|
このページは主としてフィリピンの方に提供しているため、
現在のところタガログ語(フィリピノ語)で掲載させていただきます。(毎週更新を目標)
It lets us insert it in Tagalog because
this page is provided for the Filipino.
(Renewal, every week.)
|
|
News
(Police news)
|
|
|
|
December 12,
2003
|
|
***
Terminal fee sa domestic flight, nais gawing P200 ***
Simula Enero 1, P200 na ang ibabayad ng mga pasahero ng domestic
flights na gumagamit sa Manila Domestic Airport at Ninoy Aquino International
Airport (NAIA), mula sa dating P100. Pero, ang terminal fee para sa
international flights ay mananatili sa P550 kada pasahero. Sa isang
panayam, sinabi ni General Manager Edgardo Manda sa Kabayan na ang
dahilan ng pagtataas ng bayad ay dahil obligado ang Manila International
Airport Authority (MIAA) na bayaran ang P842-million foreign-assisted
loan na ginamit sa pagtatayo ng NAIA Terminal 2. Ang pagbabayad ay
magsisimula sa susunod na taon at babayaran ito sa loob ng 25 taon.
Hindi umano nagtaas ang MIAA ng terminal fee sa nagdaang tatlo hanggang
limang taon. Naghahanap umano ng pondo ang MIAA para may maibayad
sa utang. Gayunman, sinabi ni Manda na pinag-iisipan pa rin nila ang
dagdag-singil at nakatakdang magsagawa ng public hearing ukol dito.
Ayon sa Air Transportation Office, ang domestic passenger noong 2001
ay umabot sa 5,663,015, mas mababa sa naitala noong 2000 na 6,315,893.
Nagbabala naman ang isang airline official na ang hakbang ay maaaging
maging "counter productive." "It adds to the burden of the traveler,"
anang opisyal na tumangging magpakilala. Posible rin umanong makaapekto
sa dami ng pasahero ang karagdagang bayad. Noong May ng kasalukuyang
taon, nagbigay ng tax relief ang MIAA sa mga international airline
dahil sa naging epekto sa ekonomiya ng severe acute respiratory syndrome
(SARS).
Courtesy of Kabayan Newspaper
|
| December
01, 2003 |
|
***
91 senior citizens sa Makati, nagtapos ng livelihood training ***
Hindi hadlang ang edad sa pag-unlad ng sarili man o ng komunidad
sa pangkabuuan. At tiyak na magkakatrabaho pa ang mga ito kung kanilang
nanaisin. Pinatunayan ito ng mga senior citizen sa Makati na nagtapos
ng computer literacy and Internet courses na iniaalok ng pamahalaang
lokal ng lungsod. Sa ulat ni Editha Chan, presidente ng Makati Training,
Placement and Livelihood Consortia (MTPLC), kay Mayor Jejomar C. Binay,
isinaad nito ang pagtatapos ng 91 senior citizen, edad 60 hanggang
80 sa computer literacy at livelihood training courses mula Hulyo
2002 hanggang Hunyo 2003. Tinuruan ang mga matatanda ng basics ng
MS Windows at MS Office applications tulad ng Word, Excel at Power
Point. Natutunan din nila kung paano mag-surf sa Internet at gumamit
ng e-mail. Ayon kay Chan karamihan ng senior citizens na nag-aral
ay gustong matuto ng computer applications para sa kanilang mga negosyo.
Bukod sa computer literacy, ang mga senior citizen ay kumuha rin
ng klase sa reflexology, dressmaking, cooking at cosmetology, wika
ni Chan. Sa kasalukuyan, 34 senior citizens ang nakaenrol din sa mga
nabanggit na kurso. Ginaganap ang klase sa 15 public elementary at
high schools sa lungsod. Nakikinabang ang senior citizens sa Makati
nang higit pa sa inaatas ng pambansang gobyerno. Kabilang dito ang
libreng panonood ng sine, libreng wheel chair at maintenance medicine
kapag kinakailangan at cakes sa kanilang mga kaarawan.
Bukod sa computer literacy, ang MTLPC ay nagsasagawa rin ng pagsasanay
tungkol sa food preservation, fruit and vegetable carving, culinary
arts, tailoring, cellphone repair, electrical building wiring, computer
technician, basic automotive troubleshooting with car preventive maintenance,
auto-electronics, at auto-driving with troubleshooting. Mula nang
itatag noong 2000, ang MTLPC ay nakapagpatapos ito ng 5,000 out-of-school
youth, kababaihan, walang trabahong adults, at mga mag-aaral na naghahanap
ng pansamantalang trabaho.
Courtesy of Kabayan Newspaper
|
| November
12, 2003 |
|
***
Trabaho alok ng Kazakhstan ***
May magandang pagkakataong mabigyan pa ng empleyo ang may 1,000 Pilipino
sa Republic of Kazakhstan. Ito ang magandang balita ni Pangulong Arroyo
sa sambayanan matapos ang ginawa niyang pakikipagpulong kay Prince
Minister Nursultan Nazarbayev na kasalukuyang bumibisita sa bansa.
Sa magkasanib na press conference ng dalawang lider na ginanap sa
Palasyo, inihayag ng Pangulo na may 5,000 nang Pilipino ang nagtatrabaho
sa naturang bansa sa larangan pa rin ng industriya ng langis. Sinabi
ng Pangulo na ang pagbisita ng Prime Minister ng Kazakhstan sa bansa
ay nagresulta sa paglagda ng tatlong kasunduan para ibayo pang mapaglapit
ang relasyong pagkakaibigan at pagtutulungan ng dalawang bansa.
Kabilang dito ang exemption sa pagkuha ng visa ng mamamayan ng dalawang
bansa na nagtataglay ng diplomatic passport, pagtutulungan sa larangan
ng turismo at pagkakataong makalapag sa Kazakhstan ang eroplano ng
bansa na nagseserbisyo sa rutang malapit sa kanilang bansa.
Inihayag pa rin ng Pangulo na nangako sa kanya si Prime Minister
Nazarbayev na bibigyang prayoridad ng kanyang pamahalaan ang importasyon
ng mga produktong agrikultura ng Pilipinas na wala sa kanilang pamilihan.
Dito ay magkakaroon ng magandang pagkakataon ang mga prutas ng Pilipinas.
Courtesy of Pilipino Star Ngayon
|
| October
30, 2003 |
|
***
Skills improvement program, inilunsad ***
Pinangunahan kamakailan ni Makati Mayor Jejomar C. Binay ang lungsod
at education officials sa paglulunsad ng Integrated Skills Improvement
Program o ISIP. Layon ng programa na mapagyaman ang kaalaman ng mga
residente sa lungsod sa English language sa tulong ng computerization.
Ayon kay Binay ang programa ay isa sa salik sa plano ng lokal na pamahalaan
na magkaroon ng IT-enabled society sa lungsod upang makapanabay sa
mga pagbabago.
Ang ISIP ay pinamamahalaan ng pamahalaan ng Makati, sa pakikiisa
ng Department of Education Division ng Makati, University of Makati,
SM Equicom Computers, at EduQuest, Inc. Dalawang club ang bahagi ng
programa ang Reading Together Clubs o RTCs, na naglalayong mapagbuti
ang abilidad ng isang indibidwal sa pagbasa-pangunahing salik sa literacy
skill na magbibigay-daan sa pagkakaroon ng galing sa lengguwahe; at
ang IT Community Outreach Program o IT-COOP, na tutugon sa pangangailangan
ng komunidad ng Makati upang mas maging handa ang mga residente sa
mga kahingian sa trabaho at handa sa pagharap sa mga oportunidad pangkabuhayan.
Ang RTCs ay iho-host ng anim na paaralan sa Makati ang mga elementary
school sa South, Bangkal, La Paz, Poblacion, at ng F. Benitez Elementary
School. Samantala ang IT-COOPs, ay nagbibigay ng job-readiness skills
training para sa mas malawak na oportunidad sa trabaho ng mga residente.
Ang pagsasanay ay ginaganap sa Fort Bonifacio High School, Makati
High School, San Isidro High School, Makati Science HS, Benigno Aquino
HS, San Antonio HS, at Pio National HS.
Courtesy of Kabayan Newspaper
|
| October
15, 2003 |
|
***
200 jobs sa pagbubukas ng Petron megastation ***
Aabot sa 200 trabahador ang kakailanganin sa bubuksang Petron Megastation
sa susunod na taon sa Subic Bay Freeport. Ang nasabing mga trabahante
ay magiging bahagi ng operasyon ng gasolinahan na bukas ng 24 na oras
at sa auto-servicing station na mayroong convenience store, mga kilalang
food chain, at iba pang miscellaneous services. Ang megastation na
nagkaroon ng groundbreaking kamakailan sa isang 3,200 sq. m. lot sa
panulukan ng Rizal Blvd. at Argonaut Highway, Subic Gateway ay may
pondong P20 milyon para sa pagtatayo nito. Inaasahang sa pamamagitan
ng Petron megastation ay magkakaroon ng malaking kaluwagan sa mga
motorista, turista, locators, at mga residente ng Subic.
"Setting-up a modern refueling station inside the Freeport will add
to the diverse facilities that provide high-quality services to investors,
tourists and residents in adjacent communities," ayon kay Chairman
Felicito Payumo ng Subic Bay Metropolitan Authority sa ginanap na
groundbreaking ceremony. Umaasa rin si Payumo na bukod sa maidaragdag
sa ekonomiya ng Freeport, mas maraming residente ang magkakaroon ng
trabaho sa gagawing pagtatayo ng megastation. Bukod ito sa 200 katao
na mabibigyan ng trabaho sa sandaling magbukas na ang megastation.
Courtesy of Kabayan Newspaper
|
| September
29, 2003 |
|
***
Pagpapatupad ng international labor standards, hiniling ***
Nanawagan kamakailan si Labor and Employment Secretary Patricia A.
Sto. Tomas sa mga huwes mula sa Southeast Asia and the Pacific para
sa mas maayos na pagpapatupad na international labor standards at
equality principles, kasabay ng pagsasabing ito'y makatutulong sa
mga manggagawa para makasabay sa hamon ng globalisasyon.
Sa kanyang talumpati sa First Asia Pacific Seminar on International
Labor Standards and Equality Issues for Judges ng International Labor
Organization (ILO) sa Makati City, sinabi ni Sto. Tomas na "at a time
of greater economic integration, incessant technological changes,
heightened global competition, and weakening national institutions,
workers are now more concerned about job and income security as well
as their working conditions."
"The uncertainties brought by globalization have fuelled the fear
of unemployment, discrimination, inequality and further misery for
workers. Therefore, the crucial role now is to strengthen existing
institutions that can provide the necessary checks against exploitative
situations and promote observance of labor standards and equality
principles in the world," ani Sto. Tomas.
Pinuri ni Sto. Tomas ang ILO, sa pangunguna nito sa pagbubuo ng codes
at standards para sa paggawa. Gayunman, aniya ang standards na ito
ay mabibigo kapag hindi ipinatupad ng mga bansa. Binigyang-diin ang
napakahalagang papel ng ILO conventions, sinabi ng kalihim ang komitment
ng Pilipinas sa pagpapaangat ng labor standards and equality na pinatunayan
ng ratipikasyon ng anim sa pitong ILO core conventions na nagsasaad
ng mga karapatan ng mga manggagawa.
"These ILO Conventions ratified by the Philippine government are
now enshrined in the Philippines' 1987 Constitution, the Labor Code
of the Philippines, as amended, specific enabling laws, and rules
and regulations issued by the Department of Labor and Employment (DOLE),"
hayag ni Sto. Tomas. Aniya pa, "As a move to further enhance the local
applications of ILO Conventions, my Department has issued Department
Order No. 40-03 guided by the principles of the right to self-organization;
expediting the dispute settlement process; responsible and acceptable
unionism; and the doctrine of shared responsibility."
Courtesy of Kabayan Newspaper
|
| September
17, 2003 |
|
***
Programa para sa kabataan ng CSC, ikakalat sa rehiyon ***
Inihayag kamakailan ng Civil Service Commission (CSC) na ipamamahagi
nito sa mga rehiyon ang pagpapatupad ng Brightest for the Bureaucracy
Program (BBP) nito bago matapos ang taon. Kasalukuyan nang hinahanda
ng CSC ang pagte-turn-over sa National Capital Region (NCR) office
nito sa Quezon City ang mga aplikasyon ng mga taong interesadong maglingkod
sa pampublikong ahensya sa rehiyon.
Ang BBP ay isang special job placement program na dinisenyo upang
makahikayat ng mga kabataang may superyor na kaalaman at kasanayan
na magtrabaho sa gobyerno. Base sa datos ng ahensya, may kabuuang
110 job placements nang nairehistro ang 15 sa mga regional office
ng CSC mula 1997 hanggang 2002.
"This does not include output of the NCR office since people still
file their applications with the central office because it is also
located in the region. We still process the papers but eventually,
applicants will have to submit their documents to the NCR office,"
ani Charlene Joy Galang, senior Personnel Specialist ng CSC's examination,
Recruitment and Placement Office.
Humigit-kumulang 1,000 aplikasyon ang ipapasa sa NCR, ani Galang.
Halos kalahati ng mga bilang ng aplikanteng nabanggit ay kumuha na
ng written examination. Mula nang ilunsad ang BBP noong September
1995, ang CSC central office ay nakapagpaskil ng kabuuang 1,180 aplikasyon.
Ani, Galang ang pag-qualify sa BBP ay hindi garantiya ng anumang trabaho
sa alinmang government agency na nagdedetermina kung sino ang kanilang
tatanggapin.
Courtesy of Kabayan Newspaper
|
| September
01, 2003 |
|
***
Scitech, pangkabuhayan tampok sa CSC month ***
Pagkakakitaan ang tampok sa isang buwang pagdiriwang ng Civil Service
Commission ng ika-103 anibersaryo ng serbisyo-sibil sa bansa. Pangungunahan
ng CSC ngayon ang selebrasyon na may temang Sama-sama... Tulung-tulong,
Republika, Patatagin. Kaugnay nito, nanawagan ang ahensya sa iba pang
tanggapan ng pamahalaan na makiisa sa pagdiriwang para sa lalong ikatatagumpay
nito. Simula Setyembre 1 hanggang 6, idaraos ang Linggo ng Agham at
Teknolohiya, Kapaligiran at Likas Yaman, kung saan mga ahensyang sakop
ng siyensya at teknolohiya at natural resource sector ang mangunguna.
Bukod dito, itatampok din sa pagdiriwang ang iba't ibang pagtalakay
ng Technology and Livelihood Resource Center sa mga gawaing mapag-kakakitaan.Ilan
dito ay ang paggawa ng siomai at kikiam na gaganapin sa Setyembre
2, alas-2 hanggang alas-3 ng hapon; sa susunod na mga araw, katulad
ding oras ay tatalakayin ang rug making, hair trimming at dyeing ;
samantala sa Setyembre 5, ala-1 hanggang alas-5 ay paggawa ng puto
pao ang tatalakayin. Magkakaroon din ng Magnegosyo Forum bukas ala-1
hanggang alas-5 ng hapon. Ipakikita naman ng Forest Products Research
and Development Institute ang handmade paper making habang ang Philippine
Textile Research Institute magkakaroon ng textile exhibit sa buong
buwan ng Setyembre.
Pagbibigay-kamalayan at kahandaan kapag may sakunang tulad ng lindol
ang alok ng Phivolcs. At ang Department of Environment and Natural
Resources ay magkakaroon ng symposium kung paano makilatis ang isang
pekeng titulo, pamamahala sa lupa, sistema ng pagtititulo sa Setyembre
4. Sa katulad ding araw, gaganapin ng Advance Science and Technology
Institute (ASTI) ang Bayanihan Linux Install Fest na nagtatampok sa
murang propriety software na dinebelop ng ASTI. Ang ibang ahensya
ay magtatampok ng physical fitness activities, open house, recognition
day, medical/dental missions at iba pang outreach programs, government
retirees' homecoming, symposia, People's Day, familiarization tours,
bloodletting activities, at environmental initiatives tulad ng pagtatanim
ng puno at clean and green activities.
Courtesy of Kabayan Newspaper
|
| August
15, 2003 |
|
***
4 pang computer training center, binuksan sa Makati ***
Upang makasabay sa kasalukuyang trend ng trabaho, nagbukas pa ng
apat na bagong Barangay Computer Center (BCC) ang kauna-unahang "Technology
City," ang Makati. Layunin ng BCC na libreng makagamit ng kompyuter
ang mga residente at magkaroon ng computer training. Sinabi ni Mayor
Jejomar C. Binay na ang computer centers ay para isulong ang computer
literacy sa mga residente, gayundin upang magsilbing technology kiosks
para sa paperless transactions sa city hall.
" Our ultimate goal is to make these computer centers not only centers
for training, but as centers where residents can access city government
services and transact business with our frontline offices," ani Binay.
Ang apat na bagong BCC ay matatagpuan sa barangays Post Proper North
Side, South Cembo, Cembo at Guadalupe Viejo. Inilahad ni Binay na
bukas ang sentro para sa lahat ng mga estudyante at mag-aaral na gustong
magkaroon ng kasanayan sa basic computer, software programs tulad
ng MS Windows at MS Office Applications tulad ng MS Word, Excel at
Power Point.
Bukas ang mga BCC araw-araw mula Lunes hanggang Biyernes, alas-8
ng umaga hanggang alas-8 ng gabi na may tatlong training session araw-araw,
tuwing alas-10 n.u-alas-12 ng tanghali; alas-2-alas-4 ng hapon; at
alas-6-alas-8 ng gabi. Samantala, nag-aalok din ang pamahalaang lungsod
ng computer loans para sa mga empleyado ng city hall, at ikinokonsidera
rin ang gayon sa mga pampublikong guro, pulis at bumbero. At pautang
ay sa pamamagitan ng Computer Loan Program (CLP). Ilan sa mga mapagpipilian
ay ang IBM computers, mula sa Pentium 133 models hanggang sa IBM Netvista
A22p, sa murang buwanang hulog na P456 hanggang P1,682.
"Since our city has embarked seriously on its e-governance program,
it is essential for employees and, eventually, every household in
Makati to have its own computer," hayag pa ni Binay. Sa kasalukuyan
mayroon na rin computer centers ang mga barangay Pio del Pilar, San
Antonio, Olympia, Singkamas, West Rembo, Comembo, Pembo, Guadalupe
Nuevo, Poblacion, Pinagkaisahan, Rizal at San Isidro.
Courtesy of Kabayan Newspaper
|
| August
05, 2003 |
|
***
P1B, ilalaan para sa 2 barko ***
Magtatalaga ang WG&A Philippines ng P1 bilyon na pambili ng dalawang
bagong barko bilang suporta sa Strong Republic Nautical Highway (SRNH)
program ni Pangulong Macapagal-Arroyo at upang masemento ang estado
nito bilang pangunahing shipping company sa bansa. Ang dalawang bagong
barko ay ilulunsad ng WG&A bilang Superferry 17 at 18 upang makatuwang
ng iba pang barko nito na kasalukuyang dumadaong sa 22 pantalan o
terminal sa buong kapuluan.
"The government has made the SRNH more attractive to our shippers
who could now look at easier and more economical access to their markets,"
ang sabi ni WG&A President Endika Aboitiz kamakailan sa isang seremonyang
nagbukas ng ikalawang ruta ng SRNH sa pier ng Maynila. Naniniwala
ang WG&A na susi ang konstruksyon ng marami pang pantalan sa bansa
at ang pagpapalakas sa roll-on, roll-off type ng passenger at cargo
vessels sa pagpapalawig ng kalakalan sa Luzon, Visayas at Mindanao.
"We believe that our role in the national economy is to enable trade
and take the lead in improving the shipping industry," ani Aboitiz.
Ang buong fleet ng WG&A ay sinertipikahan ng International Safety
Management Code standard at ang kompanya'y pinarangalan din bilang
"Hewitt Best Employers in Asia Award."
Courtesy of Kabayan Newspaper
|
| July
25, 2003 |
|
***
Distance learning sa Sorsogon ***
Sa ngayon, pinag-iisipan ng provincial government ng Sorsogon ang
isang proyekto tungo sa isang de-kalidad, balanse, at abot-kayang
edukasyon sa pamamagitan ng satellite technology. Ang nasabing proyekto
na pinamagatang "Initiative for the Establishment of Distance Learning
Centers as Delivery Mechanism for Capability Building" ay magbibigay
ng access sa mga Sorsoganons tungo sa isang pormal at di-pormal na
mga kurso mula sa iba't ibang institusyon dito sa Pilipinas at maging
sa ibang bansa.
Kung ito ay maipapatupad, ang mga distance learning center ay maisasaayos
sa 15 munisipyo nito na siya namang gagawa ng linkages sa pamamagitan
ng Internet. Magkakabit din ng isang remote gateway facility sa loob
ng provincial capitol na siyang mag-uugnay sa Internet backbone at
sa iba pang Internet broadcast services sa pamamagitan ng isang central
hub station sa Metro Manila via satellite. Sa pamamagitan nito, iba't
ibang communication applications ang maaaring maitatag kaagad na kinabibilangan
ng interaction distance education and training programs para sa paaralan
at unibersidad na CHED-accredited sa Maynila at sa ibang bansa para
sa undergraduate, graduate, at post-graduate programs; mabilis na
Internet access sa mga piling opisina ng pamahalaang panlalawigan
at panlokal, at pagpapakabit ng pampublikong calling offices na may
IDD at NDD telephones services.
Sa pagkakaroon naman ng communication linkages sa pagitan ng pamahalaang
panlalawigan at mga bayan nito na siyang mabibigyang-daan sa isang
video conference at direct video and audio broadcasting; ang epektibong
paglilipat at access sa mga mahahalagang datos na maaaring gamitin
sa pag-uulat at pagmomonitor sa mga panahon ng mga di-inaasahang sakuna
at kalamidad, at sa pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan, strategic
networking sa mga investment, at sa iba pang gawaing pang-ekonomiya.
Kung ito nama'y maipapatupad, ang mga nasasakop ng proyekto ay magkakaroon
ng malawak na pagkakataong mapalago ang sarili sa pamamagitan ng mas
mataas na antas ng pag-aaral, makikiisa sa mga income-generating project
sa pamamagitan ng pag-alam sa mga kakayahang pangnegosyo, at magkaroon
ng mas mababang singil sa telepono.
Ang proyektong nabanggit ay ipinakilala kamakailan sa mga alkalde
ng mga bayan ng lalawigan, iba't ibang pinuno ng opisina, at iba't
ibang tagapangasiwa sa pamahalaan. Gayunman, ang buong lakas na pagpapatupad
ng proyekto ay nangangailangan ng pagpayag ng Sangguniang Panlalawigan,
na siyang magbibigay awtoridad kay Gobernador Raul Lee na humingi
ng badyet para sa nasabing proyekto.
Courtesy of KABAYAN NEWSPAPER
|
| July
11, 2003 |
|
***
MIAA aviation institute, binuksan ***
Binuksan kamakailan ng Manila International Airport Authority (MIAA)
ang sarili nitong aviation training insttute, ikalawa sa buong Asya,
upang magsanay ng mga kasalukuyang trabahador sa airport. Pinangunahan
ni MIAA General Manager Edgardo Manda ang pagbubukas ng Aviation Services
Training Institute Inc. (ASTI), na makatutulong din upang mabawasan
ang pagkuha ng MIAA ng contractual manpower services nito nang 30
hanggang 40 porsyento.
Ang ASTI, isang subsidiary ng MIAA, ay may layuning magbigay ng specialized
aviation training and manpower at magdebelop ng mga programa. Ito
rin ay naglalayong kumuha ng expert fellowship at makipagpalitan ng
impormasyon sa mga lokal at pandaigdigang aviation agencies.
|
| June
30, 2003 |
|
***
SINGLE TICKETING, IBINASURA Uniform traffic code, ipatutupad ***
Pamahalaang lokal na ang mamamahala sa trapiko matapos sama-samang
tutulan kahapon ng mga alkalde sa Metro Manila ang single-ticketing
scheme na nais ipatupad ng Metro Manila Development Authority. Kasabay
nito, nabuo ang isang bagong traffic law na tinawag na Uniform Traffic
Code sa ginanap na meeting ng Metro Manila Council sa tanggapan ng
MMDA.
"Basically, the local government unit has taken over the traffic
management but the MMDA's task will focus on the developmental aspects
of traffic," ayon kay Bayani Fernando, MMDA chief. Gayunman, aabot
pa ng halos isang buwan bago ito maipatupad dahil magsasagawa pa ng
mga pag-aaral. Inatasan din umano ang MMDA ng council na balangkasin
ang Uniform Traffic Code.
"Since almost all of the LGUs have come up with their own ordinances
stating their own traffic regulations and fines, the MMDA was tasked
to harmonize these ordinances and come up with a common code to be
followed by all and all the fines and penalties will also be uniformed,"
dagdag ni Fernando. Ang LGUs din umano ang magpapakalat ng mga traffic
enforcer na magmamantina ng daloy ng trapiko.
|
| June
11, 2003 |
|
***
13th month pay sa katulong ***
Makatatanggap na ng 13th month pay ang mga katulong na katumbas ng
isang buwang sahod na dapat bayaran ng hindi lalagpas ng Disyembre
24 kada taon. Ito ay kung maisasabatas ang House Bill 5804 o ang Magna
Carta for Household Helpers na inaprubahan kamakailan sa ikatlo at
huling pagbasa sa Mababang Kapulungan. Ang Magna Carta for Household
Helpers, na ipinanukala sa House Bill 5804, ay nagtatakda ng minimum
compensation para sa mga house helper.
Sa National Capital Region, hindi bababa sa P 1,500 kada buwan ang
dapat tanggapin ng mga katulong habang P 1,200 kada buwan ang pasahod
sa ibang chartered cities at first class municipalities, at minimum
na P 1,000 kada buwan sa ibang munisipalidad. Sa ilalim ng batas,
lahat ng katulong ay sakop ng Social Security System at kasali sa
lahat ng benepisyo ayon sa mga angkop na probisyon ng inamyendahang
Republic Act 1161. Saklaw rin sila ng Philippine Health Insurance
Corporation at tatanggap ng mga benepisyong kaakibat nito.
|
| June
03, 2003 |
|
***'Halal
Task Force', binubuo ***
Hinihintay na ng mga mangangalakal dito ang pagbubuo ng Mindanao
Halal Industry Task Force (MHITF) kaugnay ng panukalang gawing Halal
production base ng bansa ang rehiyon. Ipinanukala rin na ideklara
ang Mindanao bilang accreditation and certifying body na may kapangyarihan,
mapagkakatiwalaan, independyente at technically capable.
Ayon sa mga negosyante rito, sinusuportahan ni Pangulong Arroyo ang
naturang panukala at iniatas na niya sa mga kinauukulang ahensiya
tulad ng DTI, DA, SPDA, at DOH na magsumite ng kanilang joint recommendation
kaugnay ng panukala kabilang ang isang action place na magpapatupad
nito. Tumugon ang DA sa pamamagitan ng pagho-host ng pagpupulong ng
mga ahensiya kaugnay sa nabanggit upang makabuo ng pinal na panukala
para sa pagbubuo ng Philippine Halal Meat para sa buong bansa. Ayon
naman sa Mindanao business leaders, nagsagawa ang SPDA ng inter-agency
consultation upang iprisinta ang balangkas ng Philippine Halal Standards.
|
| Mayl
21, 2003 |
|
***SA
PAGBISITA NI GMA RP products, isasama sa GSP ng US ***
Hihilingin ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kanyang walong
araw na state visit sa Estados Unidos ang inclusion at reinstatement
ng mga produktong Pilipino tulad ng dried mangos, pineapple juice,
carrageenan at tuna sa susunod na cycle ng US General Systems of Preferences
(GSP). Sinabi ni Trade and Industry Secretary Mar Roxas na ang nasabing
hiling ay para sa karagdagang benepisyo, na kapag naaprubahan ay isang
magandang simula sa pagbibigay sa Pilipinas ng mahigit sa $1 bilyon
sa GSP benefits.
Sa mga nakaraang pagbisita ng Pangulo sa US, ipinangako ng administrasyon
ni Bush na makikipagtulungan sa kongreso ng US upang maibigay sa Pilipinas
ang nasabing benepisyo. Nabuo ang kasunduang ito sa huling araw ng
state visit ni Pangulong Arroyo sa US noong Nobyembre 2001.
Ang GSP na isang iskema kung saan ang US ay nagbibigay ng preferential
treatment sa humigit-kumulang 4,100 produkto mula sa 139 benepisyaryong
bansa sa porma ng mga duty free access na isang pangunahing salik
sa economic engagements ng ating bansa sa US.
Ayon pa kay Roxas, ang Pilipinas ang 6th major beneficiary country
ng iskemang ito noong 2001, kung saan may kabuuang $676 milyon sa
GSP imports ang bansa. Ang iskemang ito ay nakapagdagdag sa ekonomiya
ng Pilipinas sa pamamagitan ng pag-akit nito sa foreign investors
at pagbibigay ng de-kalidad na employment opportunities at sa pagtaas
ng foreign exchange generation.
Bago pa man ang pagbisita, muling nagpetisyon ang Pilipinas para
sa GSP kasabay ng US-RP Trade and Investment Council meeting na ginanap
ngayong Mayo.
"Ang isang balanseng aksiyon sa isinusulong na ito ng bansa ay mutually
beneficial para sa US at sa Pilipinas," ayon kay Roxas. "Sa parte
ng US, ang GSP duty free benefits na maaaring mag-translate sa mga
lower costs para sa Camelbak products. Ang Pilipinas ay gayundin,
sa pagkakamit ng mga benepisyo sa porma ng foreign exchange earnings
at generation of employment."
|
| Mayl
08, 2003 |
|
***Programang
Sulong ng DTI, nagpapautang ng P126M ***
Hinihikayat ng Department of Trade and Industry (DTI)-Cebu Provincial
Office (CPO) ang lahat ng small and medium enterprises (SMEs) sa Cebu
na samantalahin ang ipinagkakaloob ng pamahalaan na "SME Unified Lending
Opportunities for National Growth" o Sulong.
Ang Sulong ay isang unified lending program para sa mga SME na binalangkas
upang suportahan ang National SME Development Plan ng Arroyo administration.
Ayon kay DTI-CPO provincial director Nelia Navarro, P126 milyon sa
ilalim ng Sulong Program ang napunta sa Cebu-based SMEs hanggang noong
Abril ng taong kasalukuyan.
Nakapagpalabas na ang Sulong ng P2 bilyon para sa may 4,000 SME-beneficiaries
sa buong bansa hanggang noong Marso. Isa sa mga layunin ng programa
ay bumuo ng mas malawak, at walang hangganan na financing system na
magbibigay ng pagkakataon sa mas maraming SMEs na maka-avail ng short-term
at long-term funds.
Ang programa na nagsimula noong Enero ng taong kasalukuyan ay naglalayong
ipamahagi sa mga deserving na SMEs ang P10-bilyon pondo na naipon
mula sa iba't ibang government financial institutions na kinabibilangan
ng Development Bank of the Philippines, Land Bank of the Philippines,
Small Business Guarantee and Finance Corp., Philippine Export-Import
Credit Agency, National Livelihood Support Fund at Quedan and Rural
Credit Guarantee Corp.
Ayon pa kay Navarro, karamihan ng mga benepesyaryo ng P126 milyon
ay nasa furniture manufacturing, food processing at home furnishing.
Sa ginanap na 6th National Conference of the Liga ng mga Barangay
sa Pilipinas sa Waterfront Cebu City Hotel noong nakaraang linggo,
iprinisinta ni DTI Assistant Secretary Armin Raquel-Santos ang Sulong
program sa mga barangay captain nang sa gayon ay maiparating nila
sa mga SME sa kani-kanilang lokalidad ang ukol dito.
Binigyang-diin ni Raquel-Santos na lahat ng negosyo sa lahat ng industriya,
maliban 'yung may kaugnayan sa pangangalakal ng imported na paninda,
alak, sigarilyo at extractive industries, ang kuwalipikadong mangutang
sa ilalim ng programa. Para sa short-term loans, maaari itong magamit
para sa export financing o isang credit line para sa pansamantalang
kapital. Maaaring pondohan ng programa ang hanggang 70 porsyento ng
halaga ng letters of credit o ng working capital na kinakailangan
ng hanggang P5 milyon. Para naman sa long-term loans, maaaring mag-aplay
ang SME ng utang para sa permanent working capital, o upang ipambili
ng mga kagamitan o ng lote o kaya ay gamitin sa pagpapatayo ng gusali
o warehouse.
|
| April
25, 2003 |
|
***Trabaho
para sa mga bagong graduates ***
Davao City - Mahigit 2,000 trabaho ang nakaantabay sa mga recruitment
agency at pitong lokal na kompanya dito sa gaganaping jobs fair sa
SM City Megamall sa Mayo 1, kaugnay ng paggunita ng Labor Day. Inihayag
ni Pangulong Arroyo kamakailan na inatasan niya si Department of Labor
and Employment (DoLE) regional director Lourdes Transmonte na gayahin
ang matagumpay na jobs fair na ginanap sa SM Megamall sa Mandaluyong.
"You should attend the jobs fair in SM in Davao City on May 1," anang
Pangulo sa mga nagsitapos sa University of Mindanao sa kanyang talumpati
sa pagtatapos, kung saan siya panauhing pandangal. Aniya, ang jobs
fair ay dapat magtagal hanggang Hunyo 10, upang magkaroon ng panahon
ang graduates na mag-apply at mag-ayos ng mga kakailanganin nilang
papeles.
"If you can't find jobs on May 1, you have until June 10 since we're
still continuing with our jobs fair in SM," ani Arroyo. Sa pinakahuling
estadistika ng DoLE, napag-alaman na tinatayang 3.6 milyon katao sa
bansa ang walang trabaho. "There are also 365,000 new graduates this
year," dagdag pa niya na kuwalipikado sa workforce. Ibinunyag pa ng
Pangulo na mayroong 100,000 bakanteng posisyon sa DoLE ang naghihintay
na mapunan.
Bahagi ang mga bakanteng posisyon ng Summer Jobs Program ng Pangulo
na available sa pamamagitan ng Kabuhayan 2003 Action Center ng DoLE.
Nauna nang sinabi ni Labor and Employment Secretary Patricia Sto.
Tomas na ang Kabuhayan jobs fair sa SM, na nagbukas noong Abril 5
at magtatagal hanggang Hunyo 10 sa SM in Mandaluyong ay bahagi ng
Kabuhayan, Kabahayan at Kahusayan sa Pamamahala Program (KKK) ng Malakanyang.
Ani Sto. Tomas ang available slots para sa programa sa buong bansa
ay kinabibilangan ng 60,000 youth work sa pagpapaganda at pagpapalinis
ng komunidad; 10,000 office work, sales, hotel and restaurant services;
50,000 factory work sa economic zones and technology parks;
50,000 jobs sa construction at infrastructure projects; at 5,000
livelihood opportunities sa tourism-related, cottage at micro-enterprises.
Sinabi pa ng opisyal na mayroong mahigit 3,000 training slots available
sa jewelry-making, garments at textile manufacturing.
|
| April
14, 2003 |
|
***
PARA SA EXPORTERS SA EU Phytosanitary certificate,
kinakailangan ***
Pinapayuhan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga exporter
ng cutflowers, prutas at gulay na kumuha ng phytosanitary certificate
sa Bureau of Plant Industry (DA-BPI) ng Department of Agriculture
bago ipadala ang kanilang mga produkto sa bansang Europeo. Ani Trade
and Industry Secretary Manuel A. Roxas II, naglabas kamakailan ang
European Union (EU) ng bagong regulasyon na ang mga produktong papayagan
lamang makapasok sa rehiyon ay yaong may phytosanitary certificate
mula sa mga kinauukulang ahensiya ng bansang nag-eeksport.
Ang bagong alituntunin, na naging epektibo nitong Abril 1, 2003,
ay naglalayong tiyakin na ang mga iniimport na produkto ay walang
mga organismong kinilala ng EU na mapanganib.
Ang mga mapanganib na quarantine (Q) organisms ay kinabibilangan
ng liriomyza and spodiptera, arebemisia tabasi, thrips palmi, heliothis
zea, gayundin ng fungi, viruses at bacteria.
"EU decided to issue stricter measures in spite of the existing preventive
regulations because many Q-organisms can still be detected on cutflowers
and vegetables coming from other countries," pahayag pa ni Roxas.
Inilahad din ni Roxas ang ulat ni Cora Canlas, DTI trade assistant
sa Philippine Trade and Investment Center sa Netherlands.
"As an added measure, the products will systematically be inspected
upon arrival in EU even if these were already covered by phytosanitary
certificates," saad ng ulat.
"The rising global concern for consumer health and environmental
safety has prompted legislation and strict enforcement by foreign
countries like the EU of certain standards on labeling, markings and
certification," ayon kay Roxas
|
| April
04, 2003 |
|
***
Dalagang ina, may maternity leave--CSCo ***
May asawa man o wala, ang mga empleyado ng pamahalaan na buntis ay
may karapatan sa benepisyong maternity leave. Binigyang diin ng Civil
Service Commission (CSC) ang mga bagong panuntunan sa maternity leave,
na karapatan ng bawat babaeng nasa serbisyo kahit anuman ang marital
at employment status nito.
Sa inilabas na CSC Memorandum Circular No. 22 noong nakaraang taon,
isinasaad ang: "every woman in the government service who has rendered
an aggregate of two or more years of service shall, in addition to
the vacation and sick leave granted to her, be entitled to maternity
leave of 60 calendar days with full pay." Dati ang mga empleyado ng
pamahalaan na kasal lamang ang puwedeng makakuha ng benepisyong nabanggit.
Ang paglilinaw sa nabanggit na atas ay tugon sa mga katanungan ng
kababaihang nasa sitwasyon, lalo na yaong mga hindi kasal o dalaga
na ang maternity leave ay tinatanggihan ng ilang ahensiya ng gobyerno.
Ayon kay CSC Chair Karina Constantino-David, "maternity leave shall
be granted to female employees in every instance of pregnancy irrespective
of its frequency."
Sinabi pa ng CSC chief na maging yaong mga babaeng may empleyado
ng pamahalaan na may nakabinbing kasong administratibo ay may karapatan
sa benepisyong ito. Gayundin sa mga kontraktuwal na empleyado. Ang
maternity leave naman ng mga empleyadong higit na ng isang taon sa
serbisyo ngunit mas mababa sa dalawang taon ay kukuwentahin depende
sa panahon ng kanyang inilaang serbisyo. Yaong mas mababa sa isang
taon nagtrabaho ay may karapatan para sa 60 araw na leave at isang
buwang bayad. Idinagdag pa ni David na "enjoyment of maternity leave
cannot be deferred. Women employees should benefit from it within
the actual period of delivery in a continuous and uninterrupted manner
not exceeding 60 calendar days."
|
| March
25, 2003 |
|
***
Bagong 'trade centers,' itatayo ***
Hindi na kailangan pang makipagsiksikan o makipag-unahan sa Divisoria
o Balintawak ng sinumang retail o wholesale buyers ng mga gulay sa
Metro Manila para sa mababang presyo. Ito ani Agriculture Sec. Luis
Lorenzo Jr. ay dahil sa maglalagay na ang mga magsasaka mula sa Benguet
ng limang iba pang trade centers na maglalaan ng dekalidad na mga
gulay na may mu-rang presyo katulad ng Divi-soria at Balintawak para
sa publiko.
Ang limang alternatibong "Bagsakan" na sasakop sa bahagi ng Quezon
City Memorial Circle, SIDCOR weekend market sa Cubao, Manila Seedling
Bank sa kahabaan ng Edsa cor. Quezon Ave., Quezon City at QC Hall
at sa Fish port sa Navotas na pinangangasiwaan ng Philippine Fis-heries
Development Authority.
Ani Lorenzo, ang ideyang pagtatatag ng alternatibong trade centers
bukod sa Divisoria ay upang makatipid sa distribution cost na isinasangkalan
ng mga mangangalakal na nagkakamal ng tubo sa pagpapataas ng presyo
habang ang mga magsasaka ay patuloy na nagdarahop.
Idinagdag pa ng kalihim na ang mga pamamaraang ito ang nagsilang
ng kartel sa mga mangangalakal sa Benguet at Divisoria na naging maimpluwensiya
hanggang sa puntong nagdidikta na ng presyo.
"In the interest of farmers and the consuming public, we are determined
to limit the layers of unscrupulous middlemen who are so well-entrenched
in the vegetable trade and for years, had been dictating prices to
suit their own selfish interests," ani Lorenzo.
Base sa ulat sa kanya ni Agri-business at marketing assistance service
director Salvador Sala-cup, sinabi ng kalihim na isang five man vegetable
team mula sa Cordillera sa pangunguna ni Benguet provincial board
member Johnnny Uy at La Trinidad councilor John Kim ang nag-inspeksyon
kamakailan sa Quezon Memorial Circle at iba pang ipinapanukalang lugar
para sa pasili-dad na gagamitin ng trade center.
Mula sa pagtataya ng pangkat, napagdesisyunang ikonsidera ang circle
na pinakamabuting "bagsakan" na abot ng pampublikong sasakyan.
Ipinaalam din ng grupo sa DA officials na kikilalanin na nito ang
mga pangkat ng magsasaka sa Benguet na magsusuplay sa trade centers.
Ayon pa kay Lorenzo si Salacup at Bureau of Post-Harvest Research
and Extension Director Ricaro Cachuela, ay nag-alok na ng reefer truck
para sa Benguet farmers na magdadala ng kanilang paninda sa Metro
Manila.
"The offer presents an opportunity for farmers to save on high freight
cost, which in turn should translate into lower cost of vegetables
both at the wholesale and retail level," saad pa ni Lorenzo.
|
| March
13, 2003 |
|
***
Unaccredited private pre-schools, bawal na ***
Ang pagdami ng unaccredited private pre-schools at day care centers
sa bansa ay di nakabubuti para sa paggugol ng estudyante ng matagal
sa pag-aaral at dagdag na gastos ng mga magulang. Kamakailan ay nadiskubre
na maraming unaccredited private school sa Taguig at iba pang lugar
ang nago-operate. Ipinasara ang isang pribadong paaralan sa Taguig
sa utos ni Mayor Sigfrido Tinga. Pinayuhan ni Mrs. Lou Limena, opisyal
ng DepEd's Bureau of Elementary Education Curriculum Development Division
(BEE-CDD) ang mga magulang ng apektadong mag-aaral na walang dapat
ipangamba dahil ang kanilang anak ay maaaring makapag-enrol kahit
walang completion ng pre-school education sa pampublikong paaralan.
Iginiit ng nag-aalalang magulang na ang dahilan kung bakit kailangan
nilang makapasok sa pre-school ang kanilang mga anak ay upang makakuha
ng karagdagang kalidad ng edukasyon sa kanilang paghahanda sa paaralan.
"It is the right of every school age students starting from six years
old to enter on the elementary level," pahayag naman ng opisyal.
Ayon kay Limena, nakasaad sa konstitusyon na ipinagbabawal sa mga
guro sa elementarya ng pampublikong paaralan ang di-pagtanggap ng
anim na taong mag-aaral. Tunay na lubos ang kalugudan ng mga guro
kung ang mga mag-aaral ay nakapagtapos ng nursery, kindergarten o
prep upang madaling matuto sa aralin. "But this does not mean that
they enroll in the private pre-school institutions," pahayag ni Limena.
Wala raw ipinagkaiba kung pumasok sa day care centers at private pre-school
ang estudyante, dahil ang importante ay ang makapag-aral ang mga bata.
Idiniin pa ng opisyal na binigyang pagkakataon ng Department of Social
Welfare and Development ang public pre-school na magbukas ngunit sa
kaso ng private pre-school, ang accreditation ay kailangan munang
aprubahan ng DepEd.
"The pre-school operators or owners, whether learning centers or
day care centers, should be properly stated in the signs posted in
the front of the schools for the parents to immediately determine
the status of the said institution," dagdag pa ni Limena.
Sa kaso ng pribadong paaralan, ang may-ari ng paaralan ay kailangang
magpalit ng permit kada taon upang makapangasiwa. Subalit maaaring
mamahala ang paaaralan kung may permanenteng permiso ito.
"After the fifth year, school owners could then work for the recognition
from the department," ayon kay Limena.
"By that time, the schools should have improved their curriculum,
facilities and their teachers' welfare," dagdag pa niya.
|
| March
01, 2003 |
|
***
Libreng kurso sa pagkumpuni ng computer, sinimulan sa Taguig ***
Sa layuning makaagapay ang mga taga-Taguig sa mabilis na pag-imbulog
ng information technology, inilunsad ni Mayor Freddie Tinga ang isang
basic computer maintenance skills program upang libreng makapagturo
ng kaalaman sa pagkukumpuni ng computer, partikular sa out-of-school
youths. Sa pagtataguyod ng Information Technology (IT) Department
ng pamahalaang bayan, makapagbibigay na ng kasanayan hinggil sa fundamental
PC operation, assembly at disassembly ng computer, at pagkilala sa
mga bahagi ng hardware sa pagmamantine ang mga estudyante. Nais din
ng pamahalaang lokal na maihanda ang mga sasali sa programa na nagpaplanong
kumuha ng kurso sa computer troubleshooting at repair sa hinaharap.
Ang mga nagpatalang estudyante ay isasailalim sa 16 na oras ng pagsasanay
na hahatiin sa dalawang sesyon. Ang klase ay gaganapin tuwing Sabado
at Linggo, simula alas-9 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon. Bahagi
rin ng proyektong ito ang isang basic secretarial skills program.
Ayon sa IT Department, kuwalipikadong makasasali sa naturang skills
program ang mga residente ng Taguig na high school graduate at marunong
gumamit ng computer. Bukas ang programa sa mga may edad 18 taong gulang
pataas. Kapag nakakumpleto ng module, matututo ang mga estudyanteng
ilarawan ang components ng computer system, kilalanin ang hardware
parts at mga gamit nito, magkabit ng PC hardware parts at software
configurations, bumuo at magbaklas ng computer at mantenihin ito.
Nagkaroon ng pagpapatala sa Usuan Elementary School noong Pebrero
1 sa tulong ng barangay sa ilalim ni Kapitan Sonny Marcelino.
Ipatutupad ng IT Department ang libreng basic computer maintenance
skills program at basic computer secretarial skills program para sa
45 batches ng mga nais magsanay simula Pebrero 8 hanggang Disyembre
28 batay sa kaukulang iskedyul ng itinakda sa mga computer laboratory
na binuo ng pamahalaang lokal sa Usuan Elementary, Signal Village,
Hagonoy, Silangan, Tipas, Tenement at Taguig Elementary School. Maaaring
makipag-ugnayan sa IT department ng pamahalang bayan upang makibahagi
sa makabuluhang proyektong ito upang maisulong ang programang "Kabataan
may Dunong sa Teknolohiya" ng kasalukuyang administrasyon
|
| February
14, 2003 |
|
***
FAMILY CIRCLE PROGRAM, SISIMULAN ***
Ilulunsad ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa susunod
na taon ang "family circle" program na naglalayong pahusayin ang monitoring
ng overseas Filipino workers (OFWs), lalo na ang mga lantad sa human
immunodeficiency virus o acquired immunodeficiency syndrome (HIV/
AIDS). Sinabi ni Labor Secretary Patricia Sto. Tomas na ang programa
ay tutuon sa re-integrasyon at pagtulong sa mga pamilya ng mga OFW
na makaagapay sa pagkawala ng kanilang kapamilya. Ang mga social welfare
officer ang magsasaayos para sa family groups.
Samantala, ang mga pamilya ng OFWs, ay aatasang magbigay ng impormasyon
kaugnay sa kalagayan ng kanilang mga kasambahay na nagtatrabaho sa
ibayong-dagat, upang mapahusay ng pamahalaan ang reaksiyon nito kung
sakaling nagkakaroon man ng krisis. Ang community-based re-integration
program ay isang added curriculum sa standard pre-departure orientation
para sa migrant workers. Ayon pa kay Sto. Tomas, wala ring halaga
kung magsisihan kaugnay sa pagkakahawa ng sakit na HIV/AIDS ng mga
manggagawa.
"It's a human nature problem. I don't think there's a 100 percent
surefire way, short of putting a chastity belt on all of them," aniya.
Pero ikinokonsiderang edukasyon pa rin ang nananatiling pangunahing
panlaban sa panganib na dulot ng unprotected sex ng mga OFW.
"We can give them condoms and hope that having condoms, they would
now be able to better take care of themselves. Also, some measures
of social discipline hopefully through pressure from their peers and
their own families as well," pahayag ni Sto. Tomas.
At sinabi pang hindi rin garantiya ang paggamit ng condom bilang
mabisang proteksiyon laban sa sakit na HIV/AIDS.
|
| February
03, 2003 |
|
***
Maynila, magtatayo ng OFW welfare office ***
Magkakaroon ng isang overseas welfare office sa lungsod ng Maynila
na tutulong sa pamilya ng mga overseas Filipino workers na makakuha
ng tulong pinansiyal at legal. Ito ang layunin ng ordinansang inihain
sa konseho ng lungsod ng Maynila ni Konsehal Don Ramon Bagatsing kamakailan.
Anang konsehal, ang welfare office ay para sa mga OFW na permanenteng
residente ng Maynila kasama ang kanilang pamilya at mga benepisyaryo.
Ang ganitong suporta ng pamahalaang lungsod ay bilang pagkilala sa
mahalagang papel na ginagampanan ng mga OFW para maiangat ang ekonomiya
ng bansa.
Ang ordinansa, kapag naaprubahan, ay bubuo rin sa Manila Overseas
Welfare Commission na namamahala sa suportang pinansiyal at legal
sa mga OFW at kanilang pamilya rito sa bansa. Ang nasabing komisyon
ay bubuuin ng isang chairman at anim na miyembro na itatalaga ng alkalde
ng lungsod mula sa listahan ng mga nominado na isusumite ng konseho.
Ang komisyon din ang makikipag-ugnayan sa mga paaralan at iba pang
ahensiya sa lungsod upang bigyang prayoridad ang mga benepisyaryo
ng mga OFW sa panahon ng enrollment at kung maaari, mapababa ang kanilang
matrikula.
Isang milyon piso ang ilalaan taun-taon upang magamit ng namomroblemang
OFWs. Tutulungan din sa pamamagitan ng nasabing pondo ang pamilya
ng OFW na namatay sa pagtatrabaho o kaya naman ay naaksidente. Gayundin,
sasagutin ng pondo ang medical at dental expenses ng kanilang mga
benepisyaryo. Halaga namang hindi lalagpas sa P20,000 ang ilalaan
para sa burial expenses ng namatay na OFW. "It's about time that the
city government recognize the hard work of OFWs who contribute billions
of pesos to our economy through compensation even on their simple
necessities," ani Bagatsing.
|
| January
21, 2003 |
|
***
Passport size photos na sa CSC exams ***
Passport size photos na ang kailangang isumite ng sinumang kukuha
ng anumang pagsusulit na pinamamahalaan ng Civil Service Commission.
Kasabay nito, muling iginiit ng CSC na maaari nang umeksamin para
sa Career Service Professional at Subprofessional level ang mga indibibwal
na may 18 taong gulang pataas anuman ang natapos nito sa pag-aaral.
Ayon kay CSC chairperson Karin Constantino David, ang lahat ng larawan
na isusumite, colored o black and white, ay dapat na magkakatulad
at may kasamang name tag. Ang pagpapakuha sa larawang isinumite ay
dapat ginawa sa loob ng nagdaang anim na buwan bago ang paghahain
ng aplikasyon para makakuha ng pagsusulit. Mahigpit na ipinagbabawal
ang pagsusumite ng mga scanned o computer generated, cutout, at xeroxed
photos.
Sa pagkuha ng Career Service Professional at Subprofessional examinations,
kinakailangang magsumite ang isang aplikante ng apat na larawan. Para
sa taong ito, magbibigay ang CSC ng limang uri ng pagsusulit. Ang
mga ito ay ang: Local Scholarship Program Bachelor's Degree Completion
(LSP-BDC) na gaganapin sa Pebrero 16; Career Service Professional
at Subprofessional examinations (paper and pencil test) sa Abril 13,
Hulyo 20 at Oktubre. 12; Foreign Service Officer (FSO) sa Mayo 18;
Local Scholarship Program Master's Degree Course (LSP-MDC) sa Hunyo
8; at ang Career Service Executive Examination (CSEE) sa Hunyo 8 at
Nobyembre 16.
Araw-araw namang ibinibigay ang Career service examinations sa pamamagitan
ng computer assisted test (CSE-CAT) sa lahat ng CSC regional offices
kabilang ang central office sa Batasan Hills, Quezon City.
|
| January
05, 2003 |
|
***
3 PINOY KIDS NALO SA WORLD PAINTING CONTEST ***
Tatlong Filipino pupil ang nagwagi sa isang world painting competition
sa Athens, Greece at tumanggap ng mga medalya ng karangalan. Ayon
sa Department of Foreign Affairs (DFA), sina Jhoanna M. Villanueva,
grade 2 pupil; Norman Roberto Gellegani, grade 4 pupil; pawang sa
Fernando C. Amorsolo Elementary School sa Sta. Ana, Manila at Anthea
Carmeli I. Pena, grade 2 pupil ng Divine Light Academy sa Bacoor,
Cavite ang mapalad na nakapag-uwi ng medalya sa naganap na 10th International
Exhibition of Children's Painting sa Athens.
Ang nasabing kompetisyon na may temang "The Olympic Games 2004 for
the Culture and Peace of Children All Over The World" ay sinimulang
isagawa noong Oktubre at nitong Disyembre ay tinanggap ang nasabing
mga medalya mula sa mga opisyal ng Embahada ng Pilipinas sa Athens.
Nabatid na may 27 bansa ang nagpartisipa sa naturang patimpalak at
ang tatlong batang estudyante ang napili sa mga pinakamagaling na
nagpinta ng "imaginative paintings" na may kaugnayan sa katahimikan
ng mundo mula sa mga inukit na peace symbols at human interaction.
Ang lahat ng mga entries ay na-exhibit sa lobby ng National Research
Institute sa Athens at inilipat pa sa mga pangunahing lungsod at rehiyon
sa Greece. Ang orihinal na paintings ng mga batang Pilipinong nagwagi
ay ibinalik sa mga batang mag-aaral at inilagay sa kani-kanilang paaralan
para sa exhibit.
|
| |