このページは主としてフィリピンの方に提供しているため、
現在のところタガログ語(フィリピノ語)で掲載させていただきます。(毎週更新を目標)

It lets us insert it in Tagalog because this page is provided for the Filipino.
(Renewal, every week.)
News (Police news)
 December 27, 2004

*** Pagbubukas ng NAIA 3 suportado ng OFW's ***

Suportado ng Overseas Filipino Workers (OFW's) ang plano ng gobyerno na buksan ang Ninoy Aquino International Airport Termial 3 (NAIA-3) sa loob ng 6 na buwan.

Ayon kay OWWA Administrator Marianito Roque, matagal ng gusto ng mga OWWA members na magamit ang moderno at spacious na airport terminal kung saan ay magiging maginhawa ang paghahatid at pagsundo ng kanilang mga kaanak.

Sinabi ni Roque, excited na ang mga OFW's na magamit ang modernong airport terminal na matagal ding nabalam dahil sa naging usapin sa korte.

"Various OFW community leaders have asked me to convey their appreciation to President Arroyo for her decisive action in pushing through NAIA 3's opening in six months," wika pa ni Roque.

Nangako naman si Roque sa mga OFW's na makikipag-usap siya kay NAIA Administrator Alfonso Cusi upang magkaroon ng espasyo sa NAIA terminal 3 para sa mga maghahatid at sasalubong sa ating mga OFW's.

Courtesy of Pilipino Star Ngayon

 November 30, 2004

*** Manufacturing output tumaas nang 7.2% ***

Tumaas ang volume ng produksiyon ng manufacturing sektor ng bansa ng 7.2 porsyento noong Setyembre samantalang nagsimula ang mga factory na magpalakas ng kanilang output dahil sa antisipasyon sa pamimili sa Pasko. Ang production figures sa Setyembre ay kabaligtaran ng mababang itinala sa unang dalawang buwan ng ikatlong quarter, ipinamalas ng isang survey na isinagawa ng National Statistics Office (NSO).

Sinabi ng NSO na 12 sa 20 industriyang sinurvey ay nagpamalas ng karagdagan sa output. Subalit ang higit na mataas na halaga ng produksyon at ang kahinaan ng piso ay patuloy na nagpalakas sa produksyon mula 3.2 porsyento noong Agosto sa 13.9 porsyento noong Setyembre.

Ang double-digit outputs ay itinala noong Setyembre ng electrical machinery, rubber products, paper at paper products, furnitures at fixtures, publishing at printing, beverage, leather products, at nonmetallic mineral products. Sinabi ni Dianne Sy, research associate sa Unicapital Securities Inc. na ito ay isang magandang senyales sa pagganap ng industriya sa mga darating na buwan.

Ang pagkain, mga kemikal at electrical machinery ay palagiang malalakas na industriya, idinagdag niya. Sinabi ni Ron Rodrigo ng Accord Capital Equities na kahit na isa sa pangunahing raw materials na ginagamit sa manufacturing industry ay langis, namalas nila ang pagbaba sa mga presyo ng langis noong Oktubre at Nobyembre bago ang halalan sa Estados Unidos

Courtesy of Kabayan Newspaper

 November 11, 2004

*** US mangangailangan ng 110,000 nurses, health-care workers ***

Mangangailangan ng mga manggagawa sa US health-care industry, ito ang inihayag ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Washington, D.C., kamakailan. Sa pamamagitan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA)'s Mindanao Center, inihayag ng POLO na ang kakulangan sa manggagawa ay hindi lamang limitado sa mga nars kundi pati sa medical assistants, home health aides, medical records at health information technicians. Base sa inihayag ng US Department of Health and Human Services (USDHHS), tinatayang 1.89 million full-fledged registered nurses ang nagkatrabaho noong 2000 sa loob ng 2 milyong job orders.

Sa nabanggit na datos, tinatayang may bakanteng 110,000 nurse positions, anang POLO. Inihayag pa ng USDHHS na ang kakulangan sa nars ay inaasahang lalago nang 12 porsyento sa 2010 at kapag ang kasalukuyang kalakaran ay magpapatuloy, aabot ang pangangailangan sa nars nang 29 porsyento sa taong 2020. Ayon sa US Bureau of Labor Statistics, ang demand para sa health-care workers ay magpapatuloy sa paglago mula 2002-2012; 59 porsyento para sa medical assistants; 48 porsyento sa home health aides at 47 porsyento para sa medical records and health information technicians.

Samantala, pinatatag ng US Department of Labor and Employment and Training Administration (Doleta) ang pakikipag-alyansa nito sa mga negosyo, edukasyon, at workforce leaders upang matugunan ang kakulangan sa manggagawa. Nakipag-ugnayan din ang Doleta sa employers at education providers sa pagpapaunlad ng skills training solutions sa buong bansa na mapakikinabangan ng mga estado.

Courtesy Of Kabayan Newspaper

 October 19, 2004

*** Pondo ng OWWA tumaas nang P8B - Sto. Tomas ***

Tumaas sa halos P8 bilyon hanggang noong Hunyo ang pondo ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) buhat sa mga ambag ng mga legal na overseas Filipino workers (OFWs), sang-ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Sinabi ni Secretary Patricia Sto. Tomas ng DOLE na ang paglaki ng pondo ng OWWA ay dahil sa mahuhusay na tuntuning itinakda ng OWWA Board of Trustees na siya ang tagapangulo. Naniniwala si Sto. Tomas na bago magtapos ang taon ay aabutin ng P10 bilyon ang pondo ng OWWA at binigyang-diin na ang pondong ito ay para lamang sa kapakanan ng mga kasapi ng OWWA.

Sang-ayon kay Sto. Tomas, sa paglaki ng pondo ng OWWA, mabibigyan na nila ng ibayong benepisyo ang OFWs. Ang OFWs ay nagbabayad ng $25 bilang kasapi sang-ayon sa Letter of Instructions 537 pagkatapos maayos ang kontrata sa empleo ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

Maaari ring sumapi sa OWWA ang OFWs kung nagtatrabaho na sila sa isang pook, nguni't hindi maaaring humigit sa dalawang taon ang pagiging kasapi nila. Ang mga kasapi ng OWWA ay may seguro, pautang, kabuhayan, tulong sa pamilya, iskolarsip at skills training, onsite services at pagpapauwi. Binigyang-diin naman ni Marianito Roque, puno ng OWWA, na ang mabibigyan lamang ng pabuya ng OWWA ay ang mga kasapi nito para pangalagaan ang mga OFWs na muling sumasapi sa OWWA kapag sila ay pabalik na uli sa ibayong dagat.

Ipinahayag ni Roque na tumutulong din ang OWWA sa OFWs na nagka-kaproblema kahit hindi sila kasapi ng OWWA, lalo na ang paglutas sa mga kaso nila at ang pagpapauwi sa kanila sa Pilipinas. Balitang Malakanyang

Courtesy of Kabayan Newspaper

 October 01, 2004

*** Ople Center para sa manggagawa ***

Pormal nang binuksan kahapon ang Blas F. Ople Policy Center and Training Institute bilang research at learning center ng ordinaryong manggagawa at overseas Filipino workers. Sinabi ni Raul Ople, anak ng yumaong statesman, na mag-aalok ang sentro ng short courses at lectures sa pagsulat, labor education, foreign affairs at kasaysayan ng Pilipinas.

"These are the areas most identified with our late father but of course he was such a brilliant man and voracious reader that the universe of his knowledge was all encompassing," ani Ople na bise presidente ng Ople Center, na matatagpuan sa 2/f Marbella Bldg., Roxas Boulevard, Manila.

Dumalo sa paglulunsad ang byuda ng dating kalihim, Susana V. Ople at ibang miyembro ng pamilya, kasama ang malalapit na kaibigan. Hanga naman si dating representative Willie B. Villarama, sa determinasyon ng pamilya Ople na ipagpatuloy ang pamana ng dating kalihim. Sa paghahayag ng mission at vision ng Ople Center, sinabi ni Undersecretary for Communications Susan "Toots" Ople, bunsong anak ng yumaong kalihim, na binalak ng kanyang ama ang pagpapatayo ng paaralan o institute bago ito sumakabilang buhay. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa Blas F. Ople Policy Center and Training Institute, tumawag sa telepono bilang 339-1768 at telefax: 339-1769.

Courtesy of Kabayan Newspaper

 September 10, 2004

*** Nagkatrabaho dumami-DOLE (William B. Depasupil) ***

Umangat ng 1.9 porsyento para sa ikalawang quarter ng taong kasalukuyan ang employment rate, isang indikasyon na ang ekonomiya ay umangat sa kabila ng problema sa pananalapi, ayon sa estadistika ng Department of Labor and Employment. Sinabi ni Secretary Patricia Sto. Tomas kahapon na inaasahang tataas pa ito hanggang sa katapusan ng taon. Ang estadistikang ito ay base sa survey na isinagawa ng Bureau of Labor and Employment Statistics mula Hulyo hanggang Agosto 2004 na sumasakop sa may 3,300 korporasyon sa bansa. Ayon kay Sto. Tomas, ang pagtaas na ito ng bilang ng mga nagkatrabaho ang pinakamataas mula 2002 at kung tutuusin, ang employment enterprises ay nadagdagan ng 19 na manggagawa kada 1,000 nagtatrabaho. Idiniin ni Sto. Tomas na ang resulta ng survey ay isang patunay na ang mga ginagawa sa ekonomiya ay makapagdaragdag ng trabaho.

"The poll-related activities, the growth in contact centers and brisk mobile phone usage, among others, have been cited as factors in the 6.2 percent growth of the Philippine economy from April to June this year," sabi ni Sto. Tomas. Dagdag pa niya, "For their part, employment gains in the country's top corporations provide a benchmark pointing positively to economic resilience." Umaasa rin si Sto. Tomas na, "we can reasonably look forward to more jobs growth toward the Christmas season due to strengthening economic activity."

Couretsy of Kabayan Newspaper

 August 17, 2004

*** Tax summit itinulak (Eralyn Prado/Rose Miranda) ***

Mareresolba ang magkakasalungat at sala-salabat na opinyon at mga solusyon sa kinakaharap na problemang pinansyal ng bansa at sa kontrobersyal na mga tax measures kung sama-samang uupo sa isang tax summit ang pamahalaan at kinatawan ng iba't ibang sector.

Iminungkahi ni House committee on appropriations chairman Rolando Andaya ang pagpapatawag ng naturang tax summit upang himayin dito ang lahat ng mga panukala at mga pagsalungat. Naniniwala ang solon na sa pamamagitan lamang ng bukas na diskusyon at malayang talakayan makakabuo ng isang katanggap-tanggap na pormula kung paano masasaklolohan ang gobyerno sa pagkakalubog sa budget deficit nang hindi naman malulumpo ang taxpayers. Kahapon ay sinabi ni presidential deputy spokesman Ricardo Saludo na ipupursige pa rin ng palasyo ang mga iniendorsong tax bills sa kabila ng ulat na gumaganda na ang koleksyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR). Ito ay reaksyon sa ulat na nakalikom ang BIR ng P258.08 bilyong buwis simula Enero hanggang Hulyo ng taong ito na mataas nang 10.33% kumpara noong nakaraang taon.

Bilang isa namang hakbang sa lalo pang pagpapaigting sa tax campaign ng gobyerno, iginiit ni Marikina Rep. Del de Guzman ang agarang pagpapatalsik sa mga tiwaling opisyal at kawani ng BIR at Bureau of Customs (BOC) na nakikipagsabwatan sa mga malalaking tax evaders.

Source: Abante Newspaper

 July 20, 2004

*** Canadian firm magtatayo ng call center sa Pilipinas ***

Isang nangungunang call center company sa North America na isa sa "50 Best Managed Companies" sa Canada ang magbubukas sa Pilipinas, hayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) kamakalawa. Inihayag ni Labor and Employment acting Secretary Manuel G. Imson ang magandang balita base sa ulat ng Toronto-based Labor Attache Rolando Rico C. Olalia na ang kompanya, NuComm International, ang kauna-unahang Canadian company na mag-eempleyo ng English-proficient Filipino workers sa bansa.

Pinuri ni Imson ang kompanya sa pagpili nito sa Pilipinas sa pagpapalawak ng kanilang operasyon, at sinabing ang desisyon ay katumbas ng pagtitiwala sa mga Pilipinong manggagawa at susuporta sa pag-angat ng bansa bilang kanlungan ng global call center operations.

"We are disseminating this development in connection with the DOLE's mandate to promote freely and transparently the growth of opportunities for our workers," dagdag ni Imson, "We are confident that developments of this kind will further strengthen the labor relationships and interactions between the Philippines and Canada, a country that hosts and is known to treat fairly the many overseas Filipino workers in its fold."

Courtesy of Kabayan Newspaper

 June 23, 2004

*** Leave credits iginawad sa state workers na nasa extended service ***

May leave privileges na ang mga opisyal at kawani ng pamahalaan na umabot na sa compulsory retirement age na 65 na nasa extended service. Nagpalabas ang Civil Service Commission (CSC) ng direktiba na nagbibigay ng vacation at sick leave credits sa mga kawani ng pamahalaan na umabot na sa compulsory retirement age ng 65 ngunit ang serbisyo ay pinalawig pa. Nauna rito, ang mga opisyal at empleyado na nasa extended service sa pamahalaan ay hindi nagkakaroon ng leave credits. Ang extension of service ay mula anim na buwan hanggang isang taon. Inamyenda ng CSC Resolution No. 040229 ang Section 42 ng Omnibus Rules on Leave, na nagsasaad ngayon na "public officials and employees on extended service are entitled to 15 days vacation and 15 days sick leave annually."

Nilinaw ng CSC na ang leave credits na naipon para sa extended service ay non-commutative, ibig sabihin ay hindi maaaring i-convert sa cash ang mga hindi nagamit na leave credits. Non-cumulative din ang leave credits na naipon sa extended service o ang mga hindi nagamit sa isang calendar year ay hindi maaaring ma-carry over sa susunod na taon. Sinabi pa ng CSC na ang mga empleyado na humahawak ng coterminous o primarily confidential positions na umabot na sa edad na 65 taon habang may bisa pa ang kanilang appointment ay kinukunsiderang awtomatikong pinalawig ang serbisyo. Ang kanilang service extension ay hanggang mag-expire ang petsa ng kanilang appointment o hanggang ang serbisyo ay i-terminate. Ang mga ito, ayon sa CSC, ay may karapatan din sa sick at vacation leave credits.

Courtesy of Kabayan Newspaper

 June 15, 2004

*** Info campaign sa legalisasyon ng pananatili sa Greece iniutos ***

Inatasan ni Labor acting Secretary Manuel G. Imson ang Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Athens na magsagawa ng information campaign upang hikayatin ang tinatayang 7,000 Filipino migrants sa Greece na samantalahin ang bagong hakbang na nagpapahintulot sa mga undocumented migrant na gawing legal ang kanilang pananatili sa nasabing bansa. Ipinalabas ni Imson ang kautusan matapos ipaalam ni Labor Attache to Greece Virginia P. Calvez na ang registration process na nagpapahintulot sa mga kuwalipikadong foreign migrant na maka-avail ng bagong legalization measure ay nagsimula sa lahat ng tanggapang humahawak sa residence at work permits sa Greece noong Hunyo 7. Sinabi pa ni Calvez na ang Interior Ministry of Greece ay nag-isyu na ng bagong legalization rules upang mapadali ang pagpapalabas ng residence at work permits batay sa Article 25 ng Law 3242 na ipinatupad noong Mayo 24.

Aniya, inihayag ni Interior Ministry Secretary General Athanassios Vezyrgiannis na ang amyenda ay magbibigay sa 150,000 dayuhan na gawing legal ang pananatili sa Greece. Ang nasabing bilang ay halos kalahati ng kabuuang bilang na nagpatala nang pasimulan ng Greece ang legalisasyon noong Hunyo 2001. Sakop ng bagong hakbang ang mga migrante na ang residence permits ay mapapaso sa Hunyo 30, 2003, hanggang Mayo 24, 2004, pati na sa mga dayuhan na nagpatala noong 2001 ngunit hindi nag-aplay para magkaroon ng work at residence permits. Sa ilalim ng nasabing batas, awtomatikong palalawigin ng pamahalaang Greece ang residence permits na nag-expire noong Hunyo 30, 2003, hanggang Hunyo 30, 2004.

"Based on the figures of the June 30, 2003 legalization deadline around 7,000 land-based Filipino migrants could benefit from this humane and compassionate move of the Greek government," diin ni Calvez. Hinimok ni Imson ang POLO sa Greece na makipagtulungan sa mga lider ng mga Filipino community doon sa paghikayat sa mga kuwalipikadong Pinoy na samantalahin ang pagkakataon upang gawing lehitimo ang kanilang pananatili sa Greece. "We will appreciate greatly the help of both local and foreign media in disseminating these matters," ani Imson.

Courtesy Of Kabayan Newspaper

 May 26, 2004

*** Bagong patakaran sa SSS salary loan, inilabas ***

Maaari nang maghain ng salary loan application ang mga miyembro ng Social Security System (SSS) na nakapagbayad ng anim na buwanang kontribusyon lamang sa nagdaang 12 buwan ngunit kinakailangang mayroon nang 36 na monthly contributions sa panahon ng paghahain ng aplikasyon, ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Corazon S. dela Paz. Ang mga ito ay kuwalipikadong maghain ng aplikasyon para sa isang-buwang salary loan. Noon ang requirement sa salary loan ay 24 na monthly contribution na tuloy-tuloy sa nagdaang tatlong taon sa panahon ng paghahain ng loan application.

"We know that members apply for salary loans during times of emergencies and extreme need, " ani dela Paz. "We have the new guidelines to streamline operations and procedures." Sa ilalim ng bagong patakaran, ang SSS ay magpapataw ng 10 porsyentong interest rate na ibabawas agad sa maximum loan amount, katumbas ng dalawang monthly salary credit ngunit hindi lalagpas sa P24,000. Ang monthly salary credit ay ang compensation bracket na ginagamit sa pagko-compute ng mga kontribusyon at mga benepisyo.

Idinagdag ni dela Paz na ang SSS ay sisingil din ng service fee na isang porsyento na babawasin din agad upang ipantakip sa administrative costs sa pagpoproseso ng loan. Ang amortization para sa mga self-employed at voluntary members ay magsisimula sa ikatlong buwan matapos i-release ang pautang, habang ang pagkakaltas sa sahod ng mga empleyado ay magsisimula sa ikalawang buwan. Ang bagong patakaran ay inaprubahan ng Social Security Commission, ang policy-making body ng SSS, wika pa ni dela Paz

Courtesy of Kabayan Newspaper

 May 17, 2004

*** Global demand para sa mga caregivers mababa ***

Taliwas sa mga media advertisements at sinasabi ng mga local caregiver training institutions, walang malaking global demand para sa mga caregiver lalo na sa mga bansang meron nang ganitong manggagawa, tulad ng ipinakikita ng pagbaba sa bilang ng ipinadadalang caregiver mula 1998 hanggang 2003.

Ayon kay Administrator Rosalinda Dimapilis-Baldoz, ng Philippine Overseas Employment Administration, tanging Taiwan, na kumakatawan sa halos 80 porsyento ng kabuuang deployment sa panahong kung kailan isinagawa ang pag-aaral, ang nagpakita ng pagtaas sa deployment trend bagama't nabigo itong lumagpas sa naitalang bilang noong 1998.

"Employment prospects for caregivers even in the US and Japan remain dim despite validated reports of a growing demand for such. There is difficulty in getting employment-based visa in the US, while Japan has yet to open its labor market access for caregivers," ani Baldoz.

Kahit ang mga approved job orders mula sa Canada, ang pinakagustong destinasyon ng mga caregivers, ay kumakatawan lamang sa 2.2 porsyento ng kabuuang bilang ng mga kontratang pinoproseso. Nagpapakita ito umano na ang employment prospects doon ay hindi talaga malinaw tulad ng mga lumalabas na ulat. Pinayuhan din ni Baldoz ang mga applicant caregivers na ikonsidera ang ibang posisyon kapag nag-aaplay ng trabaho sa ibang bansa at mag-isip kung mag-eenrol sa mga training institutes na nangangako o naggagarantiya ng trabaho sa ibang bansa matapos ang graduation. Para sa iba pang detalye ukol sa employment prospects at katulad na impormasyon kaugnay ng overseas employment, maaaring tumawag sa Public Information and Assistance Center ng POEA sa telepono bilang 722-1144 o 722-1155. Maaari ring mag-text at i-type ang at ipadala sa 276 sa Smart subscribers at 2385 sa Globe subscribers.

Courtesy of Kabayan Newspaper

 April 30, 2004

*** PINOY SATELLITE TV NETWORK SA JAPAN ***

Sa higit pang pagpapalawak ng layunin nitong 'global reach,' ang Global Publiching and Entertainment Corporation (GPEC), ang naglathala ng S Magazine, isang kilalang entertainment and lifestyle magazine at Pinoy Gazette - ang nangungunang diyaryong Pilipino sa Japan ay papasok sa panibagong mundo ng satellite TV network, dala ang pangalang GPEC Network.

Sa kasalukuyan, nakakuha na ng lisensiya ang GPEC Network para sa dalawang channels na kinabibilangan ng una - mga pelikulang Pilipino produced ng Viva Films, na tinawag na Pinoy Box Office (PBO) at pangalaw, isang music channel na tinatawag na OPM TV. Ang natitirang dalawa pang channels ay sumasailalim pa sa negosasyon sa dalawang pangunahing TV networks sa Pilipinas.

Ang marketing para sa GPEC Network ay hahawakan ng parent company nito sa Japan - ang IPS, Inc at ng sister company nito sa Pilipinas - ang Pilipinas International Marketing Services, Inc. (PIMSI). Dumalo sa naturang contract signing sina Vic del Rosario, Viva's chairman at CEO; Koji Miyashita, president at CEO ng IPS, Inc.; Vincent del Rosario, executive VP ng Viva, Aster Amoyo, managing director ng GPEC Network at PIMSI managers Lyra Evangelista, business development manager; Ed Opulencia, carrier relations manager at Rico Saldivar, finance manager.

Pangunahing layunin ng GPEC Network ang magbigay ng kasiyahan sa libu-libong Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho sa Japan. Gayundin ang pagpapaigsi ng distansya ng dalawang bansa at paghahatid ng Pilipinas malapit sa puso mga Pinoy sa Japan.

*Courtesy of Pilipino Star Ngayon

 April 21, 2004

*** Libreng computer training sa PWDs, nagbigay ng trabaho ***

Davao City - May pag-asang makakukuha ng trabaho ang persons with disabilities (PWDs) dito matapos sumailalim sa libreng pagsasanay sa computer operations at mga kaugnay na teknolohiya sa Rotary Foundation Computer Training Center for PWDs sa kahabaan ng 13 Juna Avenue sa lungsod na ito. Sinabi ni Engr. Darlito Palermo, nagko-coordinate ng proyekto para sa Rotary Club of Matina sa pakikipag-ugnayan sa government agencies at nongovernment organizations, na umabot na sa ilang daan ang nakapagtapos ng basic computer courses at ilan sa kanila ay nakakuha ng trabaho sa city government.

Ayon pa kay Palermo, nagbibigay din ang sentro ng mga kurso para sa hearing-impaired, visually impaired at orthopedically handicapped. Kabilang sa mga kursong alok sa sentro ay ang basic computer orientation, bank computer operations, Microsoft Office, Microsoft Word, Microsoft Excel, Microsoft PowerPoint, paper design tulad ng calling cards, pamphlets, brochures, at booklets. Para sa mga interesado makipag-ugnayan sa telepono bilang 297-5537.

Ang computer school ay bunga ng pagpupunyagi ng Rotary Club of Matina; Valderrama Foundation; San Pablo Parish Deaf Ministry; Kakayahan ng may Kapansanan Foundation Inc. (KKFI); Technical Education Skills Development Authority (Tesda); Department of Labor and Employment (DOLE); Department of Social Welfare and Development; at ng City Social Services and Development Office. Itinatag, ani Palermo, ang computer center upang maarmasan ang PWDs upang makapamuhay nang indipendyente. Bukod sa computer training, tumutulong din ang sentro sa paglalan ng iba't ibang programang pangkabuhayan para sa PWDs.

Courtesy of Kabayan Newspaper

 April 12, 2004

*** Mahigit 7,000 maid sa Makati sakop ng yellow card ***

Humigit-kumulang 7,483 maid na nagtatrabaho sa mga residente ng Makati ang tumanggap ng yellow cards mula sa pamahalaang lokal mula 1986 hanggang Oktubre 2003. Ang naturang mga card ay nagbibigay sa mga katulong ng mas murang hospitalization at medical care sa Makati Medical Center (MMC). Gayundin, makatatanggap ang mga maid ng katulad na serbisyo mula sa Ospital ng Makati (Osmak), ang ospital na pinamamahalaan ng lungsod.

Isa ang mga domestic helper sa mga nakinabang sa yellow card program, na pinasimulan noong 1986 ni Makati Mayor Jejomar C Binay. Sakop ng programa ang mga residente ng Makati na may buwanang kita na mas mababa sa P10,000, mga empleyado ng lokal na pamahalaan, kabilang ang mga pampublikong guro, pulis, bumbero, at senior citizens. Ang programa, ay tinanghal na world's Best Practices ng Municipality of Dubai at ng United Nations-HABITAT, dahil sa paglalan nito ng de-kalidad na serbisyong pangkalusugan sa mga may maliit na kitang residente.

Ani Binay, dahil sa programa, nakatatanggap ang mga benepisyaryo ng mga kinakailangang life-saving medical care na kadalasang hindi kaya ng mga ito. Inilahad ng alkalde ang kaso ng isang Celestino Peralta, residente ng East Rembo, na sumailalim sa neuro-surgery sa MMC. Umabot ang kanyang bayarin nang P1.7 milyon, ngunit dahil sa kanyang yellow card, P3,000 na lamang ang kanyang binayaran. Sa ulat sa alkalde, isinaad ng Makati Health Program Office na umabot na sa 297,181 ang yellow cards na naipamigay sa mga benepisyaryo na kinabibilangan ng humigit-kumulang 111,177 residente mula sa unang distrito at 116,318 mula sa ikalawang distrito. Sa pamamagitan ng yellow card, makatatanggap ang mga benepisyaryo ng serbisyong medikal tulad ng surgery, pediatrics, obstetrics, medicine, ENT, ophthalmology, dermatology at orthopedics sa MMC at Osmak

Courtesy Of Kabayan

 April 01, 2004

*** Fare hike kasalanan ni GMA at oil firms ***

Napigilan sana ang pagtaas ng pasahe sa buong bansa kung hindi lang kinukunsinti ng pamahalaan ang pagmamalabis ng mga kumpanya ng langis. Ito ang naging akusasyon ng Koalisyon ng Nagkakaisang Pilipino (KNP) matapos aprubahan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang 75 sentimong fare hike upang mapigilan ang welga ng mga jeepney drivers at operators sa Metro Manila.

Ayon kay KNP senatorial candidate Digs Dilangalen, palpak ang administrasyong Arroyo sa problemang inihahain ng transportation at business sector kaya wala itong magawa sa problemang inihain ng mga jeepney operators kundi ang pagbigyan ang fare increase.

"Had President Arroyo stopped the oil giants from overpricing their products and even exerted moral suasion on them to roll back their pump prices to last year's level, the transport strikes, much less the 75 centavo fare increase, would not have happened in the first place," sabi ng mambabatas.

Kaugnay nito, nabigo ang Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (Piston) na makakuha ng suporta at simpatiya mula sa iba pang public utility vehicle drivers. Sa obserbasyon ng National Capital Region Police office, bahagya lamang naparalisa ang transportasyon sa Monumento, Caloocan City area at may mga commuters na stranded pero nasolusyunan agad ito nang magpadala ng masasakyan ang Metro Manila Development Authority at Traffic Enforcement Group. Ayon kay NCRPO chief Director Ricardo de Leon, siniguro ng security measures na inilatag ng iba't ibang distrito ng pulisya sa Metro Manila na hindi magugulo o matatakot ng hard liners ng Piston ang ibang drivers na hindi sumama sa protesta.

Courtesy of Pilipino Star Ngayon

 March 23, 2004

*** Suporta sa SMEs, hindi na mapigilan ***

Sa Pampanga patuloy ang pagtulong ng gobyerno rito sa pagpapaunlad ng small and medium enterprises (SME). Ito ang pinatunayan sa pagsasagawa ng planning workshop kamakailan ng regional SME development team, na pinangunahan ng Department of Trade and Industry, sa Social Action Center of Pampanga. Ang pagpapaunlad at pag-aangat ng SMEs ay nananatili pa ring isa sa pinagtutuunang proyekto ng pamahalaan.

"The long-term Philippine SME development plan prepared by the Japan International Cooperation Agency was approved by the National Small and Medium Enterprises Development Council last February 6, subject to public hearing within the first quarter of this year," ani Regional Director Blesila Lantayona ng DTI Region III.

Dahil dito, ang regional SME team ay nagtipun-tipon kamakailan para sa dalawang kadahilanan: una, upang bigyan ang mga miyembro ng overview tungkol sa inaprubahang national SME plan; at pangalawa, upang bumuo ng regional plan na magsisilbing giya sa programa at pagpapatupad ng proyekto para sa Gitnang Luzon.

Courtesy Of Kabayan Newspaper

 March 15, 2004

*** MMDA bus terminal sa Edsa di matutuloy ***

Binalewala ng Court of Appeals ang petition for certiorari na inihain ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na kumukuwestyon sa utos ng Quezon City Regional Trial Court na nagpapatigil sa MMDA sa pagpapatayo ng bus terminal sa kahabaan ng Edsa sa Quezon City. Sa dalawang pahinang resolusyon, isinaad ng CA Twelfth Division ang pagbasura sa petisyon matapos na ang MMDA sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General ay nabigong maglakip ng orihinal o certified true copy ng dalawang utos ni Judge Fatima Asdala ng Quezon City RTC Branch 87.

Nauna rito, nais ipawalang-bisa ng MMDA ang utos ng mababang hukuman na nagbibigay-daan sa application for writ of preliminary injunction ng Manila Seedling Bank Foundation Inc. (MSBFI) at tumatanggi sa motion for reconsideration ng ahensya. Inutos ni Asdala noong Setyembre 17, 2003 kay MMDA Chair Bayani Fernando na tumigil sa pagpapatupad ng Executive Order (EO) 179 na inilabas ni President Arroyo na naglalaan ng isa sa apat na interim intermodal mass transport terminals sa Metro Manila. Noong Oktubre 15, 2003, binalewala rin ng mababang hukuman ang motion for reconsideration ng MMDA, na nagtulak dito para iapela ang kaso sa CA.

Courtesy of Kabayan Newspaper

 March 08, 2004

*** Karagdagang pondo sa SME karagdagang trabaho-GMA ***

Umaasa si Pangulong Arroyo na sa ibinigay na mahigit P21 bilyon para pondohan ang maliliit at katamtamang negosyo (SMEs) sa bansa, kabilang dito ang Western Visayas, ay magkakaroon ng mas maraming trabaho. Kasabay nito, sinabi rin ng Pangulo na sa maikling panahon ng kanyang panunungkulan ay nakabuo siya ng mahigit tatlong milyong trabaho sa bansa.

Ayon sa Pangulo, ang mga SME ay nag-aalok ng mga espesipikong trabaho na kinakailangan ng sektor ng paggawa sa isang partikular na lugar. Inihalimbawa niya ang sugar industry sa Negros kung saan nagsisikap ang pamahalaan na masustena, sa pamamagitan ng sustainable altenatives sa pagpili ng mga itatanim pati na ang pagre-regulate ng mga pre-mix juice nang sa gayon ang publiko ay mapilitang bumili ng lokal na asukal sa mga pamilihan.

Hinikayat ng Pangulo ang mga SME na magpalawig ng kanilang negosyo kung tumubo na sa pamamagitan ng Unified Lending Program assistance mula sa gobyerno. Dapat umanong dagdagan ang farm equipment input sa Iloilo upang madagdagan at mapabuti ang kalidad ng inaaning produkto ng mga magsasaka. Sa susunod na anihan, dinagdagan ng Punong Ehekutibo ang pondo para sa National Food Authority nang magkaroon ito ng mas higit na kakayahang makapamili ng mga inaning produkto.

Courtesy of Kabayan Newspaper

 February 23, 2004

*** P50-M BANGUS PROCESSING PLANT SA DAGUPAN INIHAHANDA NA ***

Malapit nangmaging isang katotohanan ang pangarap ngmga Dagupeno na magkaroon ng isang planta sa pagpuproseso ng bangus. Sinabi ni Pangulong Arroyo sa Binalonan, Pangasinan na ang P50-milyong planta ay kasalukuyang nang ginagawa sa China.

Ibinalita ito ng Pangulo habang nangangampanya sa mga nagawa ng administrasyon at sa plataporma ng K-4. Bukod sa magandang balitang ito, binanggit din niya ang iba pang mga proyekto sa Dagupan tulad ng Agno River Flood Control Project, P6-milyong Dumalandan Bridge, at ang P300-milyong Hector Mendoza Bridge sa pagitan ng mga bayan ng Villasis at Bayambang na pinasinayaan ngayong buwang ito. Idinagdag din ng Pangulo ang P8 bilyong pangakong nakuha niya sa Japan para sa San Roque Irrigation Project noong bumisita siya roon noong Disyembre.

Courtesy of Kabayan Newspaper

 February 09, 2004

*** 3 PANG "HEAT SCANNER" AANGKATIN NG MIAA ***

Tatlong makabagong "heat scanner" ang aangkatin ng pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) upang lubos na ma-monitor at mapigilan ang pagpasok sa bansa ng mapanganib na Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) at bird flu virus.

Nabatid kay Marcelino "Boy" Yumol, Assistant General Manager (AGM) for Finance and Administration ng MIAA na ang naturang "high tech equipment" ay nagkakahalaga ng P3.5 milyon ang bawat isa nito. Sinabi pa niya na ang naturang modern equipment ay kahalintulad din na kasalukuyang ginagamit sa modernong Changi International Airport sa bansang Singapore.

Binigyang-diin pa ng AGM for Finance at Administration na ipinasiya ng MIAA na umangkat ng mga makabagong heat scanner mula sa Singapore Technologies, Inc. (STI) para maipagkaloob ang mabilis at tinurang "hassle-free screening" ng mga pasahero na umaalis at dumarating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA-1) at Centennial Airport (NAIA-2). Sinabi pa ni Yumol sa NAIA Press Corps na ang pag-angkat ay bahagi rin sa paghahanda sa pagdagsa ng mga turista mula sa iba't ibang bansa para sa Valentine's Day at sa nalalapit na Semana Santa sa bansa.

Courtesy of Balita Newspaper

 January 17, 2004

*** Marikina, Bacolod, Koronadal, most competitive cities ng 2003 ***

Lumutang ang Marikina, Bacolod at Koronadal noong Huwebes bilang most competitive cities sa bansa noong isang taon sa lahat ng kategorya ng pag-aaral.

Ito ang naging resulta ng pag-aaral ng Philippine Cities Competitiveness Ranking Project (PCCRP) na isinagawa ng Asian Instituteof Management Policy Center sa pakikipagtulungan ng Konrad Adenauer Foundation, The Asia Foundation, German Technical Cooperation at International Labor Organization.

Ang mga resulta ng pag-aaral ay ipinirisinta ni Dr. Federico Macaranas, executive director ng AIM Policy Center. Lumundag ang Marikina sa pinakmataas na spot sa lahat ng siyudad sa metro mula sa ikatlo noong 2002. Pumangalawa ang Pasig kasunod ng Davao. Ang kakayahan ng Marikina tumugon sa sistematiko at mainit na isyu at pagkakaroon ng magandang bisyon, kasama ng physical, technological at knowledge support services ang lalong nagpalakas sa pagiging competitive ng Marikina. Maganda rin ang kalidad ng buhay sa Marikina.

"We are very honored and proud," masayang pahayag ni Marikina City Mayor Marides Fernando. "Our departments will now be focused on ensuring that we will become even more competitive in the coming years," dagdag pa nito.

Samantala, ang Bacolod ang nanguna sa mid-sized category, kasama ang Baguio, Cagayan de Oro at General Santos samantalang ang San Fernando, Pampanga at Cagayan de Oro ang ikalawa at ikatlo ayon sa pagkakasunod. Napili ang Bacolod dahil sa kanilang mga infrastracture, human resources at training sa kalidad ng buhay.

Sa 25 maliliit na siyudad, ang Korodal nakakuha ng pinakamataas na marka na sinundan ng San Fernando, La Union at Tagaytay. Tinaya ng PCCRP ang lakas at kahinaan ng ekonomiya at sistemang politikal ng mga siyudad at ang kanilang abilidad na magbigay ng isang maayos na kapaligiran para sa negosyo at komunidad.

Courtesy of Kabayan Newspaper

 January 09, 2004

*** TNT di na magtatago ***

Masayang pinuri ni Pangulong Arroyo kahapon ang desisyon ni US President George W. Bush na payagan ang mga iligal na migranteng manggagawa o TNT (tago ng tago) sa US na bigyan ng legal na status.

"We are very grateful for this development because this would surely benefit our workers in the US," pahayag ni Presidential Spokesman Ignacio Bunye kahapon. Hiniling ni Pangulong Arroyo noon sa kongreso ng Estados Unidos ang pagpapatupad ng "temporary worker program" na magiging daan para sa mga immigrant na nagtatrabaho ng ilegal sa US na magkaroon ng legal status.

Ayon sa hiniling na pagbabago, ang isang walang dokumentong manggagawa ay maaari nang mag-apply ng temporary worker status at makatanggap ng Social Security Card at mga benepisyo tulad ng minimum wage. Sinabi rin ng tagapagsalita ng Palasyo na napapanahon ang desisyong ito ni Bush at tama lamang para naman mabiyayaan ang mga masisipag at masunuring Pilipino sa Estados Unidos.

"The President considered the OFW as the great Filipino worker, the great Filipino investor and many of them are considered as our Filipino ambassadors of goodwill," sabi pa ni Bunye. Kapag naipasa ang mungkahing ito ni Bush, ito ang magiging pinakamalaking pagbabago sa US immigration sa loob ng dalawang dekada.

Courtesy of Kabayan Newspaper…