|
このページは主としてフィリピンの方に提供しているため、
現在のところタガログ語(フィリピノ語)で掲載させていただきます。(毎週更新を目標)
It lets us insert it in Tagalog because
this page is provided for the Filipino.
(Renewal, every week.)
|
|
News
(Police news)
|
|
|
| December
12, 2005 |
|
***
Cha-cha susi sa pag-unlad ng Pinas Ulat ni: Malou Rongalerios ***
Tiniyak kahapon ng mga kongresista na magiging susi sa pag-unlad
ng bansa ang mungkahing baguhin ang sistema ng pamahalaan sakaling
tanggapin ito ng taumbayan sa pamamagitan ng isang plebisito.
Sa pinagsamang kalatas, sinabi rin nina House Deputy Speaker for
Mindanao Gerry Salapuddin at Manila Rep. Ernesto "Banzai" Nieva na
kapakanan ng sambayanan ang layunin sa pagpupursige ng mga mambabatas
na maipatupad ang pagbabago sa pamahalaan upang makahikayat ng mas
maraming pamumuhunan at pantay-pantay na maibigay sa mamamayan ang
kaunlaran at kasaganahan.
Ginawa nina Salapuddin at Nieva ang pahayag makaraan ang pagdududang
ginawa ng Moody's Investors Service na babagal ang kaunlaran ng bansa
sa pagsusulong ng Charter change.
Ayon pa kay Salapuddin, walang basehan ang pahayag ng Moody's dahil
kabaligtaran ito sa magaganap sakaling aprubahan ng taumbayan ang
pag-amyenda sa Saligang batas.
Aniya, mas lalo pang uunlad ang ekonomiya ng Pilipinas sa sandaling
payagan ang mga dayuhan na magmay-ari ng negosyo at kalupaan sa bansa.
Sinabi naman ni Nieva na ang pagbuo ng pamahalaan ng isang Constitutional
Commission upang pag-aralan kung anong mga probisyon sa Konstitusyon
ang dapat baguhin ay isang palatandaan na determinado ang administrasyon
na ipatupad ang pagbabago.
Aniya, ang pagreporma sa Saligang Batas ay matatag na sinusuportahan
ng mga kongresista dahil nais na nilang mapalitan ang pampulitikang
sistemang nakabatay sa maruming pamumulitika.
Hinikayat din ni Nieva ang Moody's at iba pang international credit
rating na tigilan muna ang paghuhusga sa pagsusulong ng Cha-cha at
sa halip ay magbigay ng mungkahi kung papaano pa mapapalakas ang pagpapatupad
dito.
Courtesy of Ang Pilipino Star Ngayon
|
| November
05, 2005 |
|
***
P125 umento pinamamadali ***
Pinamamadali na sa Kongreso ang panukalang P125 wage hike dulot na
rin ng epekto ng expanded value added tax (EVAT).
Iginiit ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sa mga mambabatas na ito ang tamang
panahon para magtrabaho at gumawa ng paraan upang maitaas ang sahod
ng mga manggagawa sa bansa upang hindi nila maramdaman ang epekto
ng EVAT.
Hiniling ni KMU Secretary General Joel Maglunsad na aprubahan sa
lalong madaling panahon ang P125 across-the-board wage increase na
may ilang buwan na ring inaamag sa Mababang Kapulungan.
Binigyang-diin ng mga manggagawa na mataas pa ang halaga ng kanilang
gastusin kaysa sa kinikita sa paghahanapbuhay. Halos may P600 anila
ang gastos ng isang pamilya sa isang araw na higit na mas malaki kumpara
sa arawang kita nila na P275.
Nakatakdang lumusob ang grupo sa Kongreso sa darating na Lunes upang
kalampagin ang mga kongresista na aksiyunan ang matagal na nilang
karaingan.
Ayon naman kay Bayan Muna Rep. Teddy Casino, matatalakay lamang ang
naturang panukala kung sesertipikahang "urgent" ni Pangulong Arroyo
ang wage bill.
Courtesy of Ang Pilipino Star Ngayon
|
| October
19, 2005 |
|
***
CBCP PUMALAG NA VS GMA ***
Pumalag na rin kay Pangulong Arroyo ang pamunuan ng Catholic Bishops
Conference of the Philippines (CBCP) matapos na bombahin ng tubig
ang isinagawang protest march ng tatlong obispo ng Simbahan at ni
dating Bise Presidente Teofisto Guingona nitong nakaraang Biyernes
sa Recto Ave.
Sa isang pahayag ni Archbishop Angel Lagdameo, incoming president
ng CBCP, sinabi nito na hindi dapat ginamitan ng tubig ang mga sumama
sa prusisyon dahil isa itong krusada para sa "good governance".
"It was a patriotic manifestation of concern for our country because
it was a prayer assembly and peaceful procession (and) violent dispersal
of the participants was uncalled for and objectionable," ani Lagdameo.
Magugunitang pinatikim ng calibrated preemptive response (CPR) ng
pulisya ang nagmartsang mga obispo at madre pagsapit sa San Sebastian
College sa CM Recto Ave.
Nagpumilit umanong lumusot sa Mendiola ang grupo kaya napilitan silang
gamitan ng water cannon at nadamay pati sina Guingona, Sen. Jamby
Madrigal, dating Executive Sec. Oscar Orbos, Rep. Satur Ocampo at
Fr. Robert Reyes.
Batay sa napagkasunduan ng pulisya at ng mga organisador ng pagkilos,
maaari lamang mag-martsa hanggang sa simbahan ng San Sebastian sa
C.M. Recto ang mga kasama sa prusisyon.
Inalis naman bilang deputy ground commander ng anti-riot activities
si Supt. Florencio Ortilla na siya umanong nag-utos ng pagbomba ng
tubig.
Samantala, iniutos na ni Pangulong Arroyo ang masusing imbestigasyon
kung may paglabag ang PNP sa isinagawang dispersal at pagtira ng water
cannon sa mga ralista.
Courtesy of Ang Pilipino Star Ngayon
|
| October
06, 2005 |
|
***
P9.00 pasahe hirit ***
Muli na namang humiling ang transport group ng panibagong taas pasahe
sa mga pampasaherong jeep nationwide.
Sa kanilang kahilingan, mula sa kasalukuyang P7.50 minimum fare sa
mga pampasaherong jeep ay nais nila itong dagdagan ng P1.50 para maging
P9.00 na ang pasahe sa PUJ.
Sa isang panayam, sinabi ni Zeny Maranan, Pangulo ng Federation of
Jeepney Operators and Drivers Association (FEJODAP) pangungunahan
nila ang hanay ng transportasyon sa pagsasampa ng P9.00 fare increase
petition sa Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB)
sa susunod na linggo dahil umabot na sa P32.00 kada litro ang presyo
ng diesel mula sa dating P26.00 per liter.
Binigyang diin pa ni Maranan na hindi naman lahat ng gasolinahan
ay nagbibigay sa kanila ng P1.00 discount sa bawat pagpapakarga ng
diesel kaya't minarapat na nilang magsampa ng petisyon.
Inisnab din ng FEJODAP ang pahayag kamakailan ni LTFRB Chairperson
Ma. Elena Bautista na hindi na siya magpapalabas ng desisyon para
sa isa pang fare increase. Noong May 26,2005 huling naganap ang pagtaas
sa pasahe ng mga jeep.
Sinabi pa ni Maranan na kabilang din sa grupong magsasampa ng fare
increase petition ay ang Allianced of Transport Operators and Drivers
Association of the Philippines (ALTODAP).
Nauna rito, nagbanta rin ang samahan ng mga pampasaherong bus na
magsasampa rin sila ng fare increase petition sa LTFRB dahil sa katulad
na argumento ng mga jeep nationwide.
Courtesy of Ang Pilipino Star Ngayon
|
| September
16, 2005 |
|
***
CBCP, 'yes' sa people power ***
(Mer Layson/Gemma Amargo/Lilia Tolentino)
Pinanindigan kahapon ng Catholic Bishops Conference of the Philippines
(CBCP) ang kanilang naunang desisyon na hindi mananawagan sa pagpapababa
sa puwesto kay Pangulong Arroyo subalit bukas umano sila sa people
power.
Ito ang napagkasunduan ng mga obispo na dumalo sa isinagawang regular
na meeting ng Permanent Council ng CBCP na binubuo ng 12 mga obispo
at arsobispo kahapon.
Bagamat hindi tutol ang CBCP sa people power, sinabi nila na hindi
ito dapat isagawa nang may kaakibat na karahasan at dapat ay naaayon
sa tamang moral principle at sa prinsipyo ng Rule of Law.
Nilinaw rin ni outgoing president at Davao Archbishop Fernando Capalla
na para sa taumbayan ang pananaw na ito ng simbahan sa people power
at hindi para sa mga obispo at pari.
Muling hiningi ng CBCP sa mamamayan na pag-ibayuhin pa ang panalangin
at tigilan na ang pamumulitika sa bansa na nagbubunsod upang lalong
maghirap ang bansa at magkahati-hati ang mga Filipino.
Nang tanungin si Capalla kung sa palagay nila ay natupad ba ni Pangulong
Arroyo ang mga pangako nito, "iilan lamang" sa mga pangako ng Pangulo
ang nakita nilang natupad.
Courtesy of Pilipino Star Ngayon
|
| August
25, 2005 |
|
***
Construction ng Northrail sisimulan na ***
Inihayag kahapon ni Northrail president Jose Cortes Jr. na magsisimula
na ang construction ng $420 milyong North Luzon Railways project na
mag-uugay sa Metro Manila at Central Luzon simula sa Oktubre.
Ayon kay Cortes, ang mass transport system na ito ay makakatulong
upang mapayabong ang takbo ng turismo at ekonomiya sa Central at Northern
Luzon.
"There are 35 Chinese engineers in the country with their own equipment
doing groundtesting and making sure that ony those properties owned
by the Philippine National Railways (PNR) will be used for the project,"
wika ni Cortes.
Aniya, ang construction ay magiging 'full blast' simula sa Oktubre
kung saan ay inaasahang nasa ayos na lahat ang relokasyon ng mga residenteng
tatamaan ng proyekto.
Siniguro kay Cortes ni Vice Pres. Noli de Castro na ang relokasyon
ng mga residenteng tatamaan mula sa Caloocan City hanggang Valenzuela
City ay makukumpleto na sa katapusan ng Setyembre. Anim na bilyong
piso ang inilaan ng pamahalaan para sa relokasyon ng may 70,000 illegal
tenants sa riles ng PNR.
Ang Phase 1 ng Northrail project ay tatakbo sa double-track railway
na mayroong 6 stations mula Sangandaan, Caloocan City; Valenzuela
City, Marilao, Bocaue, Guiguinto hanggang Malolos, Bulacan. Ang depot
ng Northrail ay nasa Valenzuela City.
Courtesy of Ang Pilipino Star Ngayon
|
| July
28, 2005 |
|
***
Gloria suko na! Ni Lilia Tolentino ***
Inamin kahapon ni Pangulong Arroyo na malamang magtagal pa ang political
crisis sa bansa dahil sa pinagtatalunang mga isyu sa impeachment at
Charter Change, pero ipauubaya niya sa Kongreso at sa itatatag na
Preparatory Consultative Committee ng Cha-cha kung paiikliin ang nalalabi
pa niyang 5-taong panunungkulan sa puwesto.
Sinabi ng Pangulo sa kauna-unahan niyang press conference sa mga
miyembro ng Malacanang Press Corps matapos magkaroon ng krisis pulitikal
dahil sa isyu ng "Hello Garci" tapes na ang Kongreso ang siyang may
exclusive prerogative sa pag-amyenda kaya ito ang puwedeng magdesisyon
kung dapat pa ba niyang tapusin ang 6-taon niyang panunungkulan.
Ang termino ng panunungkulan ng Pangulo ay inirekomenda ni dating
Pangulong Fidel Ramos kaugnay ng isinusulong niyang cha-cha na siya
umanong makakalutas sa kasalukuyang krisis. Nauna rito ay nanindigan
ang Malacanang na tatapusin ng Pangulo ang kanyang termino hanggang
2010.
Inihayag din ng Pangulo na pinag-aaralan pa ang planong pagtatatag
ng Preparatory Consultative Committee para sa Cha-Cha at binabalangkas
pa ang isang administrative order ukol dito. Nais ng Pangulo na italaga
si dating UP president Jose Abueva bilang pinuno ng committee. Magsasagawa
ang Pangulo ng malawakang pakikipag-konsultasyon sa mamamayan para
alamin ang damdamin ng bayan hinggil sa Cha-Cha.
Courtesy of Ang Pilipino Star Ngayon
|
| July
12, 2005 |
|
***
Resignation, karahasan vs GMA tinutulan ng CBCP Ni Danilo Garcia ***
Hindi nakiisa ang Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP)
sa panawagang magbitiw si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at tinutulan
ang anumang karahasan para sa puwersahang pag-agaw ng kapangyarihan.
Ito ang pinal na posisyon ng CBCP sa pamumuno ni CBCP President,
Davao Archbishop Fernando Capalla na inilahad sa isinagawang pulong
balitaan na dinaluhan ng may 70 Obispo sa Pope Pius Manila kahapon
ng hapon matapos ang halos isang linggong debatehan at palitan ng
pananaw.
Sinabi ni Capalla na wala silang makitang alternatibong solusyon
na iniaalok ng iba't ibang sektor sa bansa kung sakaling magbibitiw
ang Pangulo. Matibay ang paninindigan ng Simbahang Katoliko na hindi
nila sinusuportahan ang isang madugong paraan para magpalit ng pamahalaan
at pamamayani ng isang "military junta".
"There is no single political option that can claim to be the demand
of the Gospel. We think, she should not ignore the call for her resignation,"
ayon kay Capalla.
Nais ng mga Obispo na dumaan sa tamang proseso sa pamamagitan ng
pagsunod sa Saligang Batas ang anumang usapin ukol sa jueteng, korupsyon
at "GMA-Garci tape" na ibinabato sa Pangulo.
Ibinasura pa ang hakbanging suportahan ang mga pulitiko na naglalayong
mapatalsik sa puwesto ang Pangulo.
Sa kabila nito, sinabi ni Capalla na nararapat na pagsisihan ng Pangulo
ang kanyang aksyon na naging sanhi ng pagkawala ng tiwala ng publiko
sa pamahalaan at sa mga institusyon nito.
"The President must discern very deeply to what extent she has contributed
to the erosion of public trust," ayon sa pastoral statement ng CBCP.
Sa kabila nito, pabor ang Simbahang Katoliko sa pagtatatag ng isang
"truth commission" at ang pagsasagawa ng isang "impeachment process"
laban sa Pangulo. Nararapat umano na magkaroon ng "credible Congress"
na siyang hahawak ng impeachment upang hindi magduda ang publiko.
Pinapurihan naman ng mga Obispo ang sektor ng military at pulisya
sa pananatiling "neutral" sa usapin sa pulitika. Naniniwala ang Simbahan
na ang anumang marahas na solusyon ay lalo lamang magreresulta ng
mga bagong paglabag sa batas.
Iginagalang naman ng CBCP ang pagpapahayag ng samu't saring opinyon
ng iba't ibang sector at publiko ngunit nanawagan na magnilay-nilay
at magdasal para sa ikabubuti ng bansa.
Courtesy of Ang Pilipino Star Ngayon Newspaper
|
| June
27, 2005 |
|
***
Paggamit ng 'red plate' pinababantayan ***
Sa gitna nang pagtaas ng presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan,
sama-samang nanawagan ang tatlong kongresista na buhayin ang kampanya
laban sa mga abusadong opisyal at empleyado ng gobyerno na gumagamit
ng mga sasakyan ng pamahalaan kahit na hindi sa opisyal na lakad.
Ayon kina Reps. Joel Mayo Almario (Davao Oriental), Vincent Garcia
(Davao City) at Joel Villanueva (CIBAC party-list), "ningas-cogon"
lamang ang naunang kampanya ng pamahalaan laban sa paggamit ng "red
plate" na sasakyan bilang bahagi ng pagtitipid ng pondo dahil marami
pa ring nakikitang nakaparada sa mga parking lots ng mga mall.
Maituturing rin anyang katiwalian ang pang-aabuso sa paggamit ng
mga government vehicles dahil pera ng taumbayan ang ginagastos sa
maintenance at gasolina nito.
Ayon sa mga solon, kailangan ang sama-samang pagsasakripisyo dahil
wala pang kakayahan ang bansa na magkaroon ng sapat na suplay ng krudo.
Kabilang sa iminungkahing pagtitipid ni Almario sa panig ng pamahalaan
ay ang pagsubasta sa lahat ng sasakyang de-otso ang makina at ang
pagbiyahe sa ibang bansa ng mga opisyal at kawani bilang mga ordinaryong
pasahero sa eroplano.
Hiniling naman ni Villanueva sa Department of Energy na tapusin na
ang muling pag-aaral sa batas hinggil sa Downstream Oil Industry Deregulation
Law at ibigay na sa Kongreso ang mga mungkahing pagbabago sa nasabing
batas.
Iminungkahi rin ni Garcia na dapat kontrolin ng pamahalaan ang paggamit
sa mga sasakyan nito at ang pagbibigay ng tinaguriang gas slips.
Courtesy of Ang Pilipino Star Ngayon Newspaper
|
| June
07, 2005 |
|
***
Dagdag-benepisyo sa working students isinulong ni Sen. Villar ***
Nakakita ng kakampi sa Senado sa katauhan ni Sen. Manny Villar ang
libo-libong working students sa bansa na nagpupunyaging makapagtapos
ng pag-aaral sa pamamagitan ng sipag at tiyaga.
Ayon kay Sen. Villar, panahon nang dagdagan ang tinatanggap na mga
benepisyo ng mga working students kaya inihain nito ang Senate Bill
570 na layong mapalawak ang sakop ng pagbibigay trabaho sa mga estudyante.
Aamyendahan ng panukala ang RA 7323 o Special Program for Employment
of Students Law.
Ayon kay Villar, ang suweldo ng mga working students ay hindi dapat
bumaba sa minimum wage o suweldo na tinatanggap ng mga kawani sa pribadong
sektor.
Saludo din ang senador sa pagsisikap ng mga working students na mapaganda
ang kanilang buhay sa sariling sikap at tiyaga. "Alam na alam ko ang
hirap at dusa ng isang working student dahil pinagdaanan ko iyan noong
nag-aaral pa ako sa UP. Mahirap pagsabayin ang pag-aaral at pagtatrabaho
kaya saludo ako sa kanila dahil sa mataas na pagpapahalaga nila sa
edukasyon," ani Villar.
Courtesy of Pilipino Star Ngayon
|
| May 20,
2005 |
|
***
Remittance ng Pinoy seamen tataas pa ***
Inaasahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na lalo pang
tataas ang remittance ng mga Filipino-based workers sa taong ito matapos
magdesisyon ang JO Tankers AS sa Bergen, Norway na kunin ang serbisyo
ng karagdagang mga Pinoy seafarers. Ang JO Tankers ang pangatlo sa
pinakamalaking chemical tanker fleet sa buong mundo.
Dahil dito, tinatayang mahihigitan pa ang $1.461 billion remittance
ng mga marinong Pinoy sa nagdaang taon. Sa muling pagbisita sa Pilipinas
ni Kjell Ove Breivik, director for ship management ng JO Tankers,
ipinagmalaki nito ang pag-angat ng kanilang kumpanya nitong 2004 at
first quarter ng 2005.
Upang mas mapanatili ang competitive edge ng JO Tankers, ipinahayag
ni Breivik ang pagbibigay prayoridad sa pag-eempleyo ng Pinoy senior
officers. Papalitan ng mga Pinoy ang ilan nilang European counterparts
at mga tripulanteng Indonesians. Target ng JO Tankers na makakuha
ng 780 Pinoy officers sa pagtatapos ng taong 2006. Sa ngayon, 22 sa
kabuuang 30 barko ng JO Tankers ang pinatatakbo na ng may 588 opisyal
at tripulanteng Pinoy.
Courtesy of Pilipino Star Ngayon
|
| April
28, 2005 |
|
***
P125 WAGE HIKE MALABO ***
Malabong maihabol pa sa May 1 ang panukalang P125 legislated wage
increase na siya sanang hinihintay ng mga manggagawa.Ito'y matapos
na muling mabigo kamakalawa ang Kamara na isalang sa plenaryo ang
panukala dahil na rin sa kawalan ng quorums. Ayon kay House committee
on labor Rep. Roseller Barinaga, malabo ng maihabol sa May 1 ang pagpapatibay
ng panukala dahil gahol na rin sa oras. Gayunpaman, umaasa si Barinaga
na maaksyunan pa rin ng Kamara ang panukala sa susunod na taon.
Sa kabilang dako, naghain kahapon ng petisyon para sa dagdag na P78
across-the-board wage ang Trade Union Congress of the Philippines
(TUCP) sa National Capital Region Tripartite Wage and Productivity
Board bilang panapat sa tumataas na cost of living ng mga manggagawa.
Ipinaliwanag ng TUCP na ang nasabing halaga ay tama lamang na ibigay
sa mga manggagawang Pilipino sa bansa upang makasunod naman ang mga
ito at ang kanilang pamilya sa patuloy na tumataas na cost of living
at nang mabawi naman ng mga ito ang kanilang sumasadsad namang purchasing
power. Samantala, nagbanta naman ang Kilusang Mayo Uno na hindi umano
nito tatanggapin kung barya lamang ang ipagkakaloob na umento ng pamahalaan
sa mga manggagawa bilang regalo sa selebrasyon ng Labor Day sa Mayo
1. Sinabi ng KMU, ang matatanggap lamang nila ay ang national legislated
wage increase na P125 dagdag sa arawang sahod at hindi ang baryang
dagdag sa Emergency Cost of Living Allowance (ECOLA) at baryang umentong
ibibigay ng NCRTWPB.
Courtesy of Abante Tonite Newspaper.
|
| April
14, 2005 |
|
***
Pension ng retiradong SSS members itinigil Ulat ni Angie dela Cruz ***
Pansamantalang sinuspinde ng Social Security System (SSS) ang pagkakaloob
ng pension sa mga retiradong miyembro nito nationwide na ang account
ay nasa bangko at hindi nakukuha ng mahigit isang taon.
Ang hakbang ayon sa SSS ay upang ma-obliga ang mga SSS pensioners
na makipag-ugnayan muna sa ahensiya upang maisaayos ang status ng
mga miyembro nito.
Ayon kay SSS spokesman Joel Palacios, kung namatay na ang pensioner
ay ang mga kaanak na lamang nito ang makikinabang sa pension nito.
Alinsunod umano sa SSS rules, kapag namatay na ang isang pensioner
o muling mag-asawa, o nasa labas na ng bansa, ang pension ng mga ito
ay agad na puputulin ng ahensiya.
Umaabot sa 21,000 pensioners umano ang hindi na nakukuha sa bansa
ang kanilang pension.
Upang maiwasan anya ang gusot sa pagkakaloob ng pension sa mga pensioners,
gagawin nila tuwing sa ika-2 at ika-4 na Huwebes ng bawat buwan ng
Abril at Mayo ang pag-iisyu ng pensioners nationwide.
May 1 milyon na ang pensioners nationwide noong 1991 at tumataas
ito ng 10 porsiyento kada taon.
Courtesy of Pilipino Star Ngayon
|
| April
01, 2005 |
|
***
'Bagong trabaho, mataas na suweldo' isusulong (Lilia Tolentino) ***
May ikakasa ang gobyerno na "new high wage jobs" na magiging sagot
sa paghihirap ng sambayanang Filipino sa patuloy na pagtaas ng presyo
ng gasolina sa bansa.
Ayon kay Pangulong Arroyo, bunsod ng wala sa kontrol ng gobyerno
na awatin ang mga oil firms sa patuloy na pagdaragdag ng mga ito sa
presyo ng langis ay susubukan niya ang bago niyang estratehiya na
bigyan ng trabahong may malaking sahod ang taumbyan, hikayatin ang
mga foreign investors at panatilihing matatag ang ekonomiya ng bansa
para hindi maramdaman ang matinding hirap sa "bulsa" ng tanikalang
dagdag sa presyo ng langis.
Naniniwala ang Pangulo na kapag kumpiyansa ang isang gobyerno na
bigyan ng magandang hanapbuhay ang isang tao na may mataas na sahod
ay magiging matatag ang ekonomiya ng bansa.
Subalit ngayon ay kailangan munang tapyasan ang lahat ang paggastos
sa mga walang kabuluhang bagay dahil ang paglobo ng budget deficit
ay nangangahulugan ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin
at serbisyo.
Iyon nga lamang ay makakatiyak ang mga consumers na mapo-protektahan
ang kanilang karapatan sa tulong na rin ni Vice-President Noli de
Castro na tatayo naman bilang "Price czar".
Habang hinihintay naman ang magiging resulta ng bagong estratehiyang
ito ng Pangulo ay patuloy naman ang ginagawang pagrerebisa ng pamahalaan
sa panukalang ibasura ang Oil Deregulation Law.
Sa katunayan, mayroong nilikhang Oil Deregulation Law Committee ang
Department of Energy (DoE) na siyang titimbang kung karapat-dapat
na ngang ibasura ang nasabing kontrobersiyal na batas.
Courtesy of Pilipino Star Ngayon
|
| March
15, 2005 |
|
***
PROBLEMA SA VOIP TATALUPAN NG SENADO (BOYET JADULCO) ***
NAKATAKDANG IMBESTIGAHAN NG SENADO ANG MGA PROBLEMANG KINAKAHARAP
NG 'VOICE OVER INTERNET PROTOCOL' (VOIP) UPANG MALAMAN KUNG BAKIT
HINDI MAKAANGAT AT TULUYANG MAGAMIT NG MILYUN-MILYONG FILIPINO ANG
MAKABAGONG TEKNOLOHIYA SA KOMUNIKASYON.
"IN VIEW OF VOIP'S TREMENDOUS PROMISE TO PROVIDE MORE COST-EFFECTIVE
VOICE CALLS, PARTICULARLY FOR OUR SMALL AND MEDIUM ENTERPRISES AND
OVERSEAS WORKERS, IT HAS BECOME IMPERATIVE FOR US TO REVIEW AND RESOLVE
ALL POLICIES HINDERING COMMERCIAL PUBLIC ACCESS TO THE NEW TECHNOLOGY,"
SABI NI SENADOR MAR ROXAS
IPINALIWANAG NG CHAIRMAN NG BICAMERAL CONGRESSIONAL OVERSIGHT COMMITTEE
ON THE E-COMMERCE LAW NA ANG VOIP AY ISANG URI NG LONG-DISTANCE CALLS
SA PAMAMAGITAN NG COMPUTER NA KONEKTADO SA INTERNET KUNG KAYA'T HINDI
NA KINAKAILANGAN PANG MAGBAYAD NG LONG DISTANCE CHARGES SA TELEPHONE
COMPANIES.
SA KASALUKUYAN, ANG LONG DISTANCE CALLS AY DUMADAAN PA SA CONVENTIONAL
CIRCUIT SWITCHES NG TELEPHONE COMPANIES SA BANSA
Courtesy of Abante Newspaper
|
| February
16, 2005 |
|
***
Divorce bill haharangin sa Kamara: Malou Rongalerios ***
Desidido si BUHAY party-list Rep. Rene Velarde na harangin sa Mababang
Kapulungan ng Kongreso ang isusulong na panukala ng Gabriela at Bayan
Muna na divorce bill. Ayon sa solon, magiging dahilan sa pagbagsak
ng 'kasal' bilang institusyon ang diborsiyo kung ito ay maisasabatas
sa Pilipinas. Dapat aniyang isaalang-alang ng mga magsusulong ng diborsiyo
ang kasagraduhan ng kasal at isiping ito ang pundasyon ng isang pamilya.
"Ang marriage ang highest vocation na puwedeng pasukin ng isang tao
kaya hindi ito dapat basta na lang i-dissolve dahil lang hindi magkasundo
ang mag-asawa," ani Velarde.
Iginiit niya na dapat higpitan ang requirements sa mga nais magpakasal
upang makatiyak na handa sila sa nais pasuking buhay. Mayroon naman
anyang annulment sa bansa kaya walang dahilan para magkaroon pa ng
diborsiyo.
Magugunitang sinabi nina Gabriela Rep. Liza Maza at Bayan Muna Rep.
Satur Ocampo na isusulong nila ang divorce bill sa Kamara.
Courtesy of Pilipino Star Ngayon Newspaper
|
| January
24, 2005 |
|
***
Apela ni GMA para sa OPAs ibinasura ng Japan, ni Ellen Fernando ***
Sa kabila ng pagpupumilit at pag-apela ng libu-libong Overseas Performing
Artists (OPAs), tila wala na ring pag-asa ang mga ito matapos na ibasura
ng pamahalaang Japan ang huling apela ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo
na 5-taong moratorium hinggil sa bagong immigration policy ng Japan.
Base sa ulat na nakalap ng Department of Labor and Employment (DOLE)
sa Japan Foreign Ministry, maging ang panawagan ng Pangulo sa Japan
Prime Minister na mapagbigyan ang hinaing ng mga Pinoy artists ay
tuluyan nang ibinasura. Ito ay nangangahulugan na tuloy na tuloy na
ang pagpapatupad ng bagong immigration laws ng Japan na naghihigpit
sa mga Pinay entertainers na pumasok at magtrabaho doon.
Nabatid na maging ang 2-taong transition period na huling hirit ng
OPAs ay ibinasura rin ng Japan government. Sinasabi ng OPAs na sa
dalawang taong ibibigay na palugit ng Japan ay maaari na silang makapaghanda
para sa re-training at pag-aaral upang maibigay ang hinihinging requirement
ng mga pumapasok na OPAs sa Japan.
Courtesy of Pilipino Star Ngayon
|
| January
18, 2005 |
|
***
'United Opposition; ni Erap di pipigilan ni GMA ***
Hindi pipigilan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo si dating Pangulong
Erap Estrada sa pagbuo ng tinatawag nitong "united opposition" ngayong
nakabalik na ito sa bansa.
Ayon kay Press Sec. at Presidential Spokesman Ignacio Bunye, ang
pagbuo ng nagkakaisang oposisyon ay depende sa mga miyembro ng oposisyon.
"Wala tayong kontrol sa oposisyon. Sila-sila ang nag-uusap diyan.
Ang masasabi lang natin, kung mangyayari ay mas magaling. That will
give the people a basis for comparison sa kasalukuyang administrasyon
at iyong ipinanukala ng oposisyon," ani Bunye.
Samantala, nilinaw ng Palasyo na walang kinalaman ang Pangulo sa
ginawang pagtatalaga ng 15,000 pulis para sa seguridad ng dating Pangulo.
Sinabi ni Bunye na PNP ang dapat na magpaliwanag sa aktuwal na preparasyon
at bilang ng mga pulis para sa seguridad ni Erap. Kasabay nito, sinabi
ni Bunye na pawang haka-haka lang ang sinasabing "third force" na
nagbabalak na ipalikida si Erap sa pagbabalik nito.
Samantala, isang simpleng salu-salo ang inihanda ng oposisyon sa
pagsalubong kay Erap sa rest house nito sa Tanay bilang tugon na rin
sa panawagan ng pinatalsik na lider na papatagin ang oposisyon.
Ayon kay Sen. Jinggoy Estrada, natuwa ang kanyang ama sa ginawang
sorpresa ng mga oposisyon matapos madatnan ang mga ito sa rest house
sa Tanay kung saan ay naghanda ng mga pagkain
Courtesy of Pilipino Star Ngayon
|
| |