このページは主としてフィリピンの方に提供しているため、
現在のところタガログ語(フィリピノ語)で掲載させていただきます。(毎週更新を目標)

It lets us insert it in Tagalog because this page is provided for the Filipino.
(Renewal, every week.)
News (Police news)
 December 28, 2001

*** SMC-KIRIN DEAL, LILIKHA NG KAPITAL ***

Sinabi ng leading global investment banking leader na si J.P. Morgan na halatang may magandang plano si Pangulong Arroyo sa pagbenta ng 15 porsiyentong stake ng San Miguel Corporation (SMC) sa Kirin Brewery Co. ng Japan. Sa pamamagitan aniya ng "buy" rating ng San Miguel shares, naniniwala si Morgan na "the President is looking at the transaction as a positive step not just for the SMC but also the Philippines, as it will boost inward capital flows and confidence in the Philippine economy".

Idinagdag pa niya na mananatili ang gobyerno sa paghawak ng management ng San Miguel na pinamumunuan ni chairman at chief executive officer Eduardo Cojuangco, Jr. Magkakaroon aniya ng kaluwagan sa corporate governance ng Kirin dahil pagkakalooban ito ng dalawang board seats sa SMC sa ilalim ng buy-in-agreement. Hindi lamang aniya malulunasan ang kawalang-kasiguhan sa management control, makikinabang din aniya ang SMC dahil sa dadalhin nitong financial at human capital. Magkakaroon din ng export market ang SMC dahil sa deal, samantalang ang Kirin ay matututo sa SMC, partikular sa China kung saan malakas ang kompanya, dagdag ni Morgan.

 December 17, 2001

*** AIR PHILIPPINES, MAY INTERNATIONAL FLIGHT NA ***

Inilunsad ng Air Philippines Corporation ang kauna-unahang regional flight sa Bandar Sari Begawan, Brunei, magmula noong Disyembre 1, 2001. Marami ang inaasahang tatangkilik dito dahil ito ay itinaon sa peak season at maraming mga Pilipino ang umuuwi sa bansa dahil sa Christmas holiday. Sa nakalipas na limang taon, ito ang kauna-unahang pagkakataon na pumasok sa regional flights ang airline kasabay ng pagkakabili nito sa dalawang Boeing 737-300 aircraft. Ang biyahe sa Brunei Darussalam ay bahagi ng planong regional flights sa pagtatangka ng Air Philippines na palawakin ang operasyon nito papunta sa ibang mga baybayin. Hindi na bago ang planong pagbubukas ng flights sa Brunei dahil ang kompanya ay matagal nang naghahanap ng ibang oportunidad upang lalong mapagsilbihan ang publiko.

Ang flights sa Brunei ay nakatakda tuwing Martes, Huwebes at Sabado tinawag itong Flt. 2P 585 at aalis sa Maynila ng alas-8 at darating sa Brunei ng alas-10. Samantalang ang Brunei-Manila flights ay aalis sa Bandar Sari Begawan alas-11 at darating sa Maynila ng ala-1.

 December 12, 2001

*** COMMUNITY LEARNING CENTERS, ITATATAG ***

Ang pagtatatag ng local community learning centers ay nakitang isa sa epektibong paraan ng pagpapalakas ng pakikipagtulungan ng pamayanan sa pagpapatuloy ng implementasyon ng local na proyekto para sa panghabambuhay na pagkatutu at pagpapabuti ng antas na pamumuhay, ayon kay Dr. Rosario de Guzman, director ng DepEd Bureau of Nonformal Education.

Ayon sa kanyang isinagawang talumpati, layunin nito na iangat ang literacy rate sa kabukiran. Ang kagawaran , sa pamamagitan ng BNFE, ay nakikipag-ugnayan sa mga local na opisyal ng pamahalaan sa gawain nitong itaguyod ang mga bulwagan ng barangay, mga gym, kapilya at gusali sa mga local na pamayanan na nagsisilbing learning centers para sa out-of-school youths at adults na di makabasa at makasulat.

Lalagyan ng mga kagamitang pang-edukasyon ang mga learning centers, gaya ng mga aklat, magasin, flip charts at mga polyeto. Pangangasiwaan ng mga kawani ng NFE ang center na bukas sa mga kabataan na nagnanais na magbasa at mag-aral.

 December 04, 2001

*** TURISMO, MAGPAPASIGLA SA RP ECONOMY ***

Ipinahayag kahapon ni Tourism Secretary Richard J. Gordon na ang kultura ng turismo ang itinuturing na "dollar earner" ng bansa para sa kinakailangang pagbangon ng ekonomiya at inaasam na kaunlaran.

Sa ginanap na press conference sa Presidential lounge ng NAIA Centennial Terminal 2, ibinalita nito na malaki ang kanyang paniniwala na muling sisigla ang bansa sa pagbabalik ng mga turistang Hapones.

Ayon kay Gordon, ito ay batay sa nagging resulta ng kanyang pagdalo sa Japan Congress of International Travel and Trade Show, ang pinakamalaking travel and trade show sa nasabing bansa. Aniya pa, umani ng positibong reaksiyon ang ginawang pagpapakilala ng pinakabagong proyekto ng DoT sa naturang travel fair, ang "WOW" Philippines campaign na ang ibig sabihin ay "Warm Over Winter" para sa Japan market.

Inaasahan ni Gordon na ang nasabing pagtitipon ang pinaka-angkop na pagkakataon ng Pilipinas upang makabawi mula sa epekto ng nakaraang pagsisid ng Japanese tourist bunga ng pagpapalabas ng travel advisory ng Japan Ministry of Foreign Affairs.

Pormal ring ilulunsad ng DoT ang Volunteer 12 Programme sa tatlong European countires na binubuo ng Germany, France at United Kingdom.

Binigyan diin ni Gordon na ang programa ay naglalayong pakilusin ang may 7.38 milyong overseas Filipino workers bilang mga tourism volunteer at iukit sa isipan ng mga ito ang kahalagahan ng promosyon ng bansa bilang holiday/investment destination na makakahikayat sa pagtungo ng mga turista sa bansa.

 November 28, 2001

*** ELECTRONIC BEAM TECH, IPINAGAGAMIT
SA RP MANGOES BAGO ILUWAS SA US ***

Ie-export na sa United States sa lalong madaling panahon ang prutas na mangga ng Pilipinas, ayon kay Department of Agriculture Secretary Leonardo Montemayor kahapon. Ito ay matapos ipinanukala ni Montemayor sa United States Department of Agriculture (USDA) ang paggamit ng electronic beam technology bilang alternatibong paraan ng pagpuksa ng mga peste sa mangga.

Idinagdag pa ng kalihim na hiniling niya sa USDA officials na payagan ang importasyon ng mga mangga na ginamitan ng electronic beam saan mang lugar sa bansa nagmula. Sa VHT, isang Japanese-approved post harvest technology, gumagamit ng kumukulong tubig sa pagpatay ng peste sa prutas na nakaaapekto sa lasa, kalidad at kulay ng mangga sa Pilipinas.

Aniya pa, ang teknolohiya, na nagkakahalaga ng $4 milyon ay ginagamit ng US sa pagpuksa ng anthrax virus sa mga sulat. Sa Setyembre, sa advisory ng USDA, inaprubahan ang importasyon ng Philippine mangoes na nagmula sa Guimaras Island na sinertipikahang plant pest free at dumaan na sa VHT.

Subalit dahil sa limitado ang produksiyon, nais ng Pilipinas na I-develop ang iba pang sources ng mangga gamit ang electronic beam. Ang ilan sa mga mango-producing areas ay ang Pangasinan, Panay Island, Cebu, Samal Island at Zambales.

 November 19, 2001

*** Pagbibigay ng quality health Care service, tiniyak ng PGH ***

Iginiit ng mga opisyal ng Philippine General Hospital (PGH) na committed pa rin sila sa misyong pangangalaga sa mga may sakit lalo na ang kapus-palad.

Ito ang kanilang reaksiyon kaugnay sa sunod-sunod na kilos-protesta na tumutuligsa sa desisyong magtaas ng bayad sa ilang serbisyong medical na dati ay libre at ipinagkakaloob ng PGH.

Ayon kay PGH Director Juan Ma. Pablo Nanagas, ang bagong adjusted rates ay ibinase nila sa umiiral na pinakamababang bayad sa mga ospital. Matatandaang nagtaas ng bayad ang PGH upang mapanatili, kundi man mapalawak, ang kakayanan nitong magbigay ng kalidad na health care sa mga pasyente na karamihan ay mahihirap.

Ang bagong laboratory fees, anang mga opisyal, ay para sa mga pasyenteng nagbabayad samantalang ang mga pasyente sa charity ward ay magbabayad lamang ng ilang bahagi ng kabuuang gastos.

 November 14, 2001

*** RP Kumita ng $1.7B sa 2 araw na
Pagbisita ni GMA sa Indonesia ***

Masayang inihayag kahapon ni Pangulong Arroyo sa kanyang pagbabalik sa bansa mula sa dalawang araw na official visit sa Indonesia ang matagumpay na paglalakbay nito kung saan nagbunga ng may $1.7 bilyon na nilagdaang economic at trade agreement.

Ang Pangulo, kasama ang ilang piling miyembro ng gabinete at delegasyon mula sa kalakalan at ekonomiya ng bansa ay dumating sa Ninoy Aquino International Airport dakong alas-5 ng hapon lulan ng Philippine Airlines special flight PR-001 mula sa Indonesia.

Ayon sa Chief Executive, pinkatampok sa kasunduang kalakalan ng dalawang bansa ay nagging kasunduan para sa tinurang strategic alliance at kooperasyon sa larangan ng langis at gas para matugunan ang pangangailangan ng domestic energy demand.

Sa pagbisita, pormal na nilagdaan ng Pangulo at Indonesian President Megawait Sukanoputri ang apat na bilateral agreements sa enehiya, fisheries, financial investments, kultura at terorismo.

Itinuon din ng dalawang head of state ang pansin sa pagsasanib ng puwersa ng magkabilang bansa hinggil sa pagsugpo ng terorismo at cross border arms smuggling.

Ipinaliwanag pa ng pangulo na ang Pilipinas at Indonesia ay nagkaisa sa "common solidarity" laban sa terorismo at ekstremista gayundin ang layunin at pakikiisa sa pandaigdigan at rehiyunal na kapayapaan at kaunlaran.

 November 07, 2001

*** JUMPSTART MECHANISM SA SUAL POWER PLANT, ILALAGAY ***

Sinabi kahapon ng Malakanyang na hindi maiiwasan ang isa pang power tripping pero maaaring mabawasan ang oras na ipinaghihintay ng publiko nang hanggang isa kumpara sa mga naunang pagkawala ng supply ng kuryente nang tatlo hanggang apat na oras.

Ayon kay executive secretary Alberto Romulo, napagkasunduan ng Department of Energy at National Power Corporation (NAPOCOR) ang paglalagay ng jumpstart mechanism upang magkaroon kaagad ng kuryente sa loob lamang ng kalahating oras hanggang isang oras.

"The DoE said this mechanism can shorten the period within which there is no electricity. So we would have that long outage in some areas it was resolved within 3 hours, in some 4 or little bit more time," ani Romulo sa kanyang pahayag sa isang press conference sa Malakanyang.

Sinabi pa ni Romulo na ang power breakdown ay sanhi ng isang technical na problema sa external transmission line sa Sual power plant, at hindi sanhi ng jellyfish o anumang crustaceans.

Kasalukuyan na itong pinag-aaralan ni Energy Secretary Perez at inaasahang isusumite sa pagpupulong ng Gabinete sa susunod na linggo.

 October 29, 2001

*** FULL OPERATION NG PHIL. PORTAL, MATATAGALAN ***

Maaaring matagalan pa ang full operation ng portal ng gobyerno na http://www.phigov.ph o http://www.gov.ph , ayon kay Presidential Management Staff (PMS) chief Vicky P. Garchitorena.

Pinaniniwalaan na ang naturang portal ang mabubuklod sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan sa kani-kanilang websites. Nangangailangan ang proyektong ito ng lima hanggang anim pang taon bago matapos. Isang quality control committee na kinabibilangan ng mga miyembro mula sa National Computer Center (NCC) Office of the Press Secretary (OPS) at PMS ang magtutulong sa pagpapaganda ng websites ng bawat ahensiya ng gobyerno.

Sa simula ang nilalaman ng mga website ay tungkol sa Malacanang. Imomonitor nito ang mga kaunlaran ng programa ng gobyerno ayon sa mithiin na nakasaad sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong nakaraang Hulyo.

Magkakaroon din ng forum upang mabigyang-daan ang mga Pilipino para sa pagbibigay ng opinion sa mga isyung may kaugnayan sa gobyerno. Ang website ay precursor ng mas malaking proyekto, ang PREGINET, isang network na kumokonekta sa lahat ng tanggapan ng gobyerno at lahat ng paaralan at institusyon sa pananaliksik.

Pinangungunahan ang proyektong nabanggit ng Department of Science and Technology (DoST) at Information Technology and Electronic Commerce Council (ITECC) ng pribadong sector. Mayroon na ring operational node na itinayo sa Cebu City at Cagayan de Oro, paghahayag naman ni Dr. Alex Lim, deputy director ng Philippine Council for Advanced Science & Technology Research and Development.

 October 22, 2001

*** TWINING AGREEMENT, NILAGDAAN NG SOUTHERN TAGALOG, CENTRAL VISAYAS ***

Nilagdaan kahapon ang isang "twining agreement" ng mga tourism national council ng Central Visayas at Southern Tagalog upang sabay na isulong ang mga programang panturismo ng kanilang rehiyon.

Ang paglagda ng nasabing memorandum of agreement (MoA) sa pagitan ng dalawang rehiyon ang pangunahing bahagi ng ika-pitong Southern Tagalog Tourim Council Assembly na ginanap sa Nasugbu, Batangas.

Ang MoA ay nilagdaan nina dating Mindoro Gov. Rodolfo G. Valencia, chairperson ng Southern Tagalog Tourism Council, at Ms. Agnes Magpale, chairperson ng Central Visayas Tourims Council. Naging saksi sa pirmahan sina Tourism Regional Directors Louella C. Jurilla ng Region IV at Patria Aurora B. Roa of Region VII. Dumalo rin sa pulong sina Tourism Secretary Richard Gordon; Sen. Noli de Castro, chairman ng Senate committee on tourism; Batangas Gov. Hermilando Mandanas at Quezon Gov. Wilfredo Enverga.

Isinasaad sa MoA ang pagtutulungan sa pagbuo at pagpapatupad ng dalawang regional council ng mga programang magpapasigla sa paglalakbay sa pagitan ng dalawang rehiyon para sa pag-unlad ng torismo, familiarization trip sa mga makasaysayang lugar at site visitation ng mga negosyong panturismo.

Magtutulungan din ang dalawang rehiyon sa larangan ng information exchange, tulad ng paglilimbag ng mga lathalain, pagpapatupad ng mga napapanahong proyekto, pag-aanyaya sa mga pagdiriwang at iba pang programang panturismo.

 October 09, 2001

*** BIGGEST TELESCOPE NG PAGASA, MAGAGAMIT NA ***

Pinasinayaan kahapon ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administrat(PAGASA) ang pinakamalaking telescope sa bansa na nakalagay sa Astronomical Observatory sa University of the Philippines, Diliman, Quezon City.

Ang 45-cm computer based telescope ay donasyon ng Japan government sa pamamagitan ng kanyang Cultural Grant-Aid Program.

Ang pasinaya ay pangungunahan nina Department of Science and Technology (DoST) Sec. Estrella Alabastro at Quezon City Mayor Feliciano "Sonny" Belmonte. Sinabi naman ni Dr. Bernardo Soriano, hepe ng Atmospheric, Geophysical and Space Sciences branch na ang pagkakakuha nila ng state-of-the-art astronomical equipment ay naglalayong iangat ang kakayahan ng weather bureau na magmasid at magsagawa ng pag-aaral sa mga astronomical object at phenomenon.

"It can also enhance its promotion of astronomy and space science in the country, fill the observational gap by serving as a component of a network of small astronomical observatories in developing countries, like the Philippines and encourage and revitalize international cooperation in astronomical research among South East Asian nations," anito pa.

Ang nasabing telescope na nagkakahalaga ng JPY 49.2 milyon o tinatayang P19 milyon ay ang pinakamalaki at pinaka-modernong, kagamitan nakuha ng PAGASA buhat nang itayo ang naturang Observatory noong 1954.

 October 03, 2001

*** INFLUENZA-VIRUS, KUMALAT ***

Sinisiyasat na ng Department of Health (DoH) ang naiulat na outbreak ng "airborne-virus" na nagdulot ng sakit sa libu-libong estudyante sa ilang pampribadong paaralan sa Metro Manila. Nagpadala na ang DoH ng nga doctor at rescue teams sa ilang pampublikong paaralan kung saan may libu-libong estudyante ang maaaring mabiktima ng bacterial at viral epidemic.

Ayon sa mga inisyal na ulat mula sa National Disaster Corrdinating Council (NDCC), kabilang sa mga paaralang naapektuhan ng nasabing viral epidemic ang La Salle, Greenhills sa San Juan kung saang mahigit sa 291 estudyante ang nagkasakit; St. Paul's College sa Pasig na may 500 kaso; Xavier School, 41; Poveda Learning School sa San Juan, 100 at Immaculate Concepcion Academy sa Pasig.

Nakaranas ang mga biktima, na karamihan ay nasa elementarya at high school ng mataas na lagnat, respiratory illness, pamumula ng mata at matinding pag-ubo. Sinuspinde na ang ang klase sa La Salle kahapon kung saan inabisuhan ang mga magulang na sunduin na ang kanilang mga anak. Ganoon din ang ginawa ng St. Paul's kung saan sinuspinde ang klase hanggang sa Biyernes upang maiwasan ang pagkalat pa ng virus.

Ayon naman sa isang personnel ng Miriam College, kumalat na rin ang virus sa mga estudyante ng unibersidad kaya pinauwi rin ang mga estudyante rito kahapon. Samantala, nagpadala na ng isang technical team ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa St. Paul College sa Quezon City at La Salle Greenhills upang tulungan ang DoH sa pagiimbestiga sa pagkalat ng "airborne virus" na nagdulot ng sakit sa mga estudyanteng nag-aaral rito.

 September 25, 2001

*** FILIPINO FIRST POLICY, HINILING ***

Hiniling ng isang miyembrong Mababang Kapulungan kay President Gloria Macapagal-Arroyona ipatupad ang "Filipino First" policy sa harap ng napipintong pagbagsak ng ekonomiya dahil sa tensiyong namumuo ng United States at ng nga bansa sa Middle East, particular na sa Afghanistan.

"The Philippines and other countries would be facing severe economic recession if the hostility between US and some Middle Eastern nations, specifically Afghanistan, would escalate into a shooting war," pahayag ni House Assistant Majority Leader at Batangas Rep. Franz Perez.

Sinabi pa ni Perez na maliligtasan ng Pilipinas ang krisis kung sisimulan ng pamahalaan ang kampanya sa paghihikayat sa mga Pilipino na tulungan ang kanilang mga sarili at tangkilikin ang kanilang sariling mga produkto.

"We should rely on our own capabilities, depend on our local economy and promote our industries and products. We should think Filipino and promote Filipino ingenuity," paliwanag pa ng solon.

 September 21, 2001

*** 20 SPY CAM, GAGAMITIN NA ***

Magiging operational na sa susunod na dalawang linggo ang 20 high-tech hidden camera na nakalagay sa iba't ibang lansangan sa Kamaynilaan.

Sa isang panayam, sinabi ni MMDA-Traffic Operation Center (TOC) Director Ernesto Camarillo na anim sa 20 spy cameras ay ginagamit na at ang nalalabing 14 ay sa susunod na dalawang linggo.

Aniya pa, layunin ng proyektong ito na agad na mabatid at parusahan ang mga driver na hindi sumusunod sa batas trapiko. Ito ay upang maisulong ang disiplina sa mga tsuper ng mga pampubliko at pampribadong sasakyan.

Ang mga camera ay mayroong zoom lens para sa tamang pagkilala ng bus, jeep, at pribadong sasakyan na mangangahas na lumabag sa batas trapiko.

Bukod sa spy cameras, plano rin ng MMDA-TOC na maglagay ng iba pang traffic system gaya ng speed cameras, red light cameras at electronic billboards. Ani Camarillo, ang isang speed camera ay ginagamit na sa South Luzon Expressway na awtomatikong kukuha ng larawan ng mga sasakyang sumosobra ang bilis ng takbo sa naaayong batas.

Sa kabilang dako, ang mga red light camera ay ilalagay sa mga pangunahing lansangan upang kumuha ng larawan ng mga sasakyang hindi sumusunod sa traffic lights.

 September 10, 2001

*** LACSON, SUMUNOD KAY WONG SA HK ***

Bunga na kawalan ng hold departure order, hindi napigilan ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport ang pag-alis ni sen. Panfilo Lacson patungong Hong Kong kahapon.

Ayon kay Samuel Vallada, BI head supervisor ng NAIA, napawalang bisa na ang HDO at Watchlist Order na ipinalabas laban kay Lacson at ilang kasamahan nito sa Malacanang siege noong Mayo 1.

Sinabi ni BI Senior Intelligence officer Rudy David sa NAIA:"Wala tayong magagawa upang pigilan si Sen. Lacson na umalis ng bansa anumang oras na gustuhin niya dahilan sa walang written order na tulad ng HDO. Batay sa konstitusyon ay karapatan ng sinumang tao na maglakbay sa kahit saang lugar hangga't malinis ang pangalan nito sa anumang korte ng bansa."

Sa pag-alis ng bansa, ginamit ni Lacson ang kanyang Diplomatic passport No. 001809, kasama ang matagal na kaibigan nitong Filipino-Chinese businessman na si Jerome tang, may-ari ng Jollibee NAIA concessionaire, ay magkasabay na nagcheck-in sa departure counter ng Cathay Pacific Airlines ng dakong alas 9:45 ng umaga.

Si Lacson, 53, ay umalis ng bansang eksaktong alas 11:00 ng umaga lulan ng flight CX-906 patungo sa Hong Kong at pinaniniwalaang magpapalamig sa mga kasong kinakaharap nito kaugnay ng kaliwa't kanang akusasyon ng kampo ni ISAFP chief, Col. Victor Corpuz.

Napagalaman pa na hindi ipinahayag ni Lacson kung hanggang kailan ito mananatili sa Hong Kong at kung ano ang pakay nito sa kanyang pag-alis.

 August 22, 2001

*** SABWATANG MILITAR, ABU, SISIYASATIN NG SENADO ***

Hindi na maaawat ang Senado sa pagsisiyasat sa alegasyon ni Lamitan, Basilan Parish Priest Cirilo Nacorda na sabwatan ng ilang opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at bandidong Abu Sayaff Group (ASG).

Ito ang tiniyak ni Sen. Ramon Magsaysay Jr., chairman ng Senate committee on national defense and security matapos itakda ang pampublikong pandinig sa alegasyon ni Nacorda bukas.

Ayon kay Magsaysay, ito na ang panahon upang malaman ng publiko ang buong katotohanan ukol sa ibinunyag ni Nacorda at kung mayroon ba itong pinanghahawakan ebidensiya na susuporta sa kanyang mga alegasyon.

Ayon kay Nacorda, pinatakas ni Brig. Gen. Romeo Dominguez, hepe ng Visayas Command; Colonel Jose Narcise, dating acting Commander ng 103rd Brigade; ang dalawang aide ni Narcise na sina Captain Hubert Acierto at Nicolas Quemado at ang executive officer ng 18th Infantry Battalion na si Major Eliseo Campued ang mga bandidong ASG sa gitna ng isang mainit na labanan sa Lamitan noong Hunyo 2.

"Father Nacorda said he has strong and hard evidence to prove his accusations," wika ni Senator Magsaysay.

 August 06, 2001

*** US$ 728-M ni Lacson sa abroad dapat imbestigahan ***

Dapat ng imbestigahan si Ping Lacson! Ito ang naging kahilingan kahapon ni Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines Chief Col. Victor Corpus sa Senado na imbestigahan ang umano'y itinatagong US$ 728-M ni dating PNP Chief at ngayo'y senador na, kasama ang asawa nito at si dating Pangulong Estrada sa iba't ibang bank account sa iba-ibang bansa.

Sa isang panayam, sinabi ni Corpus na handa niyang patunayan at isiwalat ang lahat ng mga detalyeng kanilang natuklasan sa kanilang isinagawang masusing pag-iimbestiga sa mga nasabing accounts nina Estrada, Lacson at ng asawa nitong si Alice at may sapat umano itong ebidensiya na magdidiin sa kaso ng tatlo.

Noong Biyernes ay naghain si Senador Ramon Revilla ng isang resolusyon ukol sa sinasabing bank accounts ni Lacson bunga na rin ng sunod-sunod na pagbabatikos kay Lacson ni Philippine Daily Inquirer columnist Mon Tulfo.

Sa kanilang report kay Pangulong Arroyo, sinabi ni Corpus na sina Estrada at Lacson ay may bank accounts sa Amerika, Canada, Hongkong na pawang nasa totoong pangalan ng dalawa.

Nakasaad din sa report na hanggang Hunyo 2001, si Lacson umano ay may $211,388,420 deposito sa walong personal accounts at $118,833,107 deposito sa anim pang joint accounts kay Estrada. Ang dating Pangulong Estrada ay may $336,421 sa isang personal account sa Hongkong. Si Lacson din umano ay may $21,500 sa joint account nila ni Alice at may $40,357,078 sa dalawa pang personal accounts. Ninanais ni Corpus na sampahan si Lacson sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at kasong pandarambong, perjury at unexplained wealth.

 July 31, 2001

*** GMA handang humarap sa imbestigasyon, FG uuwi na ***

Nakahanda si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na humarap sa imbestigasyon ng senado o kongreso kaugnay umano sa suhulan sa telecom franchise na kinasasangkutan ng kanyang asawang si FG Mike Arroyo.

Ayon kay Presidential Spokesman Rigoberto Tiglao, handa o welcome ang Pangulo sa anumang congressional inquiry bagamat wala pang pormal na imbestigasyon ukol dito. Noong Biyernes ay inatasan na ng Pangulo si Chief Presidential Legal Counsel Avelino Cruz na makipag-ugnayan sa Ombudsman upang imbestigahan ang alegasyong suhulan na nagsasangkot sa First Gentlemen.

Bagamat hindi pa nasisimulan ang pagsisiyasat ng senado at Ombudsman ay agad nang inabsuwelto ng Malacanang ang First Gentleman. Tiwala ang Pangulo na lilitaw sa anumang imbestigasyon na ang FG ay hindi sangkot sa nasabing bribery case.

Samantala agad na puputulin ni FG Mike Arroyo ang kanyang biyahe sa Estados Unidos sa gitna ng umiinit na kontrobersiyal na suhulan sa telecoms franchise. Uuwi na sa Agosto 2 si First Gentleman Mike Arroyo sa halip na sa Agosto 6 para ipagdiwang ang wedding anniversary nila ni Pangulo.

Ayon kay FG Arroyo na siya ay nagpasuri sa Filipino physician na si Rudy Sotto sa kanyang slip disc kaya't nagtungo ito sa Estados Unidos.

 July 23, 2001

*** PNP, AFP Red Alert ngayon sa SONA ni GMA ***

Isinailalim ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang puwersa nito sa red alert upang tiyakin ang seguridad ni Pangulong GloriaMacapagal-Arroyo sa pagdaraos ng kanyang State of the Nation Address ngayon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa Batasan, Quezon City.

Ayon sa PNP, hindi nila bibigyan ng pagkakataon ang sinumang kriminal, makakaliwang kilusan at iba pang indibidwal na magtatangkang gumawa ng karahasan sa SONA ng pangulo. Kasabay nito, inalerto ni PNP Chief Director General Leandro Mendoza ang lahat ng Police Directors sa Metro Manila na mananatiling alerto at huwag magpabaya sa posibleng panggugulo sa nasabing okasyon ng alinmang grupo.

Iginiit ni Mendoza na tantiyado na nila ang gagawing seguridad sa paligid ng Batasan Complex, maging ang pagpapanatili ng kapayapaan sa mga inaasahang 20,000 na dami ng militanteng dadagsa at magmamartsa ngayong araw na sasalubong sa pagdating ng Pangulo. Bukod sa 3,000 pulis mula sa Crown Dispersal Management at Special Action Force, humugot pa ng karagdagang 2,500 pulis mula sa Police Regional Office 1,3 at 4 para ikalat sa Kalakhang Maynila.

Samantala, anim na miyembro ng Gabinete ang itinalaga ng Pangulo para makihalo sa mamamayan sa labas ng Batasan para alamin ang kanilang sentimiyento. Ang pangulo ay nakatakdang magsagawa ng isang talumpati na pinamagatang "Labanan ang Kahirapan" sa magkasanib na pagbubukas ng ika-12 Kongreso bandang alas-4 ng hapon. Ang unang bahagi ay nauukol sa sistema ng malayang kalakalan na angkop sa siglo at dito ay kabilang ang mga hakbang na gaganyak sa pagpasok ng mga kapitalista sa bansa.

 July 09, 2001

*** 20 BANGKAY NAHUKAY SA BAGUIO MUDSLIDE ***

Dalawampung naaagnas na bangkay ang narekober ng search and retrieval opeartion teams kaugnay ng patuloy na operasyon upang hukayin ang mga residenteng natabunan ng mudslide at landslide bunga ng pananalanta ng bagyong si "Feria" sa magkahiwalay na operasyon sa bulubunduking bahagi ng La Trinidad, Benguet at Baguio City.

Base sa ulat na ipinalabas kahapon ng National Disaster Coordinating Council (NDCC), tumaas na sa 121 ang "Feria" death toll matapos marekober sa ilalim ng mga gumuhong lupa sa La Trinidad, Benguet at Baguio City ang naturang mga bangkay. Nabatid na puspusan pa rin ang isinasagawang paghuhukay ng mga government rescuers sa mga gumuhong bahagi ng nasabing probinsiya upang makuha ang iba pang mga biktima ng landslide

Napag-alaman na 44 katao pa ang nawawala habang umabot na sa 130 katao mula sa iba't ibang bahagi ng rehiyon ng Luzon na grabeng naapektuhan ng nasabing bagyo, ang naiulat na nasugatan, karamihan dito ay mga bata. Masusi namang tinitingnan ngayon ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Baguio City at Benguet ang mga ulat na dahil sa mga bagong squatter settlement sa nasabing probinsiya ang naging sanhi ng mga grabeng pagbaha at pagguho ng lupa na ikinasawi ng mahigit sa 30 katao at ikinasugat pa ng marami.

Nabatid na dahil sa mga bagong tayong mga squatter settlements sa nasabing probinsiya, partikular na sa Dominican Hill, Quirino Hill, at Quezon Hill, tuluyan nang nabarahan ang mga daluyan ng tubig kung kaya nagkabaha.

 July 06, 2001

*** SUNOD-SUNOD NA LANDSLIDE, BANTA SA MAYON ***

Tiniyak na magsusunod-sunod ang landslide sa palibot ng Bulkang Mayon dahil sa pagkakaipon ng malalaking tipak ng bato at putik sa dalisdis ng bulkan. Ayon sa National Disaster Coordinating Council (NDCC), nagipon-ipon ang bulto bultong bato at putik sa katimugang bahagi ng Mayon na nagbabantang tumabon sa mga kabahayan na malapit sa Bonga, Buyuan, Matanag at Mabinit gullies.

Pinangangambahan naman ang matinding pag-agos ng lahar na maaaring umapaw sa mga ilog kapag nagpatuloy ang matinding pag-ulan o may dumating na bagyo. Pinakakritikal pa rin ang katimugang bahagi ng 8-kilometer permanent danger zone (PDZ) ngunit kapag nagtuloy-tuloy ang pananahimik ng Mayon, posibleng ibaba sa pitong kilometro ang itinalagang lugar ng panganib.

Samantala, mahigit 18,000 galon ng tubig ang ipinadala sa iba't ibang sangay ng pamahalaan sa mga evacuation center para punan ang matinding kakapusan ng malinis na tubig na sanhi ng pagkalat ng iba't ibang sakit sa evacuation sites. Kaugnay nito, nagsisiksikan pa rin sa kapal ng tao ang may 30 evacuation centers na itinalaga ng pamahalaan para sa mga naapektohan ng pagsabog ng Mayon.

Base sa Office of Civil Defense, 10 pamilya lamang ang pinapayagan sa bawat kwarto ngunit hindi na nito nasunod dahil sa pagdagsa ng mga nagsisilikas. Dahil dito, kinumpirma ng NDCC ang pagkalat ng mga sakit tulad ng dengue fever at respiratory infections dulot na rin ng siksikan sa evacuation centers.

Sinimulan na rin ang pagtatayo ng 2.4 milyong halaga ng mga karagdagang palikuran, at balon kasabay ng pagpapakalat ng karagdagang mga doktor, gamot, bigas, noodles at mga de lata. Sa kasalukuyan, umaabot pa rin sa 45,086 katao mula sa Legazpi, Ligao, at Tabaco City ang nananatili sa mga evacuation center sa Albay.