このページは主としてフィリピンの方に提供しているため、
現在のところタガログ語(フィリピノ語)で掲載させていただきます。(毎週更新を目標)

It lets us insert it in Tagalog because this page is provided for the Filipino.
(Renewal, every week.)
News (Police news)
 Dec 23, 2002

*** Enrichment program para sa mabagal matuto, inilunsad ***

Dekalidad na edukasyon ang adhikain ng Rafael Palma Elementary School sa San Andres, Maynila nang ilunsad nito ang enrichment program para sa mga slow learner sa taong ito. Dalawampu't anim na mag-aaral ang sumailalim sa tutorial class tuwing Sabado simula alas-8 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali. Sa ilalim ng programa, ang mga estudyante na mahina sa mga kritikal na asignatura gaya ng reading at Math ay kinakailangang sumali sa tutorial session.

Ayon kay Dr. Perla Leyva, prinsipal ng paaralan, ang klase ay dinadaluhan ng mga mag-aaral mula Grades I hanggang VI, na may mga problema sa kanilang academic performance. "Nais naming tulungan ang aming mga estudyante na mapagyaman ang kanilang akademikong pagganap, kaya ang programang ito ay naglalayong tulungan sila na makahabol sa mga naturang kahirapan at maging pantay sa kanilang mga kaklase na mabibilis matuto," ani Leyva.

Ang enrichment session, na binuo bilang multi-grade class, ay hinahawakan ni Mrs. Viring Campo, ang multi-awarded preschool teacher ng Rafael Palma Elementary School. Ang mga prayoridad na asignatura, ayon kay Campo, ay Math at English/reading dahil sa layunin na iangat ang kanilang achievement level. Ang programa ay suportado ng Haligi ng Bata, isang non-government organization, na nagkakaloob ng mga school supply sa mga estudyante na kasama sa programa. Samantala, pinuri ni Supt. Maria Luisa Quinones ang mga mag-aaral sa dalawang pampublikong paaralang elementarya sa Dibisyon ng Maynila sa pagkapanalo sa international art contest.

Sila Jasmine Gayle Punzalan ng Beata Elementary School at Norman Robert Gellegani ng Amorsolo Elementary School ay parehong humanay nang pangatlo sa 2002 International Year of Volunteers: Love Without Borders Art Design Competition na inisponsoran ng Poleungkuk Kenneth ng Education Affairs Department sa Hong Kong. Nagpahayag ng kaluguran sila Mrs. Nancy Sta. Ana at Mrs. Rosalinda Taunan, mga prinsipal, sa pagsasabing ang pagkapanalo ay kapansin-pansing achievement ng mga pampublikong paaralan. Ang mga estudyante, kasama ang kanilang mga magulang, ay nagtungo sa Hong Kong para dumalo sa presentasyon ng premyo, na ginanap sa Exhibition Gallery, Kwai Tsing Theatre. Tumanggap din ang mga nagwagi ng mga sertipiko ng pagkilala at ang kanilang mga lahok ay ineksibit sa mga eskuwelahan sa Hong Kong.

 Dec 10, 2002

*** Meat regulatory services, aayusin ***

Upang mapabuti ang meat regulatory services at mamodernisa ang meat inspection system sa bansa, naglaan ang Department of Agriculture ng P99.47 milyon mula sa 2003 budget ng nasabing kagawaran. "We are taking this move to help ensure that livestock and poultry meat, whether sourced locally or shipped from abroad, comply with certain standards and are fit for human consumption," ayon sa pahayag ng papalitang kalihim ng Agrikultura na si Secretary Leonardo Montemayor.

Ang hakbang na ito ay halos kasabay ng paglalabasan ng food safety concerns ukol sa meat supply sa bansa bunga ng mga ulat ng pagkakaroon ng sakit ng mga hayop gaya ng anthrax ng Australian cattle, foot-and-mouth disease ng mga baboy sa Pilipinas at bird flu sa American chicken. Ang nasabing halaga, na pamamahalaan ng National Meat Inspection Commission (NMIC) sa ilalim ni Director Efren Nuestro, ay gagamitin ng ahensiya sa meat inspection services nito pati na sa akreditasyon upang mapabuti ang kaalaman ng NMIC sa pagbibigay ng meat hygiene services.

"In effect, we're improving our meat regulatory services to properly address food safety scares and raise safety standards so as to gain wider access for our meat poultry products in the local and international markets," ani Montemayor.

Gagamitin umano ng NMIC ang P16.9 milyon para sa meat-borne disease program na naglalayong inspeksiyonin ang mga slaughterhouse, abattoirs, poultry processing plants at iba pang pasilidad upang malaman agad ang posibleng pagkakaroon ng outbreak ng anumang sakit ng hayop sa mga establisimyentong nabanggit. Ang P14.9 milyon ay gagamitin naman ng ahensiya sa pathogen reduction program, kabilang ang operasyon ng mga laboratoryo nito upang malaman ang presensiya ng anumang bacteria, contaminants, chemical at hormonal residues sa local at imported na karne.

"Under this program, we intend to intensify our satellite lab operations in San Fernando (Pampanga), Cagayan de Oro, Cebu, Davao and Lipa City, as well as the central laboratory in Quezon City, by strengthening our mandatory sampling of local and imported meat for pathogen testing," paliwanag pa ng pinalitang kalihim ni Luis Lorenzo, Jr., presidential adviser on creating one million jobs. Sinabi pa ni Montemayor na gumastos ang NMIC ng P11.9 milyon upang ipatupad ang tinatawag na Hazard Analysis and Critical Control Point (HACCP) program, isang paraan na dinibelop sa United States upang bawasan ang disease-carrying organisms sa lahat ng aspeto ng food production at food processing. Umaabot naman sa P4.9 milyon ang inilaan para sa isang task-force na susuporta sa anti-smuggling ng kontaminadong karne, at P6.4 milyon naman ay para sa pagbuo at pagpapanatili ang mga task force at checkpoints para sa mabilisang pagresponde sa emergency cases.

 Nov 25, 2002

*** Teak Trees Dapat Pahalagahan ***

Hinihikayat ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Region XI ang mga magsasaka na magtanim ng teak trees dahil naipagbibili ito sa mataas na halaga sa ibang bansa. Sinabi ni Carlos Gubat, DENR XI assistant regional director of operations, na ang isang bentahe ng teak tree ay ang kakayahan nitong mabuhay kahit sobrang init kaya't hindi ito apektado ng El Nino phenomenon. Aniya pa, kayang mabuhay ng teak trees kahit magkaroon pa ng sunog sa mga kagubatan di tulad ng ibang punongkahoy. "This tree even wants to be burned three times a year since its inner core will not get burned."

Idinagdag pa ni Gubat na hindi naipababatid sa mga magsasaka ang advantages ng teak tree sa mga hardwood gaya ng narra at mahogany. "In Thailand, narra is just ordinary, teak wood is their premier choice." Ang teak tree ay makikita sa India, Thailand, Malaysia, Myanmar at sa Pilipinas. Ito ay inilalarawan bilang "fast growing tree" na maaaring lumaki ng hanggang 50 feet sa loob lamang ng tatlong taon. Ang isang fully grown teak tree ay maaaring tumaas ng hanggang 150 feet. Ginagamit din ito bilang pampigil sa pagguho ng lupa "in inclined areas because its trees buttresses roots that can grow to a length of 20 feet." Mas gusto rin umanong gamitin ng mga furniture maker sa buong mundo ang teak wood dahil sa "tolerance" nito sa mga insekto at tumatagal ng mahabang panahon.

Ginagamit din ito sa paggawa ng mga barko dahil sa "unusual tolerance" nito sa "extreme wet and dry conditions." Ngunit sinabi ni Gubat na maghihintay ng 10 hanggang 15 taon ang mga magsasaka bago mapakinabangan ang nasabing mga punongkahoy. "We have available seed-lings at the U.P. Los Banos and our central office in Quezon City," anito pa.

 Nov 12, 2002

*** MURANG GAMOT PARA SA MAHIHIRAP ***

Umaabot sa 38 imported at de-kalidad na gamot na ibinebenta ng mas mura ng 23 hanggang 85 porsyento sa iba't ibang ospital sa Metro Manila bilang bahagi ng programa ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na murang gamot para sa mahihirap o GMA50.

Kabilang sa mga ospital na nagbebenta ng mga murang gamot ay ang Jose Reyes Memorial Medical Center, Fabella Memorial Hospital, San Lazaro Hospital, at Tondo Medical Center sa Maynila; Quirino Memorial Medical Center, Lung Center, National Kidney and Transplant Institute, Philippine Children's Medical Center, East Avenue Medical Center, Philippine Orthopedic Hospital at National Children's Hospital sa Quezon City; Valenzuela General Hospital, Amang Rodriguez Medical Center sa Marikina, Dr. Jose Rodriguez Merorial Hospital sa Caloocan City, Las Pinas District Hospital, National Center for Mental Health sa Mandaluyong, Research Institute for Tropical Medicine sa Alabang, Muntinlupa, Rizal Medical Center sa Pasig City, San Lorenzo Ruiz Women's Hospital sa Santolan, Malabon at Taguig-Pateros District Hospital sa Taguig.

Nabatid na inatasan na ni Pangulong Arroyo ang Philippine Charity Sweepstakes Office na maglaan ng P100 milyon para sa pagbili ng murang gamot para sa mahihirap.

Sa Disyembre ay madaragdagan pa ng apat ang mga murang gamot na ibibenta sa ilalim ng GMA 50 program.

 Oct 23, 2002

*** LOCALIZE ID SYSTEM, PABOR SA IBA ***

Naniniwala ang Department of Interior and Local Government (DILG) na ang pagpapatupad ng localize identification card system ay isa sa mga solusyon sa paglaban sa krimen gayundin sa terorismo. Ayon kay DILG Sec. Joey Lina, sa pamamagitan ng ID system magkakaroon ang local government ng database ng mga nasasakupan nito at madaling makikilala ang hindi residente ng lugar.

Sa kabilang dako, pabor naman ang mga alkalde sa bansa sa pagpapatupad ng national identification system at habang inaantala pa ang NIS sa Kongreso minamadali na ito sa local level. Naniniwala ang League of Municipalities of the Philippines (LMP) na ang pagpapatupad ng programa ay hindi lamang makatutulong sa pagsugpo ng kriminalidad at terorismo kundi armas din laban sa graft and corruption.

Ani Mayor Ramon Guico, ng Binalonan, Pangasinan at pangulo ng LMP, marami nang munisipalidad ang nagsimula ng proseso para sa pagpapasa ng mga lokal na ordinansa na magsisilbing basehan para sa pagpapatupad ng local ID system. Idinagdag pa ni Guico na ang local ID system ay mapakikinabangan sa pamamagitan ng paglalaan ng database para sa kuwalipikasyon at karakter ng mga lokal na residente, para sa employment opportunities at pagbibigay ng mga pangunahing serbisyo sa mahihirap na residente gayundin episyente sa pag-alam sa presensiya ng masasamang elemento sa lugar.

 Oct 11, 2002

*** ELECTRONIC-RECEIPT PARA SA OFW'S ***

Sinimulan nang ipatupad noong Lunes, Oktubre 7 ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang electronic-receipt system nito para sa mga overseas Filipino worker (OFW). Sa ilalim ng nasabing sistema, mag-iisyu ng electronic receipts o e-receipts ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa sinumang OFW na magbabayad. Sa pagpapatupad ng e-receipts system, ang POEA at OWWA DOLE ang magiging dalawa sa mga unang ahensiya ng pamahalaan na nag-isyu ng e-receipts sa hangaring mas maraming mapagsilbihan sa pamamagitan ng episyente at modernong paraan. Sinabi pa ng DOLE na ang pag-iisyu ng electronic o computerized receipts ay isa pang hakbang ng pamahalaan upang mabawasan ang abala sa mga OFW.

Ang nasabing e-receipt system ay angkop na angkop sa OFW smart card, o e-card, isang moderno at upgraded ID system na may electronic, at fraud-proof features. May 80,000 OFW na ang naisyuhan ng e-cards. Sinabi naman ni Labor and Employment Secretary Patricia A. Sto. Tomas na mapapaikli na ang oras na kakailanganin ng mga OFW sa pagpoproseso ng kanilang mga papeles sa ilalim ng unified e-receipt system.

Samantala, inihayag ni POEA Administrator Rosalinda D. Baldoz na maaari nang kuhanin ng mga OFW ang mga dokumento sa loob ng 24 oras o wala pa, kabilang ang overseas employment certificates (OECs). Ang e-receipt, na sa kalaunan ay papalit sa OEC, ay inaasahang magpapababa sa OEC processing time. Ayon naman sa POEA, ang e-receipt system na mayroong e-link na idinisenyo upang mabawasan ang nakakapagod at mahabang processing time para sa mga OFW sa pamamagitan ng electronic connectivity o linkages ay naaayon sa isinasaad ng Republic Act 8792, kilala rin bilang e-Commerce Act.

 Sept 25, 2002

*** Filipino factory workers pwede ng hindi mag-Taiwan? ***

Maaaring hindi na kailanganing magtrabaho ang mga Pilipinong factory worker sa Taiwan at ang Taiwanese industries naman ay hindi na kailangang maglagay ng malaking kapital para sa panibagong planta at iba pang capital investments. Ito ay dahil nilagdaan kamakailan ang isang memorandum of agreement sa pagitan ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) at Chinese International Economic Cooperation (CIECA) ng Taiwan para ang huli ay "systematically subcontract the manufacture of goods and the tapping of professional services in the Philippines". Ang kasunduan ay nilagdaan sa pagtatapos ng tatlong-araw na pagpupulong ng mga business leader ng Taiwan at Pilipinas sa Imperial Inter-Continental Hotel sa Taipei.

Gayunman, ang labor-only subcontracting ay ipinagbabawal sa ilalim ng Philippine Labor Code. Ang mga ito ay ang aktibo sa electronics, garments, food, machinery and transport, metal manufacturers at handicrafts industries. Ang services subcontracting firms sa Pilipinas ay iyong nasa animation, auditing, accounting, engineering, at architecture at business services. Sa pagpiprisinta ng ideya sa mga Taiwanese sa ginanap na kumperensiya, binigyang-diin ni Ortiz-Luis na ang kasunduan ay magiging advantageous sa dalawang business group. Maaaring ibigay ng Taiwan ang cutting-edge technology at ang global marketing network nito samantalang ang Philippine manufacturers at service providers "can host the production facilities, handle the management, and employ the skilled manpower and in some industries, even source the locally available raw materials or intermediate goods."

Dito ay makatitipid ang Taiwanese firms ng malaking kapital na kailangan para magtayo ng sariling manufacturing plants sa Pilipinas, makaiiwas sa usapin sa paggawa at iba pang gusot na karaniwang kinakaharap ng mga dayuhang mamumuhunan. Sa kabilang dako, ang mga manggagawang Pilipino at propesyunal ay hindi na kailangang mangibang bansa para magkatrabaho. Sinabi pa ni Ortiz-Luis na magkakaroon muna ng pilot program sa ilang piling industriya at kung magtatagumpay, saka sila magpu-full blast sa operasyon.

 Sept 09, 2002

*** P1.3-M proyekto sa kababaihang manggagawa ***

Magpapalabas ang Department of Labor and Employment (DoLE) ng P1.3 milyon para sa mga proyekto ng sektor ng kababaihan sa buong bansa sa pamamagitan ng Women Workers Employment and Entrepreneurship Development (WEED) program nito. Pinag-aaralan ng Bureau of Women and Young Workers (BYW) na nangangasiwa sa WEED ang may 37 potensyal na proyekto, na ang mga proposal ay isinumite sa ahensya ng iba't ibang organisasyon ng kababaihan sa nakaraang pitong buwan.

Sa oras na mapatunayang na kapaki-pakinabang, ang WEED-funded projects na kinapapalooban ng negosyo sa food processing, wood carving, herbal medicine, at candle making, ay magbebenipisyo sa may 917 kababaihang manggagawa sa pamamagitan ng pagsasanay na may production sessions. Iniimplementa sa bansa ng DoLE regional offices amelioration and welfare division, layon ng WEED program na iangat ang partisipasyon ng kababaihan sa socioeconomic undertakings partikular sa entrepreneurship at cooperativism. Nagkakaloob ito ng basic support systems sa mga babaing manggagawa sa pamamagitan ng technical assistance at credit facilities, na magpapalakas sa kanilang civic consciousness at sense of social responsibility. Naglulunsad ang mga regional office ng capability-building training at seminar sa lahat ng organisasyon. Gayundin, nagbibigay din ang ahensya ng networking and strategic alliances sa ilang women's groups, non-government units, at ibang government organizations.

 Aug 26, 2002

*** Special program para sa mga estudyanteng bulag ***

Sa pagdiriwang ng White Cane Safety Day ng taong ito, pinauunlad ng Department of Education (DepEd) ang mga programang espesyal na edukasyon nito para sa mga mag-aaral na bulag sa mga pampublikong eskuwelahan. Ang okasyon, na unang aktibidad ng Sight Saving Month ngayong buwan, ay naglalayong ituro ang publikong kabatiran ukol sa kapakanan ng bulag. Upang makamit ang adhikain, kasalukuyan nagsasagawa ang DepEd ng ilang mga programa at mga proyekto para sa kapakinabangan ng mga mag-aaral na bulag at may mahinang paningin.

Nagbibigay ang Bureau of Elementary Education Special Education Division (BEE-SPED) ng mga araling materyal sa pamamagitan ng pagbubuo at pagsisipi ng mga teksbuk sa Braille at malalaking letrang materyal sa paki-kipagtulungan sa Philippine Printing House for the Blind (PPHB) at Resources for the Blind (RBI). Ginawa ang produksyon ng mga materyal sa Braille sa pamamagitan ng computerization. Isinasailalim ang mga guro ng SPED sa programang pagsasanay sa panahon ng mga buwan ng summer tuwing taon para hasain ang kanilang kaalaman at mga kakayahan sa pamamahala ng silid-aralan. Pinonduhan ito ng RBI at Christoffel Blinden Mission International (CBMI).

Bilang karagdagan, isang programang pagsasanay ang itinakda para sa kapakina-bangan ng staff ng PPHB sa Neneth Code at Braille Music Notation. Layon ng proyekto na iangat ang mga kapabilidad ng pangkat ng PPHB sa pagsasalin at pagbabasang patunay sa mga teksbuk ng Mathematics at Music. Ipinakita ng mga talaan ng DepEd na mayroong 1,852 estudyanteng may kapansanan sa pandinig na naka-enrol sa mga pampubliko at pribadong paaralan. Tinatayang 367 guro ng SPED ang sinanay na huma-wak sa kanila. Ang DepEd, bilang nangungunang ahensiya sa pagdiriwang ng White Cane Safety Day sa bisa ng RA 6759 o ang "The White Cane Act," ay naghanda ng ilang mga aktibidad para sa selebrasyon. Kabilang sa mga aktibidad na lalahukan ng ibang mga ahensiya ng pamahalaan at mga di-gobyernong organisasyon ay ang paglalakad kasama ang mga bulag, job fair at mga eksibit. Dinaluhan ni Rachel Ambubuyog, tagapagtaguyod ng bulag, kasama ang mga estudyanteng may kapansanan sa paningin at mga nasa hustong edad, ang gawain na ginanap sa Quezon Memorial Circle sa Quezon City. Sa temang "Full Participation and Equality of Children with Visual Impairment in the Community," nagpalabas ng memorandum sa regional directors at schools division superintendents para suportahan ang pagdiriwang, sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga naaangkop at payak na aktibidad.

 Aug 11, 2002

*** Metro congressmen, sali rin sa Comelec modernization ***

Nakisali na rin ang mga pulitiko ng Metro Manila sa planong modernisasyon ng Commission on Elections (Comelec). Ayon kay Comelec chairman Benjamin Abalos Sr., ilang kongresista ng Metro Manila ang lumapit sa kanya at nagsabing maglalaan din sila ng pondo upang maibili ng karagdagang automated counting machine, tulad ng ginawa ng mga alkalde sa Kamaynilaan.

"In fact, they are disheartened to find out they were not included in the caucus I called for the mayors," ani Abalos. Matatandaang nangako ang mga Metro mayor na bumili ng karagdagang automated counting machines na napakahalagang bahagi ng plano ng Comelec na i-computerize ang halalan sa bansa.

Katunayan, isang alkalde ang nangakong magbibigay ng P30 milyon na maaaring ibili ng 30 counting machine. Nangangailangan ang Comelec ng halos 1,500 counting machine na gagamitin sa buong bansa na nagkakahalaga ng P2 bilyon. Inamin din ni Abalos na walang sapat na salapi ang ahensiya upang bumili ng nasabing kagamitan para sa halos 250,000 presinto sa buong Pilipinas. Sinabi pa ng Comelec chair Abalos na hindi niya tatanggihan ang anumang boluntaryong tulong na ipagkakalaoob sa kanila.

"We will schedule a caucus, this time for the congressmen in Metro Manila, later on," wika pa nito. Idinagdag pa ni Abalos na magtutungo rin siya sa malalaking lungsod sa bansa gaya ng Cebu, Davao, IloIlo at Bacolod. Ang mga counting machine na binili ng mga pulitiko ay magiging pag-aari ng Comelec subalit magagamit lamang ng lokalidad kung saan nagmula ang bumili nito. Gayunman, iginiit ni Abalos na mananatili ang integridad ng komisyon sa kabila ng tulong ng mga pulitiko.

"We will not be a sell out. The Comelec will not show favor towards these politicians. Anyway, the money they used is not theirs but the people's money," ani Abalos.

 July 27, 2002

*** PROGRAMA PARA SA MGA OUT-OF-SCHOOL ADULT ***

Mayroong magandang balita para sa mga tumigil ng pag-aaral at mga out-of-school adult (OSA) na nagnanais na ipagpatuloy ang kanilang edukasyong sekondarya. Sa pamamagitan ng Bureau of Nonformal Education, pinalalakas ng Department of Education (DepEd) ang inobatibong programa nito para sa mga adult na tumigil sa pormal na pag-aaral. Nagkaroon ng pagsasanay para sa mga tagapagpatupad at mga tagataguyod ng programang ito.

Binansagan ang programa na "Balik-Paaralan for Out-of-School Adults (BP-OSA)." Ito ay oportunidad ng mga estudyanteng tumigil ng pag-aaral dahil sa kahirapan na makapag-aral, makakuha ng diploma at mapabuti ang kanilang pamumuhay. Ang naturang programa ay tutugon sa mga edukasyong pangangailangan ng mga estudyanteng may edad na 20 taong gulang pataas, nakababasa at nakasusulat, tapos ng elementarya o dropout sa pormal na sistema ng paaralang sekondarya. Sa ilalim ng programa, mga dropout at mga tumigil ng pag-aaral ay maaari nang magpatuloy ng edukasyong hayskul sa pagpasok sa mga klase sa gabi sa mga piling pampublikong paaralang sekondarya.

Bibigyan ang mga mag-aaral ng pagkakataon na pumili ng kanilang iskedyul. Ang mga Sabado at mga Linggo ay nakatakda para sa on-the-job training sapagkat community-based din ang programa. Sa kasalukuyan, meron na namang pagsasanay ang nakaiskedyul ngayong Hulyo na magtitipon sa mga regional director, assistant regional director, school division superintendents, assistant schools division superintendent, NFE division chief, supervisor at principal para talakayin ang mga isyu hinggil sa implementasyon ng programa.

 July 17, 2002

*** GREENHOUSE PARA SA TRANSGENIC CROPS ***

Itinayo kamakailan sa Institute of Plant Breeding (IPB) sa University of the Philippines Los Banos ang isang physical containment level (BL2). Ang BL2 ay isang greenhouse na may espesyal na facility build para sa modern biotechnology studies ng iba't ibang transgenic crops. Isang grupo na kinabibilangan ng IPB staff, engineers at scientists mula sa iba't ibang ahensya ang kinonsulta sa disenyo ng BL2 greenhouse. Ang disenyo ay alinsunod sa containment guidelines na ipinanunukala ng National Committe on Biosafety of the Philippines (NCBP).

Ang istraktura ay gawa mula sa fiberglass, impact-resistant glass at aluminum. Gumamit din double-screen sidings para sa dingding at double door sa likod ng main greenhouse na palaging sarado sa lahat ng oras at gagamitin lamang kung may emergency. Ang pangunahing greenhouse ay may 72 metro kwadrado na binubuo ng head house na mayroong 2 anteroom na protektado ng pest strips at insecticide aerosol devices na pupuksa sa mga insektong makapapasok.

Ang pagpapatayo ng BL2 greenhouse ay joint project ng UPLB at ng Philippine Council for Agriculture , Forestry and Natural resources Research and Development (PCARRD) Crops Biotechnology R&D Program at co-funded naman ng PCARRD at ng International Service for the Acquisition of Agri-biotech Applications (ISAAA).

 July 03, 2002

*** ISEF's Grand Awardee sa Physics,
Sungkit ng Filipino Young Scientist ***

Nagtamo kamakailan ng malaking karangalan para sa bansa ang pinakabatang grupo ng Filipino scientists na lumahok sa Intel International Science and Engineering Fair na ginanap sa Estados Unidos.

Ang grupong nagwagi na kinabibilangan nina Richard Manapat, 16, Jeric Makalintal, 16, at Allan Estrella, 17, ay mga gradweyt ng Manila Science High School. Ang kanilang proyekto, A Novel Application of Locally Formulated Cholesteric Liquid Crystals in Dosimetry ay hinirang na First Grand Awardee in Physics Category. Ineksamin ng proyektong ito ang kagalingan ng locally formulated liquid crystal (na ginagamit din sa thermometer, cell phone at kompyuter), na hango sa Canola Oil, sa pagsukat ng radiation.

Ang radiation ay karaniwan na ngayong ginagamit bilang pinagmumulan ng enerhiya. Ang kanilang natuklasan ay tutulong sa pag-monitor ng hindi mabuting dulot ng radiation sa tao. Sa tulong ng National Institute of Physics sa UP Diliman at ng Philippine Nuclear Research Institute, natuklasan ng batang grupo ang kanilang formulated liquid crystal ay kaagad na nagre-react sa gamma radiation sa pamamagitan ng pagbabago ng kulay sa iba-ibang lebel ng radiation doses.

Samantala, nagwagi rin ang ibang kalahok mula sa Pilipinas. Si Prem Villas Fortran Moro Rasa ay nakatanggap ng Second Grand Award in Microbiology, kasama niya si Karen Christine Bragansa. Sina Dr. Josette Biyo ng Philippine Science High School ay pinarangalan ng Intel Excellence in Teaching Award. Tinalo niya ang iba pang apat na finalists mula sa China at Estados Unidos.

 June 10, 2002

*** SSS PENSION NG NAKAPAGHULOG
NANG 30 TAON PINATATAASAN ***

Iginiit kahapon ni Senador Manny Villar na itaas nang 50% ang tinatanggap na pensiyon ng mga miyembro ng Social Security System (SSS) na nakapaghulog ng may 30 taon. Sa ilalim ng Social Security Act of 1997, ang mga miyembro na nakapaghulog ng 10 taon ay mayroong minimum pension na P1,200 habang ang mga miyembro na nakapaghulog ng 20 taon pataas ay tatanggap naman ng P2,400 gayundin ang mga nakapaghulog ng 30 taon sa SSS bilang member ay kaparehas din ang tatanggapin sa nakapghulog ng 20 taon.

"Dapat ay ituwid natin ang pagkakamaling ito sa batas kaya inihain ko ang isang panukala na magtaas mula P2,400 tungo sa P3,600 o 50% increase sa kanilang monthly pension ang mga nakapaghulog ng 30 taon sa SSS bago naging pensiyonado," wika ni Villar.

 June 10, 2002

*** AGRI LAND NI DANDING, IPAMAMAHAGI ***

Kasabay ng pagdedeklara ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa pamamahagi sa mga kuwalipikadong benipisyaryong magsasaka ng 5,000 ektaryang agricultural land ni business tycoon Eduardo "Danding" Cojuangco ang pagdaraos ng ika-14 anibersaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ngayon Hunyo 10.

Sinabi ni DAR Undersecretary Virgilio de los Reyes na ang ahensiya ay nasa proseso na ng pagkilala sa mga kuwalipikadong magsasaka na benepisyaryo sa lahat ng pag-aari ni Cojuangco. Naunang hinikayat ng mga magsasakang miyembro ng Force Mapalad-Negros Occidental (TFM-Negros) si DAR Secretary Hernani Braganza na ipamahagi ang mga lupa ni Cojuangco sa mga lehetimong benipisyaryong magsasaka.

Kabilang sa di pa nareresolbang agrarian cases ay ang pag-aari ng Benedicto Gustillo at Cuenca Properties sa Negros Occidental; Hijo Plantation at Soriano Farms sa Davao del Norte at Belle Corporation lands sa Batangas. Samantala, tampok ang unang national convention na gaganapin sa Expo Filipino sa Clark, Pampanga. Inaasahan ang pagdating ni Pangulong Arroyo sa pulong na inorganisa ng DAR na dadaluhan ng mga stakeholder, magsasaka, real estate developers, non-governmental organization mula sa iba't ibang probinsiya upang makabuo ng mas mabuting pormula kung paano epektibong maiimplementa ang CARP.

 May 31, 2002

*** RP ECONOMY, UMUSAD NG 3.8% ***

Tumaas ang Gross Domestic Product (GDP) ng bansa nang 3.8 porsyento sa first quarter ng taonng ito, porsyento na nasa kalagitnaan ng government forecast range pero mababa sa market expectations na aabot sa 4.1 porsyento, ayon sa pahayag ng pamahalaan kahapon.

Dismayado ang mga ekonomista dahil ang figure ay mababa sa forecast, peo sinabi nilang ang growth target sa taong ito na 4-4.5 porsyento ay kayang abutin. Iniulat din ng pamahalaan na ang pag-usad ng ekonomiya sa fourth quarter ng 2002 ay 3.9 porsyento, na mas mataas sa naunang ulat na 3.8 porsyento. Nagkaroon din ng rebisyon sa GDP growth sa taong 2001 nang 3.2 porsyento mula sa dating inihayag na 3.4 porsyento.

Inaasahan, na uusad muli ang ekonomiya ng bansa sa susunod na quarter dahil na rin sa pagtaas ng exports at pagtaas sa investment spending. Samantala, halos walang reaksiyon ang merkado sa naturang datos.

 May 22, 2002

*** ASIAN COOPERATION SA ENERHIYA,
FINANCE, HINIHILING NI GMA ***

Nanawagan si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo mula sa Tokyo noong Martes sa mga bansa sa Asya na magtulungan sa larangan ng enerhiya at sinabing magkakaroon ng isang embryonic common regional currency sa loob ng isang dekada. Ang mga relasyong ganito ay maaaring makatulong na gawing economic powerhouse of the 21st century ang East Asia, pahayag niya sa isang conference sa Tokyo na pinangangasiwaan ng Nihon Keizan Shimbun.

"It's possible to move toward the European model. Now, whether it will be done in 10 years is another question. But I believe that in 10 years we've may be already in a regime of certain common regional currencies," sinabi niya ng tanungin siya tungkol sa paggaya ng Asia sa pagbuo ng Europe ng iisang pera.

Sinabi ni Arroyo ang tinatawag na Chiang Mai Initiative (CMI), na kung saan 13 Asyanong central bank ay gumagawa ng mga currency swap agreements, ay nagbibigay sa rehiyon ng mahalagang proteksiyon laban sa pag-ulit ng kaparehong krisis pang-financial na naghasik sa mga ekonomiya ng rehiyon noong 1997 at 1998. Minarkahan ng CMI ang unang yapak patungo sa mas malalim na kooperasyon sa financial at monetary ng East Asia, sinabi ni Arroyo na nasa apat na araw na pagbisita sa Japan.

 May 14, 2002

*** CENTENNIAL EXPO, MULING BUBUHAYIN ***

Nangako si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na muling bubuhayin ang kontrobersyal na Philippine Centennial Expo sa Clark, Pampanga, na posibleng pagdausan ng world-class na mga pagtatanghal.

Sa kanyang lingguhang panayam sa radyo, sinabi ng pangulo na ang Centennial Expo ay magandang dausan ng konsiyerto tulad ng isang binabalak para kay Ricky Martin. Sinabi ng pangulo na kailangang ayusin ito bago buksan para sa malalaking pagtatanghal partikular sa mga foreign performer. Subalit, hindi, aniya gagamitin ang pondo ng pamahalaan para sa pagpapaganda nito bagkus ang mga promoter nito ang dapat na mangasiwa sa lahat ng gagastusin para rito.

Hunyo 6, 1998 nang buksan sa publiko ang Centennial expo, 60 ektaryang theme park na may 2.8 ektaryang sinehan na kayang maka-accommodate ng 35,000 katao, sa ilalim ng administrayon ni Pangulong Fidel Ramos.

 May 07, 2002

*** PINAS, POSIBLENG SUMAKAY SA PAG-UNLAD NG TSINA ***

Maaaring sumakay ang mga negosyong Pilipino sa nagigising na Chinese economic dragon kung mabilis nitong mapapasok ang malaking domestic market nito at makahanap ng merkado sa iba pa.

Subalit dahil din dito, maraming mabibiktima sa East Asia, lalo na ang mula sa labor-intensive manufacturers. Hindi nila malalabanan ang pagdami ng murang mga produkto mula sa Tsina. Makahahanap ang maagap sa malaking Chinese market. Maganda ang prospect sa exporters ng sariwang prutas at gulay na napatunayan ng Lapanday Foods Corporation na nakabase sa Mindanao. Noong isang taon lang, nakapagbenta ang Pilipinas sa Tsina ng 268,000 metriko tonelada ng saging, na kumakatawan sa one fifth ng export na saging ng bansa.

Ang local na alahas, halimbawa, ay maaaring makapasok sa mayamang Chinese market para sa alahas kung san 3.8 milyong ikinakasal sa bawat taon ay gumagastos ng tig-isang $625 para sa wedding ring.

Sa kabilang banda, ang industriya ng furniture ay maaaring makakuha ng middle at high end segment ng market mula sa Shanghai sa silangan at sa Chendu sa kanluran , na may pinakamagandang disenyo ng furniture sa Asya. Maaaring punuan ng industriya ng sapatos sa Pilipinas ang middle at high end market para sa sapatos at makipagkompetensiya sa Italya.

Sariwang mangga, durian at sariwang niyog ang popular sa Tsina samantalang ang banana chips, dried mango, jams at jellies ay nagiging popular na rin sa pinakamalaking bansa sa mundo samantalang ang mga sariwang isda tulad ng live grouper atabalone ay all-time favorite.

 April 27, 2002

*** GURO MAKATATANGGAP NG BONUS ***

Masaya ang buwan ng Mayo para sa mga pampublikong guro sa elementarya at sekondarya dahil sa maagang bonus na kanilang matatanggap bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase.

Ipinalabas ni Education Secretary Raul Roco ang Department Order No. 15 sa mga regional at district offices na nag-uutos sa pagbibigay ng mga cash gifts sa mga guro at non-teaching personnel. Ito umano ay para mapaghandaan ng mga guro ang pagtutustos sa matrikula ng kanilang mga anak na nag-aaral sa darating na pasukan sa Hunyo at iba pang gastusin.

Nilinaw ni Roco na ang matatanggap na bonus ay kalahati umano ng kabuuang bonus ng lahat ng empleyado ng DepEd sa buong isang taon at hindi isang bagong bonus scheme. Wala ring iregularidad sa maagang pagpapalabas ng naturang pera dahil ito ay alinsunod sa probisyon ng Dept. of Budget and Management (DBM).

 April 19, 2002

*** PAGSASANAY SA FARMER'S GROUP, INUMPISAHAN NA ***

Sinimulan nang sanayin ng National Food Authority (NFA) ang mga organisasyong ng magsasaka kaugnay ng pag-aangkat ng bigas ngayong taon. Ang pag-import ng bigas sa taong ito ay tinatayang aabot sa 390,000 metro tonelada upang tiyakin na mayroong sapat na supply ng pangunahing pagkain sa bansa lalo na sa nalalapit na pagdating ng El Nino sa Hulyo.

Ayon kay Arza Glipo, executive director ng Integrated Rural Development Foundation (IRDF) ang pondo ay kukunin mula sa India bilang bahagi ng counter trade agreement sa pagitan ng gobyerno. Ayon sa mga ulat , pinayagan ng NFA ang mga grupo ng magsasaka at mga pribadong sector na mag-angkat ng kalahati ng kabuuang volume o kahit 195,000 metro tonelada.

Gayunman, nagdududa si Glipo sa kapasidad ng mga magsasaka na bumili ng bigas sa ibang bansa dahil wala silang sapat na pondong pantustos lalo na ngayong bumabagsak ang produksiyon ng palay. Kabilang sa mga bansa na napipisil ng NFA na pagmumulan ng bigas ay ang Vietnam at Thailand.

 April 11, 2002

*** PEKENG GAMOT, NAGKALAT SA RP ***

Binabaha ng mga pekeng gamot ang Pilipinas kung saan 20 hanggang 30 porsiyento ay ibinebenta ng walang kaukulang permiso mula sa Bureau of Foods and Drugs (BFAD). Ito ang nagging babala kahapon ng mga opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos makatanggap ng ulat ukol sa nakakaalarmang ulat na maraming pekeng gamot ang naipagbibili sa mga taong hindi alam na may negative effects pala ang mga ito sa kanilang katawan.

Dahil dito, iniutos ni NBI Director Reynaldo Wycoco ang pagtugis sa mga illegal manufacturer at distributor ng mga pekeng gamot. Anito pa, mas pinangangambahan nila ang pagkalat ng mga pekeng gamot lalo't maaaring maglagay ito sa panganib ng mga taong iinom nito. Ang distribusyon ng mga pekeng gamut , ani Wycoco, ay isa pang uri ng pamimirata na paglabag sa intellectual property rights law. Kabilang din umano sa counterfeit drugs ang mga genuinely manufactured products subalit hindi nakarehistro sa BFAD.

 April 03, 2002

*** PLANONG POWER RATE HIKE IPINASISIYASAT ***

Pinaiimbistigahan ni House Deputy Secretary Raul Gonzales ang planong pagtataas ng singil sa kuryente ng Manila Electric Company (Meralco). Sa kanilang inihaing Resolution No. 491, sinabi ni Gonzales na dapat siyasating mabuti kung makatwiran ang hakbang ng Meralco na itaas ang power consumption nito base sa nagamit na kilowatt hours.

Ayon kay Gonzales, ang Meralco bilang isang business enterprise ay hindi dapat maningil ng sobra-sobra para lamang kumita ng malaki at pagdusahin at ipataw sa publiko ang mataas na singil para pagtakpan ang pagkakautang nito sa bangko. Nabatid na binabalak ng Meralco na maningil nang hanggang 116 porsiyento o mula P.30 sentimos hanggang P3.97 per kilowatt hour.

Samantala nagpahayag din ang ilang manggagawa ng Meralco na sasama sa malalaking grupo tulad ng KMU at Bayan para magsagawa ng protesta sa gusali ng Energy Regulatory Commission (ERC) para igiit dito na huwag ng sundin ang petisyon ng Meralco. Sinabi pa ng grupo na kung walang kapangyarihan ang Pangulo sa gawain ng ERC, dapat na lamang nitong kausapin ang Kongreso na pawalang bisa ang Republic Act 9136 o ang Electric Industry Reform Act, ang batas na nagbibigay pahintulot sa mga power firm na magtaas ng singil sa kuryente sa oras na gustuhin nito.

 March 21, 2002

*** MURANG GASOLINANG IMBENTO NG PINOY, MABIBILI NA ***

Mabibili na sa mga gasoline stations ang tatlong bagong uri ng fuel blends na inimbento ng isang award winning Pinoy inventor matapos mapatunayan sa mga pagsubok na mas hindi nakakapinsala sa kapaligiran ang mga ito at mas mura pa, lalo na ngayong nagtaas na naman ang prseyo ng gasoline.

Ang Alco-Diesel, Lan-Gas fuel at Super Bunker Formula-L ay mahusay na pamalit sa karaniwang gatong sa mga pabrika, gayundin sa mga sasakyan lalo sa panahong ito na panay ang taas ng presyo ng langis.

Ang mga nasabing produkto ay inimbento ni Rudy Lantano Sr., na nagkamit ng gold medal mula sa World Intellectual Property Organization. Ang produktong ito ay pinaghalong hanggang 50% ng tubig at krudong bunker-c na karaniwang ginagamit sa industriya, pero mas malakas ang init nito at umaabot sa 95% ang nawawalang pollutants. Pamalit ito sa ordinaryong krudo, ay pinaghalong denurated alcohol at additives.Bukod sa matipid, mas malakas itong humatak ng makina at walang overheat.

Ayon kay Lantano, ang mga produkto niya ay resulta ng paghahalo ng mga sangkap at additives sa ordinaryong gasoline o krudo sa pamamagitan ng agitating at mixing. Hindi gumagamit ng init ang nasabing paghahalo kaya walang nagiging pollutant na makakasira sa kalikasan.

 March 11, 2002

*** 20,000 GURO KAILANGAN SA SUSUNOD NA PASUKAN ***

Iniutos ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang pagkalap ng 20,000 mga bagong guro para sa mga public schools sa darating na pasukan sa Hunyo. Kasabay nito, iniutos din ni Arroyo ang madaliang pagpapagawa ng mga silid-aralan para sa 1,612 baranggay sa buong bansa para matugunan ang kakulangan ng paaralan.

Ayon sa Malacanang, ang mga bagong gurong kakalapin ay pinaglaanan na ng P1.98 bilyon pondo na napakaloob sa pinagtibay na pambansang badyet ng Kongreso sa taong 2002. Inihayag ni DECS Secretary Raul Roco na nakapagsimula na silang magpaanunsiyo sa mga pahayagan sa mga kuwalipikasyon ng mga bagong gurong kakalapin.

Ang mga kuwalipikadong anyang aplikante ay mabibigyan ng notisya ng pagtanggap sa tungkulin hanggang katapusan ng Abril para pumailalim sa isang in-service training sa Mayo bilang paghahanda sa pagbubukas ng paaralan sa Hunyo. Hinggil sa paaralan, sinabi ni Roco na natukoy na nila ang 1,612 baranggay na nangangailangan ng gusaling pampaaralan.

Sa susunod na anim na buwan may 345 gusaling pampaaralan ang maitatayo umpisa sa pagpapagawa ng 45 gusali sa susunod na buwan. Mula Mayo at Hunyo, 150 school building ang ipagagawa at panibagong 150 ang itatayo mula Hunyo hanggang Hulyo ng taong ding ito. Kabilang sa ipapatayong paaralan ay sa 263 malalayong baryo na itatayo ng mga sundalong military.

 March 04, 2002

*** P1.5-B FINANCIAL HELP, IBINIGAY SA ARCP ***

Nagkaloob ng P1.5-bilyong tulong pinansiyal ang Asian Development Bank (ADB) upang pondohan ang Agrarian Reform Community Projects (ARCP) sa iba't ibang bahagi ng bansa. Ayon kay Agrarian Reform Secretary Hernani Braganza, ang nasabing pondo ay para sa pagpapagawa ng farm-to-market road at mga konkretong tulay. Gayundin ang pagpapalagay ng communal irrigation systems at portable water supplies sa mga ARC. "More than half a million beneficiaries have directly gained from the program, increasing the earnings of the farmers, engaged in intensive rice production and other high-value crops providing employment for local labor and uplifting the lives of residents in far-flung barangays who are now enjoying the convenience of all-weather roads for travel and transport of farm produce," ani Braganza. Kaugnay nito, inaprubahan ni Braganza ang P200-milyon soft loan package para sa 17 munisipalidad bilang suporta sa programang makapagdeliber ng basikong serbisyo sa mga taga-nayon. Pinapurihan naman ni League of Municipalities of the Philippines president Ramon Guico si Braganza sa nasabing gawain at sinabi pang ang pagpapalabas ng pondo ay magpapainit sa aktibidad sa ARC areas.

 February 22, 2002

*** $50-M PONDO SA PASIG RIVER REHAB ***

Inihayag kahapon ni Manila City Mayor Lito Atienza ang alokasyong $50 milyon pondo mula sa Asian Development Bank (ADB) para sa rehabilitasyon ng pasig river. Sinabi ni Atienza na ang Pasig Development Committee na pinangangasiwaan ni Budget Secretary Amelia Boncodin, ay naglaan ng multi-million dolyar mula sa ADB upang buhayin ang namamatay na Pasig Riber na dumadaloy sa may 11 iba't ibang lungsod at munisipalidad sa Kamaynilaan.

"In five year's time , we can enjoy the result of the Pasig River Rehabilitation project which also covers the relocation of squatter families living in the danger zone along the riverside of Pasig," pahayag ng alkalde. Ilalaan ang pondo upang matuntong ang mga deposito at basura sa ilalim ng ilog at upang maiwasan ang pagguho ng pampang na makapagdudulot ng pagkasira ng istraktura at kalsada malapit sa Ilog Pasig.

Kasama sa rehabilitasyon ang ilog na nasa hurisdiksiyon ng Maynila kasama na ang pampang na nakaharap sa Escolta St., at Magallanes Drive. Sa kasalukuyan, sinabi ni Atienza namay plano ang pamhalaang lungsod na magtayo ng lamp post at bench sa may tabi ng ilog upang magkaroon ng recreational at relaxing site para sa mga local na residente.

"The city government already has a draft of the plan of turning Escolta riverside at the back of Immigration into a commercial place patterned after the tourist site in Quay, Singapore," dagdag ni Atienza.

 February 13, 2002

*** VEHICLE REGISTRATION, HIHIGPITANS ***

Iniutos kahapon ni Land Transportation Office (LTO) chief, Roberto Lastimoso na higpitan ang pagsusuri at pagkilatis sa mga sasakyang irerehistro sa kanilang tanggapan. Inatasan ni Lastimoso ang Registration Division and Motor Vehicle Inspection Section (MVIS) na huwag payaganr irehistro ang mga sasakyang hindi makapapasa sa quality standard ng LTO. Ayon sa kanya, ang direktiba ay bunsod ng tumataas na bilang ng mga sasakyang mausok at ang iba nama'y kakarag-karag na.

Kabilang, aniya, sa higit na pinasusuri at sasailalim sa matinding inspeksiyon ang mga sasakyang tinaguriang "rolling coffins" at mga aircon public utility vehicles na walang sapat na bentilasyon o pawang mga blower lamang ang gamit sa pagpapalamig. Kaugnay nito binalaan naman ni Lastimoso ang mga tauhan ng kanyang tanggapan na may katapat na parusa ang sinumang mahuhuling magrerehistro ng mga bulok na sasakyang hindi dumaan sa quality standards o masusing pagsusuri. Layunin ng hakbang na maglaho na ang mga sasakyang smoke belcher at maprotektahan ang riding public mula sa pagsakay sa mga bulok at kakarag-karag na sasakyan.

 February 05, 2002

*** X-RAY MACHINES,
DADAMIHAN SA LOCAL AT INTERNATIONAL AIRPORTS ***

Pagtutuunan ng pansin ng ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang pagbili ng karagdagang x-ray machines sa domestics and international airports bilang pagpapalakas sa hakbanging pang-seguridad sa NAIA I at II pati na sa domestic airport.

Ang planong pagbili ay hiniling ni Miguel Hinlo, bagong talagang assistant NAIA General Manager for security, matapos matuklasang ang kakulangan ng mga airports sa mga x-ray machines pati na rin sa mga tauhang nagmomonitor nito. Napansin din ni Hinlo, na ang mga kawani ng Airport Police Department ay hindi nagsusuot ng sombrero.

Kaugnay nito, ngako si Hinlo na lahat ng kakulangan sa mga hakbanging pangseguridad sa lahat ng airports terminal ay agad niyang sosolusyonan. Sinabi naman ni NAIA General Manager Edgardo Manda na inihahanda na ang pagpapatupad ng seguridad sa napipintong pagbubukas ng NAIA terminal III na mismong si Philippine National Police-Aviation Security Group Director Marcelo Santos Ele ang magpapatupad.

 January 21, 2002

*** MURANG GAMOT PARA SA MASA, HANDOG NG DoH ***

Sinalubong ng Department of Health (DoH) ang bagong taon sa pamamagitan ng paghahandog ng isang mahalagang regalo sa mga Pilipino-murang gamot. Ito ang tugon ng DoH sa panawagan ni Pangulong Arroyo na pababain ang presyo ng gamot upang makayanang bilhin ng masa.

Sinabi ni Sec. Dayrit na 40 drug preparations na nagkakahalagang P63 milyon ay mabibili na sa murang halaga sa 76 DoH at local government hospitals sa bansa. Ang nabanggit na drug preparations ay lulan ng pinakamalaking cargo shipment ng DoH mula sa Philippine International Trading Corporation.

Ayon kay Health assistant secretary Eric Domingo, hindi na kailangan maglabas ang LGU's ang pondo para bumili ng mga gamot na ito. Sinabi ni Domingo na sa ganitong paraan ay mas magiging madali para sa mga maliliit na ospital na magbenta ng mura at abot kayang gamot. Maaari din aniyang sa PITC direktang kumuha ng gamot ang ibang LGU's.

Maliban sa pagkakaroon ng parallel imports, mayroon na ring 300 National Food Authority (NFA) rolling stores sa bansa na nagbebenta ng over-the-counter drugs. Nagawa ito sa pamamagitan ng isang memorandum of agreement na nilagdaan sa pagitan ng DoH at Philippine Institute of Traditional and Alternative Health Care.

 January 21, 2002

*** PNOC-EDC, MAGTATAYO NG WING POWER PLANT SA ILOCOS ***

Inaprubahan kamakailan ng Philippine National Oil Company (PNOC) ang kahilingan ng Philippine National Oil Company-Energy Development Corporation (PNOC-EDC) para gamitin ang Overseas Development Assistance (ODA) ng Japan para sa 40MW wind power plant project sa Burgos, Ilocos Norte.

Inaaasahang aabot sa $54 milyon ang pagpapatayo ng proyekto na popondohan ng Special Yen Loan Package (SYLP) ng Japan. Sa ilalim ng proyekto, magpapatayo ang PNOC-EDC ng 56 units 750kW wind turbine generators.

"It is the first phase of the total 120MWV potential power production from wind energy in the area. It's commercial operation is expected to start by 2004. Once completed, this will be the largest wind power project throughout the Southeast Asia," pahayag ni DOE secretary Vincent Perez.

Inaprubahan ng National Economic Development Authority (NEDA) Investment Coordination Committee Cabinet Committee (ICC-CC) ang proyekto noong Disyembre 14, 2000. Inendorso na rin ito ng Regional Council ng Region 1 at ng Department of Environment and Natural Resources. Ang wind project ay bahagi ng action plan ng DOE para mag-develop ng new and renewable energy (NRE) sources. Ang implementasyon ng proyekto ay makatutulong sa pagpapalakas ng self-sufficiency ng bansa sa pamamagitan ng pag-unlad ng domestic energy source. Inaasahan ding makalilikha ang proyektong ito ng trabaho para sa mga Pilipino.

 January 15, 2002

*** ROLLBACK SA MATRIKULA POSIBLE ***

Inihayag ni Commission on Higher Education (CHED) Chairperson Ester Garcia kahapon na posibleng magkaroon ng isang rollback sa mga tution fees sa mga pribadong unibersidad at kolehiyo sa bansa ngayong darating na school year.

Ayon kay Garcia, nagpahayag pa umano sa kanya ang mga pederasyon ng mga kolehiyo ng kanilang planong magbawas sa halaga ng singil nito sa tuition fee at kasalukuyang nagsasagawa ng mga pagpupulong upang maisapinal ito. Kapag nagkaroon umano ng kasunduan ang mga kolehiyo, agad na maipapatupad ang bawas sa tuition fee sa darating na pasukan.

Tumanggi naman si Garcia na pangalanan ang mga unibersidad at kolehiyo na nagbabalak ng tuition fee rollback at maging ang halaga ng ibabawas. Wala naman umanong kapasidad ang CHED na magtakda ng halaga ng rollback dahil sa may lubos na awtonomiya ang mga paaralan sa naturang usapin.

Malugod naman umanong tinanggap ng mga estudyante at mga magulang ang naturang balita at ngayo'y umaasa na sa magiging bawas sa kanilang babayaran. Nakatakdang ipaalam naman ng mga unibersidad at kolehiyo ang resulta ng pagpupulong hanggang Pebrero 28.

 January 09, 2002

*** PAGSASANAY NG BOY SCOUT, SUSI SA TRAPIKO ***

Tinalakay ngayon ng Department of Transportation and Communication (DOTC) ang paggamit ng sistemang Scout sa ikalulutas ng trapiko sa Metro Manila at mga karatig pook. Sabi pa ni DOTC Secretary Pantaleon Alvarez, maraming aksidenteng nangyayari dahil sa ang kaligtasang pantrapiko ay hindi lubos na naitanim sa kamulatan ng karamihan ng mga driver.

Ang kaguluhan sa trapiko at ang kawalan ng disiplina ng driver ay nag-uugat sa kawalang disiplina sa pagmamaneho at kulang sa kaalaman sa mga alituntunin ng trapiko. "Nagbubunga ito ng mga aksidente sa daan at kung minsan ay humahantong pa sa pagkasawi ng iba" dagdag ni Alvarez. "Kung magiging matagumpay ang ating pagtuturo sa magandang ugali sa pagmamaneho, kailangang umpisahan natin ang pagtuturo sa mga bata," sabi pa ni Alvarez.

Nakatakdang makipag-usap si Alvarez sa mga pinuno ng Boy Scouts of the Philippines upang mapagkasunduan ang posibilidad na mapabilang sa edukasyong pang-Scout ang mga batas trapiko. Sa kaugnay na balita, namigay ng "Traffic Education for Schoolers Made Easy" ang DOTC OKS na OKS Program sa katatapos pa lang na 12th Boy Scouts of the Philippines Jamboree kamakailan.