo ng mga piloto at mekaniko sa "pamimirata"
ng mga foreign airlines dahil mayroon pa ring "tax component" ang
mga nagtatrabaho sa Pilipinas. Aniya, kung ang foreign airline company
ay mag-aalok sa isang Filipi- no commercial pilot ng buwanang sahod
na $10,000, matatanggap niya ito nang buo, dahil sinusuportahan ng
gobyerno ang kanilang airlines.
Hinikayat ni Barinaga ang mga kapwa mambabatas na bigyang halaga
ang inihain niyang House Resolution 1106 na humihiling na hanapan
ng "remedial measures upang mahinto ang nanganganib na pagkaubos ng
mga manggagawa sa domestic aviation industry."
Courtesy of Ang Pilipino Star Ngayon
|
| February
26, 2006 |
|
***
Tribune tinakeover! ***
Pinatikim na ng administrasyong Arroyo sa ilang personalidad at institusyon
ang pagpapairal nito sa Presidential Proclamation 1017 na nagdedeklara
ng state of national emergency matapos salakayin at itakeover ang
isang pahayagan at arestuhin ang isang congressman at dalawang retired
generals kahapon.
Unang sinampolan ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group
ang The Daily Tribune, isang broadsheet newspaper na may tanggapan
sa TM Kalaw st., Ermita, Maynila matapos salakayin ang publishing
office nito kahapon ng madaling araw.
Bago pa man makapag-imprenta ng isyu para kahapon ay ni-raid ng mga
tauhan ng CIDG ang 8th at 9th floors na inookupa ng tanggapan ng nabanggit
na pahayagan at kinumpiska ang ilang editorial materials ang isyu
ng diyaryo kahapon.
Ang Tribune ay kilalang kritiko ng administrasyon.
Sinasabing muntik na rin umanong sinalakay ng mga awtoridad ang pahayagang
Abante at Malaya dahil "identified" ito sa oposisyon ngunit matagal-tagal
na rin umanong nag-lie low ito sa pagbatikos sa gobyerno.
Pansamantalang nag-takeover ang mga pulis sa Daily Tribune.
Ayon sa PNP-CIDG, ang hakbang ay base sa umiiral na guidelines ng
naideklarang national emergency ni Pangulong Arroyo.
Sinimulan na rin ng gobyerno na hulihin ang mga kinikilala nitong
kaaway kung saan inaresto si Anakpawis party-list Rep. Crispin Beltran
kasama ang asawa sa farm nito sa Bulacan sa kasong inciting to rebellion.
Dinala ang mag-asawa sa Camp Crame. Walang inirekomendang piyansa
para dito.
Nakalusot naman sa kamay ng pulisya ang iba pang militanteng mambabatas
matapos matugunan na huhulihin sila matapos dumalo sa isang press
conference sa Sulo Hotel sa Quezon City kasama ang House Minority
contingent.
Nakalligtas sa aresto sina House Deputy Minority Leader Satur Ocampo,
Bayan Muna Rep. Teddy Casino, Anakpawis Rep. Rafael Mariano at Gabriela
Rep. Liza Maza.
Dumaan ang grupo nina Ocampo, Casino, Mariano at Maza sa hotel exits
ng Sulo Hotel pero nadakip ang dalawang security personnel ni Ocampo.
Dinakip din ng mga elemento ng PNP si ret. Generals Ramon Montano
at Rex Piad.
Nilinaw ni PNP chief Gen. Arturo Lomibao na ang pag-aresto kay Beltran,
Montano at Piad ay batay sa General Order No. 5 na nagsasaad na ang
sinuman na may pakikipagsabwatan at nagsasagawa ng mga hakbangin laban
sa pamahalaan ay maaaring parusahan alinsunod sa batas.
Kaugnay nito, binatikos ni Bayan Deputy Sec-Gen Robert de Castro
si Pangulong Arroyo dahil sa pag-uutos na arestuhin ang mga kinatawan
ng partylists.
Hiniling din nito ang agad na pagpapalaya kay Beltran.
"President Arroyo and her ultra-rightist government should desist
from making new arrests. The nation and the world is watching," ani
de Castro.
Hinamon din ng Bayan Muna si Speaker Jose de Venecia at buong House
of Representatives na sumama sa pagkondena sa pagkakaaresto kay Beltran
at sa tangkang pag-aresto sa iba pang militanteng mambabatas.
Courtesy of Ang Pilipino Star Ngayon
|
| February
07, 2006 |
|
***
P3,000 umento giit ***
Nagbabala kahapon ang mga kawani ng pamahalaan na lulusubin ang Malacanang
sa Pebrero 14 at malamang makilahok sa sektor na ibig patalsikin si
Pangulong Arroyo kung hindi ibibigay ang P3,000 across-the-board increase
na hinihingi nila.
Ayon kay Confederation for Unity, Recognition and Advancement of
Government Employees (COURAGE) president Ferdinand Gaite, nasa 1.4
milyong mga empleyado ng gobyerno ang hindi na natutuwa sa kasalukuyang
sitwasyon dahil huling nagkaroon ng dagdag sa kanilang suweldo noon
pang taong 2001.
Sa loob umano ng nakalipas na limang taon, hindi na mabilang kung
ilang beses nagkaroon ng pagtaas sa presyo ng langis, mga pangunahing
bilihin at ang pagpapatupad ng expanded value added tax (EVAT).
Bagamat nauna nang ipinangako ng pamahalaang Arroyo na bibigyan sila
ng 8 porsiyentong adjustment sa taong ito ay isa lamang itong allowance
tulad ng Cost of Living Allowance o COLA at hindi bahagi ng kanilang
suweldo.
Nagbanta ang grupo na magsasagawa sila ng mas malaki pang pambansang
rally na tatawagin nilang Valentine's Day rally sa Pebrero 14 sa Mendiola
upang kalampagin ang gobyerno na ibigay na ang hinihingi nilang P3,000
umento.
Sumugod kahapon ang libong empleyado sa tapat ng gusali ng Department
of Agrarian Reform (DAR) para igiit ang dagdag sa sahod.
Courtesy of Ang Pilipino Star Ngayon
|
| January
05, 2006 |
|
***
Helmet markahan - Gordon ***
Iminungkahi ni Sen. Richard Gordon na markahan ang mga crash-helmet
ng mga motorcycle riders bilang isa sa mga paraan sa pagtukoy ng pagkakakilanlan
ng mga ito lalo na sa mga nasasangkot sa krimen.
Ayon kay Sen. Gordon, dumadami ang bilang ng mga suspected gun for
hire na gumagamit ng mga crash-helmets at kung may mga marka ito madaling
matukoy kung sino ang nagmamay-ari nito.
Aniya, dapat na ang gawin ng Land Transportation Office (LTO) ay
isunod ang numero ng plaka ng motorsiklo sa marka naman ng mga helmet
at ipagbawal din ang paggamit ng mga walang markang helmet. Reaksyon
ito ni Gordon sa mga krimen na nagaganap partikular na sa pagpaslang
kay Pasay City Regional Trial Court Judge Henrick Gingoyon na siyang
may hawak ng kaso ng Philippine International Air Terminals Company
(PIATCO).
Ayon naman kay Senate Majority Leader Francis Pangilinan, sa halip
na armasan ang mga huwes dapat daw ay maaresto agad ang mga salarin
at maparusahan para hindi na gayahin ng mga kriminal.
"Instead of arming the judges we should dispose swiftly of cases
and punish the guilty. This is the best way to protect our judges.
Criminal elements will think twice before committing crimes if they
see that the justice system acts swiftly," wika pa ni Gordon.
Aniya, madaling gumawa ng krimen dahil ang nakatanim sa isipan ng
mga kriminal ay madali nila itong malusutan bunga na rin ng kabagalan
ng hustisya sa bansa.
Courtesy of Ang Pilipino Star Ngayon
|
| |